16: WELCOME TO SALVADOR

1.5K 70 7
                                    

SHIKKO

 

Nasa EDSA na kami. Tinatanaw na namin ang pinakamalaking kalsada sa bansa. Maraming carrier ang naglipana sa paligid. Nagmamasid. Nakikiramdam. Tila ba naliligaw sila at hindi nila alam ang kanilang patutunguhan. Nandito naman kami sa gilid ng isang sasakyan, nakatago at nagmamasid din. Alam namin na malapit na kami sa Salvador at tiyak ko na natatanaw na namin iyon.

Isang malaking pader at bakal na pintuan ang nakikita namin. Marahil iyon na ang lagusan papasok ng Salvador. Nandoon sina Ai, Red at Ayen, Je, Jay, at Pia. Magkakasama na kami muli. Ang kailangan na lang ay mahanap si Hope at madala sa Salvador.

“So, paano tayo makakapasok ng Salvador?” tanong ko. “Kakatok sa malaki nilang pintuan?”

Bumungisngis si Kate samantalang si AJ ay seryoso lamang na nakatingin sa naglalakihang pader. Gusto ko lang naman silang pasiyahin kahit papaano pero mukhang hindi effective. Ibinalik ko na lang ang atensyon ko sa naturang lugar. Paano kaya kami makakapasok doon? Paano nila malalaman na hindi kami mga carrier?

At isa pa, maraming carrier sa paligid. Paano kami makakalagpas sa lupon nila? Kahit saan banda ay nandoon sila. Tila sila’y mga kalat na naglipana kahit saan. Bawat sulok ay nandiyan sila. Bawat kanto ay tiyak kapahamakan ang makakaharap mo.

“Kuya AJ?” narinig kong tawag ni Kate.

“Nag-iisip pa ako ng dapat gawin. Kung susugod agad tayo, marahil may mga bantay sa itaas ng pader at pagbabarilin tayo,” wika niya. “Maaari ding sugudin tayo ng mga carrier. Naglipana sila sa paligid.”

“Maghihintay na lang tayo, gano’n?” tanong ko.

Hindi sumagot si AJ. Sandali lang ay nawasak ang katahimikan ng isang pagsabog. Isang malakas na tunog na yumanig sa perimeter ng lugar. Nanlaki ang aking mga mata nang lumikha ito ng isang malaking butas sa kanang parte ng pader ng Salvador. Nagkalat ang mga debris at nabalot iyon ng alikabok. Napansin kong humarap ang lahat ng carrier doon. Ang kanilang mga tenga ay narinig ang naturang pagsabog.

“Mukhang hindi ito maganda,” bulong ni AJ. Maya-maya’y may inilabas siyang clip mula sa kanyang bulsa, itinuwid ito at ipinasok sa keyhole ng kotse na tinataguan namin. Mabilis niya itong nabuksan. Nakatingin lamang ako sa kanya. Itinaas niya ang parehong kilay. “Ano? Orphan ako. Alam ko ang mga ganitong bagay. Pumasok na tayo. Makaka-attract ng carriers ang pagsabog na iyon.”

Una naming pinapasok si Kate sa loob. Agad siyang tumungo sa backseat. Sumunod ako at umupo ako sa front seat. Doon naman si AJ sa driver’s seat umupo. Agad niyang isinara ang pintuan at kami’y sumandal sa kanya-kanya naming upuan. Sa totoo lang, kinakabahan ako. Alam kong maraming carrier na dadating.

Napansin namin ang isang kotse na lumabas mula sa butas ng pader ng Salvador. Kulay itim ito at hindi ko matukoy kung anong uri ng sasakyan. Kumakaripas ito ng takbo na para bang may tinatakasan. Napa-isip ako. Bakit paalis ang sasakyang iyon?

“Sino kaya iyon?” tanong ko sabay turo sa sasakyang paalis.

“Hindi ko alam. Marahil isang duwag na ayaw ipagtanggol ang lugar na nagligtas sa kanya,” sagot ni AJ.

Kapansin-pansin ang pagsugod ng mga carrier sa sasakyan na iyon. Halos lahat sila ay tumungo sa direksyon na iyon. Napaliko at napatigil bigla ang kotse nang mapalibutan na ito ng maraming bilang nga carriers. Napa-isip ako muli. Makakaligtas kaya sila? Sino kaya ang mga iyon?

Matapos ng ilang minuto ay nagsimula muli itong umandar. Ilang carriers ang nadurog nang madaanan ng sasakyan. Tila isang dagat ng dugo ang sementadong lupa ng EDSA at puno na ng mga infected na tao na hindi matukoy ang itsura’t anyo. Simula nang magkaroon ng outbreak, ngayon lang ako nakakita ng isang nakakadiri at sobrang madugong pangyayari.

Contagio (Pandemia #2)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ