Chapter 7

86.1K 3.8K 3.4K
                                    

Angela

Na-offend ko ba? Na-offend ko yata. Bakit ba kasi sinabi ko pa na wala na naman syang pambayad? Pwede namang hindi ko na lang sabihin iyon. Pwedeng batiin ko na lang sya at sabihing natatandaan ko sya nung minsang sumakay sya ng bus at nagkatabi kami.

Iyan tuloy. Natulala ang lalaki habang nakatitig sa akin. Feeling ko ay na-offend kasi talaga sya sa sinabi ko. Baka akala nya ay pinapalabas kong wala syang pambayad palagi kahit na mukhang gusto nyang bilhin ang damit na hawak ng tindera.

Eh bakit ba kasi wala syang pera palagi? Mukha naman syang mayaman. Naka-longsleeve polo pa sya at slacks. Naka-clean cut pa ang buhok nya kaya hindi talaga mapagkakamalan na wala syang pambayad. Ang akala din siguro ng tindera ay marami syang pera kaya naisilid na sa plastic ang damit at ibibigay na lang sa lalaki.

Isa pa, sobrang gwapo ng lalaki! Kaya ko nga sya nakita dahil tinawag syang "pogi" nung tindera. Na-curious ako kung pogi ba talaga kaya tinignan ko. Madalas kasi na yung mga tindera sa palengke ay binobola ang mga posibleng customers sila. Sasabihan ng pogi o maganda kahit hindi naman totoo.

Pero nang tignan ko ang lalaki, totoo nga! Gwapo nga talaga! May makapal syang kilay na parang palaging magkasalubong kaya mukha syang masungit. Tapos yung mata nyang kulay itim ay parang nanghihigop ng kaluluwa. Perpekto ang ilong nya. Matangos iyon at may mga labi syang mamula-mula ang kulay. At yung mga panga nya, parang masarap sukatin ng protractor para malaman ang anggulo.

Nung unang kita ko pa lang naman sa kanya sa bus noon, nagwapuhan na talaga ako sa kanya. Mukha nga syang hindi sanay sumakay sa bus pero nang malaman kong wala syang pambayad, naisip kong baka modus nya lang 'yon. Maraming ganoon, eh. 'Yung ang ganda-ganda ng suot pero wala naman palang pera. Modus lang pala nila para makasakay ng libre.

Tumikhim ako. Kanina pa kasi nakatitig sa akin yung lalaki.

"Naaalala mo ako?" tanong kong malawak ang ngiti sa kanya.

May pinuntahan kasi akong isa pang raket para magkapera na malapit lang dito. Tinanggap ko na dahil pera na 'yun, eh. Panggastos na din 'yun. Tapos nung naglalakad ako para maghanap ng sasakyan pauwi, nadaanan ko 'tong palengke.

Buti na lang talaga tinanggap ko yung raket. May pambayad ako sa damit ni pogi.

"Huh?" tanong nung lalaki na mukhang natauhan na. "Ah, yeah. Of course. You're the eighty-pesos girl, right?"

Napangiti ako. Ang dami nyang itatawag sakin ay iyon pa talaga. Ibig sabihin ay inaalala nya talaga 'yung pagpapautang ko sa kanya.

"Ako nga." binalingan ko ang tindera at inabot ang bayad. "Heto na po."

"What? No!" nag-eeskandalong sabi nung lalaki. "I can pay—"

"Walang laman 'yang pitaka mo, pogi. Anong ipangbabayad mo?" ang mataray na sabi nung tindera. Kung kanina ay nakangiti pa sya sa lalaki pero ngayon ay hindi na.

Napalingon ang lalaki sa likuran nya at nanlaki ang mga mata. Mabilis nyang hinablot ang plastic na laman ang biniling damit at pumasok sa loob ng tindahan.

"I'll wear this now."

Wala nang nagawa yung tindera nang basta na lang pumasok ang lalaki sa loob at doon na magpalit ng damit. Napanguso na lang ako habang hinihintay syang lumabas.

Wala naman akong gagawin sa bahay. Dito na lang muna ako. May pogi.

Inaayos ng lalaki ang damit na suot nya nang lumabas sya. Black t-shirt lang iyon na may print na bungo sa pinakagitna.

Natawa ako. Kung kanina ay ang pormal ng suot nya na parang mag-aapply lang sya ng trabaho, ngayon ay hindi na.

"Ay teka." sabi ko sa lalaki nang may mapagtanto. "Naghahanap ka ba ng trabaho?"

Chess Pieces #4: Lucius D'AngeloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon