Dalawampu't walo

10K 680 124
                                    

Sa mundo kong magulo ay isang payapa ang nahanap ko. Tila siya isang sumibol na bulaklak sa gitna ng tagtuyot, isang kalinawan sa buhay kong masalimuot, isang tahanan sa gitna ng delubyo. Isang bahagi ng kaluwalhatian ang ngayo'y nasa aking piling at binibigyanng init ang aking damdamin.

"Isa kang biyaya ni Bathala sa akin, Mayari." Hinaplos ko ang pisngi niya at muling pumikit saglit. Dinadama ko ang bawat paghinga niya at ang init na pinararamdam niya sa akin

"Tayo na at magpahinga," nagmulat ako at muling tinitigan ang maganda niyang mukha.

Hindi ko na susubukang tanungin kung para saan ang halik na kaniyang binigay dahil sapat na sa akin ang payapa niyang dala sa puso kong nangangamba. Marahil ay natatakot rin ako na kapag ito ay tinanong ko ay biglang mawala ang mahika sa paligid at mawala itong nararamdaman kong pahinga.

Kumalas ako sa pagkakayakap sakaniya at minabuting umakyat na sa kwarto namin. Hindi ko na binigyan ng pansin ang basag-basag na piraso ng binato kong helmet sa sahig. Tahimik lang si Mayari na nakasunod sa akin, pagpasok sa kwarto ay pamilyar na halimuyak ang namumutawi sa paligid na agad na nagpangiti sa akin.

"Ang silid ko ay kaamoy mo, Mayari." Bulalas ko, hindi ko na napigilan ang bibig ko.

"Ito ay nararapat lamang," isang ma awtoridad niyang sambit. Hindi ko alam pero bakit pakiramdam ko ay binabakuran niya ako... o ako lang ang nag-iisip ng ganoon?

Binagsak ko na lamang ang katawan ko sa kama at saglit na pumikit. Pagod na pagod ang buo kong pagkatao mabuti na lamang ay nandito ang Dyosa upang pawiin ito. Umikot ako pakanan at sa hindi inaasahang pagkakataon, sa pagmulat ng aking mga mata ay muling nagtama ang aming paningin. Napalunok ako at saglit na nawalan ng hininga... hanggang ngayon ay hindi ako nabibigong mamangha sa taglay niyang ganda. Tila siya isang sining ng pinakamagaling na pintor ng mundo.

"Muli mong ipikit ang iyong mga mata, Selene. Sa iyong muling pagmulat, ako ang unang masisilayan ng iyong mga mata." Nakatitig lamang siya sa akin pero pakiramdam ko ay natutunaw ako. Pumikit ako at huminga nang malalim dahil parang nakikipagkarera ang puso ko. Kung siya ang masisilayan ko araw-araw ay hindi ako magsasawa...hinding-hindi. Unti-unti akong nilamon ng antok, naramdaman ko na lamang ang isang mainit na bagay ang dumampi muli sa aking mga labi.

Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga ng marinig ko ang malakas na pagtunog ng telepono ko. Pinatay ko agad ang alarm pagkakuha ko nito sa side table. Pupungas pungas pa ang aking mga mata nang dumapo ito sa babaeng mahimbing na natutulog sa aking tabi, agad akong napangiti. Minabuti kong huwag na muna siyang gisingin at hayaan ang payapa niyang pamamahinga. Pumasok ako sa banyo upang maligo at maghanda sa duty ko.

Habang nagbibihis ay biglang pumasok sa isip ko si Sales at ang ginawa niyan noong isang araw sa hospital. Dumagdag pa si Mercauto na nakisuntok kaya tiyak kong ma sususpendido siya sa ginawa niya, siraulo talaga kahit kailan. Paglabas ko ng walking closet ay agad na nagtama ang mga mata namin, hindi na naman mapakali ang puso ko.

"M-Mayari? Ikaw ay magpahinga na lamang dito, hindi na muna kita isasama sa hospital," hinawi niya ang buhok niya pakaliwa kaya saglit kong nasilayan ang puti niyang mata. Napalunok naman ako dahil kakaiba na naman siya tumingin.

"Sino ang nagpahintulot saiyo na sabihin sa akin kung ano ang aking gawi?" napalabas agad ng hangin sa bibig ko upang pakalmahin ang sarili.

"N-Naisip ko lang naman na baka kasi magkagulo ulit sa hospital at baka madamay ka, ayokong mangyari iyon." Nanginginig ang mga kamay ko habang nagpapaliwanag, dyusko.

"Ako ay mananatili sa iyong tabi," titig na titig siya sa akin habang sinasambit ito. Tumingin na lamang ako sa sahig at napailing.

"M-Masusunod, Mayari."

MayariNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ