Chapter LI

10.5K 795 140
                                    

Chapter LI: Birth of a Phoenix

Seryosong pinagmasdan ni Finn Doria ang lalaking nangunguna sa mahigit isanlibong malalakas na adventurer. Nananatili pa ring nakabalot sa kanyang kabuuan ang maharlikang asul na enerhiya.

Makalipas ang ilang sandali, humalakhak si Finn Doria at nanghahamak na tumingin sa lalaki.

"Paglilingkuran ko sa hinaharap ang Ancestral Family? Isang karangalan na mapuri ako pero..." malamig na bulalas ng binata. "Walang sino man o ano mang pwersa ang kwalipikado upang paglingkuran ko. Masyadong mataas ang tingin niyo sa inyong sarili kung gano'n."

Kinamumuhian ni Finn Doria ang Ancestral Family dahil para sa kanya, sila ang gumawa ng lahat ng kaguluhang ito. Kung hindi sana sila naging gahaman at ganid na makuha ang kanyang Alchemy Flame, hindi sana agad-agad na magsisimula ang ganito kalaking digmaan.

Marami ang namatay dahil sa Ancestral Family. Libo-libong adventurers ang nagbuwis ng buhay dahil sa kanilang pakikialam. Kung sana lang ay tumagal pa ng ilang taon ang pananatiling tahimik ng Crimson Blood Kingdom, sa talento at kakayahan niya, hindi na sana umabot pa sa ganito kalala ang lahat.

Nanatiling kalmado ang ekspresyon ng pinuno ng Ancestral Family sa kabila ng mapanghamak na mga salita ng binata. Direktang pinagmasdan nito ang ginintuang pares ng mga mata ni Finn Doria at bahagyang ngumiti.

"Kung mayroong mataas ang tingin sa sarili, hindi kami 'yon. Ikaw yun, Finn Doria," marahang tugon ng lalaki. "Malaki masyado ang kumpyansa mo sa iyong sarili para isipin mong ikaw mismo ang kailangan namin. Ang tanging kailangan lang namin sa'yo ay ang iyong Alchemy Flame, wala ng iba."

"Kasalukuyan kaming nag-eeksperimento kung paano namin matatanggal ang Alchemy Flame mula sa katawan ng isang Alchemist at habang hindi pa kami nagtatagumpay sa aming teritoryo, huhulihin at pansamantala ka muna naming ikukulong hanggang sa maging handa na ang lahat," dagdag pa ng lalaki. Makahulugan siyang ngumiti kay Finn Doria at sinabing, "Pero kung makikisama ka at boluntaryo kang maglilingkod sa Ancestral Family sa patnubay ng isang Blood Contract, maaari mong mapanatili ang iyong buhay at malaya kang maging miyembro ng aming walang kapantay na Ancestral Family."

"Tumigil ka na sa pagyayabang, Cristobal," isang pigura ang biglang bumaba mula sa itaas. Mayroon din itong mahigit isanlibong kasama at lahat ng ito ay tumayo sa likuran ng lalaki. "Sa tingin mo ba ay mauuto mo ang lahat ng naririto?"

Naalerto si Finn Doria. Napalingon siya sa kanyang likuran at alertong inilibot ang kanyang paningin sa mga bagong dating. Nahagip ng kanyang mata si Tandang Shue, nakatayo ito sa tabi ng lalaking nakasuot ng pilak na baluti.

Gaya ng lalaki, nakasuot din si Tandang Shue ng pilak na baluti at mayroon itong tatak ng simbolo ng Adventurers Guild. Bukod sa baluti, mayroon ding nakasukbit na espada sa likuran ni Shue. Ang aura ng espadang iyon ay hindi nalalayo sa aura ng malaking espadang hawak ng binata.

Sa kasalukuyan, komplikado ang ekspresyon ni Tandang Shue habang nakatingin siya kay Finn Doria. Maraming nangyayaring kababalaghan sa paligid ng binata at isa na roon ang biglaang pagkawala ng malay nina Kage at Selena. Nasa pangangalaga na ng Adventurers Guild ang dalawa at hanggang ngayon, wala pa rin silang malay.

"Eliseo, Eliseo, Eliseo. Mahigit tatlong dekada na rin. Kung alam ko lang na ikaw ang magiging pinuno ng Adventurers Guild sa henerasyong ito, matagal na sana kitang pinatay," nakangiting sabi ng lalaking nagngangalang Cristobal.

Ngumiti rin si Eliseo at nagkibit-balikat, "Gano'n din ang masasabi ko sa'yo. Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat para sa akin, kayang-kaya pa rin kitang patayin ngayon din."

Humalakhak si Cristobal. Huminto rin agad siya at isang napakalakas na aura ang pumalibot sa buong lugar. Nagkaroon ng malakas na lindol at marami ang nagsigawan dahil sa matinding takot.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon