Chapter XXI

11.1K 801 75
                                    

Chapter XXI: Preparation

"Gregory, ano sa tingin mo ang ginagawa ni Finn Doria?" tanong ni Millan, isa sa sampung kasalukuyang Guest Elder ng Azure Wood Family. Nasa himpapawid sila ngayon at pinagmamasdan nilang dalawa ni Gregory ang mga nagaganap sa buong angkan na kanila ng kinabibilangan.

Dahil mga Elder na sila ng Azure Wood Family, sina Gregory at Millan ay pareho nang nakasuot ng uniporme ng isang Elder sa Azure Wood Family. Natural lamang ito upang makilala sila ng ibang adventurers na nagmula sila sa Azure Wood Family. Isa pa, ipinagmamalaki nilang miyembro sila ng angkan na ito.

"Hindi ko rin alam..." tugon naman ni Gregory habang pinagmamasdan si Finn Doria na kasalukuyang nasa baba nila. "Pero parang pamilyar ang ginagawa ni Finn Doria. Gayunpaman, hindi talaga ako sigurado.."

Parehong naguguluhan sina Gregory at Millan habang lumulutang sa himpapawid. Sa ngayon, mayroong nangyayaring kakaiba sa buong Azure Wood Family, sa makatuwid, mayroong kakaibang ikinikilos at iniuutos si Finn Doria sa mga miyembro ng Azure Wood Family.

Kanina lang ay inutusan ni Finn Doria ang ilang mga miyembro ng Azure Wood Family na kumuha ng dalawampung katawan ng puno ng Azure Wood Tree, at kailangan may taas ito na tatlong metro. Kahit na nagtataka ang mga ordinaryong miyembro, kumuha pa rin sila dahil utos ito ni Finn Doria. Nagbigay pa ng ilang utos si Finn Doria, at ilan sa utos ng binatilyo ay itayo ang dalawampung puno sa mga lokasyon na iniutos ni Finn Doria. Iniutos din ng binatilyo na ukitan ang mga katawan ng puno sa gitna nito at ilagay sa bawat puwang na 'yon ang isang Sixth Grade Magic Crystal.

Nang mailagay ang mga puno na mayroong Magic Crystal sa kani-kanilang pwesto, bumuo ito ng kakaibang hugis nang pagkone-konektahin ito nina Gregory at Millan gamit ang kanilang daliri, gayunpaman, hindi pa rin malinaw kung ano ang ibig sabihin nito. Isa lang ang napansin ni Gregory at Millan, ang mga puno ay nasa loob ng teritoryo ng Azure Wood Family at karamihan dito ay nasa tabi ng haligi na pumuprotekta sa Azure Wood Family.

Kahit na naguguluhan silang dalawa, hindi naman nila magawang abalahin si Finn Doria upang tanungin ito tungkol sa kaniyang kakaibang ikinikilos. Nakaupo ito sa pinakagitna ng teritoryo ng Azure Wood Family. Sa tabi naman nito ay isang magarang pinsel, bungkos ng parihabang papel at maliit na batya na mayroong itim na likido. Nakararamdam sina Gregory at Millan ng mayaman na enerhiya sa itim na likidong ito, mas mayaman pa sa enerhiya ng sampung pinagsama-samang Excellent Profound Pill.

Makalipas ang ilang saglit, bigla na lamang tumayo si Finn Doria mula sa kaniyang kinauupuan kaya naman naging hudyat na ito para kina Gregory at Millan. Agad silang bumaba sa tabi ng binatilyo habang nakaukit pa rin sa kanilang mga mukha ang labis na pagtataka.

Nang makababa sina Gregory at Millan, napansin agad ni Finn Doria ang presensya ng dalawang ito. Kanina pa niya sinusubukang ituon ang kaniyang atensyon sa mga bagay na nasa harap niya pero dahil mayroong dalawang pares ng mata ang sumusuri sa kaniya, inihinto niya muna ang kaniyang pagninilay-nilay. Hindi siya makapagsisimula kung hindi siya komportable sa kaniyang kapaligiran.

Hinarap ni Finn Doria ang dalawa at ngumiti, "Elder Gregory, Elder Millan. Kanina niyo pa ako pinagmamasdan, mayroon ba akong maitutulong sa inyo?"

Medyo nailang ang dalawa nang marinig nila ang sinabi ni Finn Doria. Hindi tama ang kanilang pagsusuri sa binatilyo, at alam nila yun. Gayunpaman, hindi nila mapigilan dahil labis talaga silang nahihiwagaan sa mga ikinikilos ni Finn Doria. Alam nilang mayroong hiwaga sa lahat ng mga kilos na ito ng binatilyo.

"Ipagpaumanhin mo, Finn Doria. Hindi namin sinasadya ang pag-abala sa'yo. Pero kasi... talagang naguguluhan lang kami sa binabalak mo. Wala kaming ideya kung para saan ang lahat ng mga preparasyon na ito." Direktang sabi ni Gregory.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now