"Melia at Isla nandiyan pala kayo!" binitawan ni Jacko ang hawak niyang libro samantalang si Lucas ay ganoon pa rin, siya pa rin ang lalaking walang ekspresyon na nakilala namin.

"Napadalaw kami. Tuluyan ng nalinis ang pangalan ni Panginoon. Napatunayan na wala siyang kasalanan ni Alvaro." kwento ni Isla.

"Masaya akong marinig ang bagay na iyan. Tagal din pinroblema ng gagong 'yon ang bagay na iyan." Lumabas kaming apat at nagpatuloy sa paglalakad at may isang lugar kaming patutunguhan.

"Iniisip ko, kung hindi naglaho si Blade noong paglalaho... kumusta na kaya siya?" tanong ko sa kanila.

"Ayan ka na naman," naiiling na sabi ni Jacko. Bumuntong hininga ito. "Pero alam mo, napakatalino ng bagay na ginawa ni Basi— Blade para mailigtas ang mundong ito. Kahit pagsama-samahin pa natin ang ating mga kapangyarihan ay imposible talagang matalo natin si Deathevn."

"Tama lang ang ginawang desisyon ni Blade at alam kong pinag-isipan niya iyon bago niya gawin," sabi naman ni Lucas.

"Ikinulong niya si Deathevn sa loob ng kanyang mahika na siyang nagigising lang kapag paglalaho... kailan pa ang susunod na paglalaho? Maaaring sa susunod na isang daang taon pa. Natapos ang paglalaho, natapos ang kaguluhan. Naiwasan ang malaking pinsala." kwento naman ni Jacko sa amin.

"Hindi naging makasarili si pinuno sa kanyang desisyon," sagot ni Isla at tama siya. Ginawa ni Blade ang bagay na alam niyang maililigtas niya ang napakaraming buhay. Hindi man niya napuksa si Deathevn ay napanatili niya naman ang mundong ito sa loob ng ilang daang taon.

Lumabas kami ng bayan ng Norton at umakyat sa burol. Sa tuktok ng burol ay doon nakahimlay sina Blade, Parisa, Avery, at Tatay David.

"Natupad ang pangarap nila sa isa't isa." nakangiti kong sabi at pinunasan ang aking luha. "Na magkakasama sila hanggang sa huli."

Matapos ang paglalaho ay ilang buwan lang din ang nakalipas ay namatay na si tatay David dala ng katandaan. Isa lang ang kahilingan niya, iyon ay ang ilibing siya kasama ang tatlong kwintas ng tatlong bata na inilagaan niya.

"Kung nasaan man si Blade ngayon ay alam kong masaya siya dahil kasama niya ang pamilya niya. Magkakasama na sila sa piling ni Bathala." sabi ni Jacko.

Umupo ako sa tapat ng lapida kung saan nakalagay ang pangalan ni Blade.

"Masaya ako para sa iyo dahil napatunayan nang inosente ka sa pagkamatay ni Alvaro. Tapos yung sistema rito sa Norton... medyo magulo pa rin pero inaayos at ginagawan ko ng paraan. Alam kong hindi magiging pantay ang mahihirap sa mayayaman pero sinisigurado kong hindi sila maaapakan. Sa susunod na taon man ay pipili na kami ng magiging kalahok para sa susunod na magiging Ixion... sayang nga lang at hindi mo na ito makikita," ilang beses ko nang kinakausap ang puntod na ito ngunit hanggang ngayon ay naiiyak pa rin ako.

"Sayang nga lang at hindi mo na nakikita ang mga pagbabago sa mundong ito pero sa kamulatan na ipinaranas mo sa akin ay hinding-hindi kita bibiguin. Maraming salamat sa pagligtas mo sa amin... utang na loob ng mga taong nabubuhay ngayon ang buhay nila sa iyo." Pinahid ko ang aking luha.

"Hindi ka kontrabida o pinakamalaking kalaban sa mundong ito. Ikaw ang bida at ikaw ang nag-iisang bayani ng lahat." nakangiti kong sabi.

"Hindi man nakikita ni Panginoon pero minamahal siya ng maraming tao ngayon. Lahat ng batang kalaro ko sa Norton ay gustong maging gaya niya na isang magiting na mandirigma!" pagmamayabang ni Isla.

"Siya nga pala, Blade, plano kong magsimula ng paglalakbay sa susunod na linggo. Balak kong pumunta sa Havoc upang tingnan ang kundisyon ng lugar na iyon. Nasira man ang buong bayan pero hindi naman ako nawawalan ng pag-asa para sa lugar na iyon. Doon ko naiisip na itayo ang pinaplano kong paaralan. Hindi mo man nakikita ngunit alam kong magiging masaya ka kung matututunan ng mga bata na gamitin nila ang kanilang kapangyarihan sa mas maayos na paraan." Pagkukwento ko.

"Huwag kang mag-alala, Basi— Blade. Ano ba 'yan, nasanay akong tawagin ka Basil. Huwag kang mag-alala, Blade. Kasama kami ni Melia sa paglalakbay. Hindi namin siya pababayaan." sabi ni Jacko. "Habambuhay na mabubuhay ang kwento mo at kwento ninyong magkakapatid." sabi niya.

Tumayo na ako at nag-alay ako ng bulaklak bilang respeto sa kanilang mag-a-ama.

"Huwag kayong mag-alala, huhubugin ko ang magiging estudyante ko para maging magaling sa mahika para sa oras na bumalik si Deathevn ay handa na tayo." nakangiti kong paalam sa kanila at alam kong iyon din ang gusto ni Blade, gusto niyang may tumapos nang kanyang nasimulan. Hindi man ako pero maaaring ang mga susunod na henerasyon.

Para sa akin, si Blade pa rin ang nag-iisang pag-ibig ko.

Bumaba na kami ng burol at nagpatuloy sa paglalakad.

Masaya ako para kay Blade. Alam kong masyadong maraming sakit at hirap ang pinagdaanan niya pero naging matatag siya at hindi siya sumuko.

Alam kong kung nasaan man siya ay alam kong masaya siya sa piling nila Parisa.

Siya ang pinakamasamang tao sa mundong ito pero para sa akin ay isa siyang... bayani.

WAKAS

Anti-HeroWhere stories live. Discover now