Chapter XLVII

10.4K 738 69
                                    

Chapter XLVII: Cornered

Madilim ang ekspresyon ni Kuzan habang siya ay nakatingin kay Kage na kasalukuyang nakangiti pa rin. Matalim ang kanyang mga titig na para bang gusto niyang lamunin ng buhay si Kage.

"Pareho kayo ng sinabi ng taong iyon... tauhan rin siya ng Adventurers Guild, tama ba?" makikita ang matinding gigil sa kanyang mga ngipin. Ang kanyang mahabang pangil ay nakalabas habang ang kanyang mahabang kayumangging buhok ay sumasabay sa ihip ng hangin. Nakatingin siya ngayon sa naglalabang sina Selena at Syr. Pareho ng sinabi si Selena at si Syr kaya naman napagtanto ni Kuzan na si Selena ay tauhan din ng Adventurers Guild.

Nakangiti pa rin si Kage kay Kuzan. Bumaling din siya kay Selena at bahagyang tumawa, "Hayaan mong itama ko ang sinabi mo."

Ipinakita ni Kage kay Kuzan ang likod ng kanyang kamay at bigla na lamang umilaw ito at unti-unting lumitaw ang isang simbolo. Isang papel at isang panulat, ang kilalang simbolo ng Adventurers Guild.

"Hindi kami tauhan ng Adventurers Guild," sabi ni Kage at muling binawi ang kanyang kamay bago magpatuloy, "Bahagi kami ng Adventurers Guild."

Nagulat si Kuzan nang makita niya ang nakatatak na simbolo sa likod ng kamay ni Kage. Hindi siya makapaniwala na isang totoo at mahalagang miyembro ng Adventurers Guild si Kage. Kahit ang mga tagapangasiwa sa mga sangay ng Adventurers sa kanilang kaharian ay walang tatak, pero si Kage..

Pagkatapos ng ilang sandali, pinilit ni Kuzan na kumalma. Alam niyang sa pagkakataong ito, wala na silang ligtas. Naiipit sila ngayon at komplikado ang kanilang sitwasyon. Akala nila ay makakamit na nila ang tagumpay, pero nagkamali sila. Masyadong naging malaki ang tiwala nila sa kanilang kakayahan at sarili. Akala nila ay magagawa nilang sakupin ang Sacred Dragon Kingdom gamit ang sarili nilang pwersa.

Sa pagkakataong ito, ginawa silang kagamitan ng Ancestral Family tapos ang hindi nila alam, pinaglalaruan na pala sila ng Adventurers Guild noon pa man. Kung hindi sana nila sinunod ang utos ng Ancestral Family na kalabanin ang Adventurers Guild, hindi sana sila humantong sa ganito.

Hindi inaasahan ni Kuzan ang lahat ng ito, hindi niya inaasahang nalalapit na ang kanilang pagbagsak, at ito ay dahil sa kagagawan ng dalawang dambuhalang pwersa na nag-aagawan sa karapatan na pamahalaan ang buong Ancestral Continent.

"Anong ibinigay na pangako nila sa'yo para traydurin mo ang bansang kinalakihan mo?" taimtim na tanong ni Kuzan. "Pagiging totoong miyembro ba ang ipinangako nila sa'yo kaya mo ibinenta ang iyong sarili bilang isa sa kanila? Sa Crimson Blood Kingdom ka isinilang, nagkamuwang, lumaki at natuto. Paano mo nagagawang traydurin ang kahariang bumuo sa'yo?! Ang tahanang nagbigay sa'yo ng lahat ng mayro'n ka?!"

Hindi na napigilan ni Kuzan ang kanyang matinding galit. Ang kanyang pagmamahal sa Crimson Blood Kingdom ay tapat at totoo. Mahalaga sa kanya ang kanyang kapwa mamamayan kaya naman gusto niyang lumakas at paunlarin ang kahariang kanyang kinamulatan.

Habang galit na galit naman si Kuzan, bigla na lamang humalakhak nang pagkalakas-lakas si Kage. Nakahawak siya sa kalahating bahagi ng kanyang mukha habang ang isa niyang kamay ay nakahawak sa kanyang tiyan. Mas lalo itong ikinagalit ni Kuzan kaya naman mas lalong tumindi ang kanyang marahas na aura.

Huminto si Kage sa paghalakhak. Pagkatapos noon, pumalibot din ang kanyang aura at unti-unting nilamon nito ang aurang inilalabas ni Kuzan. Hindi siya isang 8th Level Sky Rank gaya ng inaakala ng lahat. Isa siyang 9th Level Sky Rank, gaya nina Selena at Syr.

"Itinago mo ang aktwal mong lakas?!" gulat na bulalas ni Kuzan. Ramdam na ramdam niya ang tibay ng aura ni Kage, halatang matagal na siya sa pagiging 9th Level Sky Rank na Adventurer. Naguguluhan si Kuzan dahil dito.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now