"Sinabi ko rin naman na kahit sabihin kong huwag ay hindi ka makikinig sa akin, hindi ba?" mahinahon na sagot ni Jane. "May dahilan ba kung bakit desperada kang maalala ang lahat?"

Lalong magiging hadlang si Jane kung sasabihin niyang may taong nagligtas sakanya noon at na binigyan siya ng mensahe.

"Gusto ko lang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Lolo," bulong na sagot ni Isabella.

"Hindi ka ba nag-aalala para sa sarili mo?" tanong ni Jane, "Kung ano ang maaaring maging epekto sa iyo kung sakaling maalala mo man ang lahat?"

"Heto nanaman tayo."

"Hindi kita pinipigilan, Sab. Gusto ko lang marinig ang sagot mo."

Sa totoo lamang ay natatakot si Isabella. Ngunit kada ipipikit niya ang mga mata niya, tuwing mananaginip siya pakiramdam niya ay mawawala siya sa katinuan kung hindi niya malalaman ang katotohanan.

"Hindi," sagot ni Isabella, "kasi habang tumatagal, mas naapektuhan ako ng mga tanong na hindi ko mabigyan ng sagot. Hindi mo maiintindihan dahil buo ang alaala mo."

Hindi nakasagot si Jane sa iniuntag ng bunsong kapatid. Nababasa niya sa mga mata nito ang desperasyon.

Bumaba ang tingin ni Jane. Desperada rin siyang mahanap kung sino ang pumatay sakanyang nobyo. Ganoon rin ba ang nararamdaman ng kanyang kapatid simula nang mamatay ang kanilang lolo?

Napahawak si Jane sa kanyang tiyan.

"Sino si Gareth?" biglang tanong ni Jane.

Nanlaki ang mga mata ni Isabella sa narinig.

"Ah, ano," kamot-pisnging sabi ni Isabella, "yong bagong may-ari ng bahay ni Lolo, sakaniya ko kinuha itong dalawang basket at sewing machine."

Tumaas ang isang kilay ni Jane, "Close kayo?"

"Hindi gaano! Pero mabait siya saakin," tango-tangong bahagi ni Isabella.

"Siya ang balak mong modelo sa gagawin mong manika?" Namula ang mga pisngi ni Isabella.

"Oo, kaso si Wojtek..."

"Ha!" turo ni Jane sa nakakabatang kapatid, "Nalilito ka!"

"Hindi iyon kagaya ng iniisip mo!"

"Hindi ko lubos akalain na mauuna ka pang ikasal sa akin," may halong biro at pait na sabi ni Jane.

"Ate, hindi ganoon iyon!"

"Huwag kang mag-alala hindi ko sasabihin kay Mama at Papa."

Natigilan si Isabella. Alam niyang hindi tungkol kay Gareth at Wojtek ang tinutukoy nito.

Hindi nito sasabihin sa magulang nila ang balak niyang pag kuha sa alaala niya noong gabing iyon.

Binuksan ni Jane ang pintuan ng kwarto ni Isabella. Bago ito isara ay lingong ngumiti si Jane sa bunsong kapatid at tumango.

Napangiti at napatawa nang bahagya si Isabella. Nagalak siya na ka-kampi niya ang kanyang kapatid ngayon.

Sa huli ay napagdesisyunan niya na gawing unang modelo ang kaniyang Ate Jane.



KRUS ang dalawang braso ni Wojtek habang nakatingin sa bangkay na nakita sa kakahuyan.

"Ilang araw nang patay ang biktima?" tanong ni Nathalie sa kasama nilang pathologist na kasalukuyang tinitignan ang tainga ng bangkay.

"Dalawang araw," sagot nito.

Dress and Bones ✔ (Zodiac  Predators Series #1) [PUBLISHED UNDER POP-FICTION]Where stories live. Discover now