Labing-isa

10.8K 788 99
                                    

Napamulat ako sa lamig na dumapo sa mga paa ko, ramdam ko ang paggapang nito hanggang sa katawan ko kaya hinablot ko ang kumot at tinalukbong ito sa buong katawan ko at muling pumikit. Lumipas ang ilang segundo ay taranta akong napaupo mula sa pagkakahimlay dahil naalala ko si Mayari, inikot ko yung paningin ko sa buong kwarto ngunit wala akong makitang misteryosang dalaga.

"Mayari?" tinapon ko sa dulo ng kama yung kumot at tumayo upang hanapin si Mayari.

Pagtayo ko ay inaasahan ko na ang pananakit ng katawan ko ngunit kahit isang kirot ay wala akong naramdaman. Paano nangyari yun? Nanaginip lang ba ako nang masama? Totoo ba ang lahat ng alam kong nangyari? Ang gulo at wala akong maintindihan sa nangyayari.

Pumunta ako sa banyo upang tignan kung nandoon ang babae ngunit wala siya. Nagpatuloy akong hanapin siya hanggang sa guest room, pero wala rin siya doon. Bumaba ako sa salas, ngunit wala rin akong nakita kung hindi dilim lang dahil patay lahat ng ilaw. Dumaan ako sa kainan ngunit walang tao, sumulyap ako sa kusina at wala rin siya doon.

Nasaan siya?

Tinungo ako ng mga paa ko sa likod na hardin. Tinulak ko ang screen door nang dahan-dahan, at sa wakas natagpuan ko na ang babaeng kanina ko pa hinahanap. Nakaupo lang siya sa gilid ng pond habang nakatingalang nakatingin sa madilim na kalangitan na ang tanging ilaw ay nagmumula sa buwan. Hindi ko mapigilan ang pagkamangha ko, sobrang ganda ng babaeng ito.

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sakaniya, bawat hakbang ko parang dumodoble ang bilang ng tibok ng puso ko sa bilis nito. Tumigil ako saglit at pumikit upang pakalmahin ang puso ko, ano bang nangyayari at kinakabahan ako nang ganito?

Pagmulat ko ay tila lumabas ang puso ko sa dibdib nang makita kong nakatingin ang malapusa niyang mata sa akin.

"M-Mayari." Pagsambit ko ng pangalan niya ay umiba siya ng tingin at tinungo ito sa malinaw na tubig ng pond.

Naglakad pa ako pa palapit hanggang sa magkatapat na kami. Umupo rin ako sa gilid ng pond at tahimik na pinakikiramdaman ang lahat.

"A-Anong nangyari kanina?" tanong ko upang mabasag ang katahimikan ng paligid.

"Ikaw mortal ay nawalan ng kamalayan." Tipid niyang sagot. 

Ibig sabihin totoo ang mga nangyari kaninang engkwentro sa kalsada?

Tinignan ko ang mga braso, binti, at tinaas ko ang damit ko upang makita ang tiyan ko habang pinipisil ito pero na surpresa ako dahil may mga marka ng pasa ngunit hindi ito masakit. Wala akong kahit isang maramdamang sakit sa katawan ko at tila ba walang nangyari, paano nangyari ito? Dapat ngayon ay nakaratay ako sa mga tinamo ko ngunit nakakapaglakad at nakakakilos ako ng maayos. Ang katawan ng tao ay walang kakayanan gumaling agad nang ganito kabilis.

Paano ito nangyari?

"Mayari, sabihin mo sa akin, anong nangyari? Bakit wala akong maramdamang sakit? Alam mo yung mga natamo ko kanina ay hindi biro kaya paanong nakakakilos ako kaagad?" tahimik lang siya at hindi manlang ako tinignan kahit isang sulyap. Huminga ako nang malalim upang pigilan ang emosyon ko. 

Kumalma ka Selene. Bulong ko sa sarili ko.

"Sige, ganito na lang. Narinig ko kanina na may kausap ka, sino 'yon?"

Sa pagkakataon na iyon ay napatitig siya sa akin saglit at binawi rin niya agad ito. Napakagat ako sa labi upang pigilan ang nagbabadya kong pagkapikon sakaniya.

"Mayari, sabihin mo sa akin. Sino ka ba talaga?"

Tahimik pa rin siya at walang sinagot sa mga tanong ko. Tanging tunog nang rumaragasang tubig sa pond, ang ingay ng kuliglig sa damuhan at tunog ng paghinga naming dalawa ang namumutawi sa tahimik na gabi.

MayariWhere stories live. Discover now