Nagbibilang lang ng oras si Belle hanggang sa dumating ang breaktime. Kinuha niya ang cellphone at sinimulan tawagan si Jaica.

“Hoy, ikaw. Bakit hindi mo naman ako ginising?”

“Belle, may sideline kasi kay Donya kaya sumama ako.”

“Pwede bang pautang?”

“Ha? Sabi ko naman sa iyo, kung hindi na kaya tumigil ka na.”

“Fourth year na ako, Jai. Titigil pa ba ako?”

“Edi sana iyang mga binibili mong bag at cellphone, ipinambili mo na lang ng uniform at pang tuition.”

“Eh kailangan sa work diba? Alam mo naman palagi tayong naka make-up para gumanda para na rin sa tip.”

“Eh kaso nga, ang gastos mo. Kung saan-saan mo tinatapon ang pera mo. Bago ka magpautang at magbigay sa iba, unahin mo kaya ang sarili mo? Sigurado napagalitan ka na dahil hanggang ngayon naka civilian ka pa rin pumasok.”

“Hay naku, huwag na nga. Nanghihiram lang ako nanermon ka pa!”

“Wala rin akong pera ngayon, nagbayad akong renta.”

“Okay.”

Binaba ni Belle ang cellphone at ngumuso lamang ito. Tiningnan niya ang cellphone at ito ang napagdiskitahan niyang ibenta. 

“Isangla na muna kaya kita?”

Hindi mapigilan ni Belle na gumastos dahil pilit niyang inaabot ang mga bagay na hindi siya nagkaroon dati. Kahit ba peke na pabango ay kanyang bibilhin para lamang masabi na meron din siya nito. 

Nang matapos ang isang buong araw sa paaralan,  nagmadali si Belle na umuwi para sa kanyang trabaho. Ngunit bago siya makalabas ng paaralan, dinaanan niya ang school supplies section sa kanilang paaralan kung saan pwedeng bumili ng ready made uniforms.

“Dalawang libo, dalawang pares,” bulong niya.

“Oh, Belle? Bibili ka na ba?”

Napatingin si Belle sa nagsalita at nakita si Ms. Guzman.

“Ah opo by tomorrow,” sinabi ni Belle habang may pilit na ngiti sa kanyang mga labi.

Umiwas si Belle at nagmamadaling lumabas ng eskwelahan. Diniretso niya ang pawnshop upang isangla ang cellphone.

“Sa inipon kong mga sahod, ikaw ang binili ko. Sa ngayon ikaw muna ang last chance ko.”

Hindi mapalagay si Belle dahil kahit anong sulat niya sa form, panay ang   pag buntong-hininga niya. Hindi niya mabitawan ang kaisa-isang cellphone na mahalaga sa kanya.

“Pambihira. Hindi na nga ako magpapautang! Hindi rin naman marunong magbayad ang mga letse!” Nagkakamot ng ulo si Belle at tinatapos ang form para sa pagsangla. Nakatingin lamang si Belle sa hawak na kapirasong numero at hinihintay niya na matawag siya. 

“Bwisit kasi na titser na ‘to. Pinahiya pa ako,” reklamo ni Belle hanggang sa mapatingin siya sa salamin. Kitang-kita niya ang bata na sumalisi sa bag ng isang matanda. Napalunok si Belle at tinaas ang dalawang kamay.

“Hindi… tumigil ka na sa pagnanakaw. Hindi mo na iyon uulitin. Hinding-hindi ka na gagawa ng ilegal,” paulit-ulit na sinisigaw ni Belle sa kanyang isip hanggang sa bigla itong tumayo at padabog na sinara ang pintuan ng pawnshop. 

“Binubulungan na naman ako ng demonyo.”

Naglalakad sa init ang dalaga hanggang sa makapasok siya sa isang grocery para bumili ng pagkain.

“Gutom lang ito. Hindi na ako gagawa ng mali.”

**

“Where are you going, Gael?” tanong ni Hugo habang nilalaro ang ballpen.

EL HOMBRE MAFIA: Franklin HugoWhere stories live. Discover now