"Gustong-gusto kitang tulungan.. gayunpaman, hindi ko kaya. Hindi ko rin alam ang gagawin ko. Mabait si Institution Master Kiden, hindi niya magagawang wasakin ang inyong angkan. Narinig mo ang iyong ama, kung talagang balak nga ni Institution Master Kiden na wasakin ang Vermillion Bird Family, matagal niya na sanang ginawa," pagpapatahan ni Finn Doria kay Ashe Vermillion. Ngumiti ang binata sa dalaga at niyakap, "Maging matapang ka, Binibining Ashe. Hindi ako sanay na makita kang ganyan, ang kilala kong Ashe Vermillion na hambog at mapagmalaki. H'wag ka nang umiyak, magiging ayos din ang lahat."

Hindi na nagsalita pa si Ashe Vermillion. Nanatili siyang umiiyak sa damit ni Finn Doria habang si Finn Doria naman ay pinapatahan siya.

Nahihirapan ngayon si Finn Doria dahil hindi naman talaga siya marunong magpatahan ng naiyak. Malakas siya, totoo 'yon, gayunpaman, sa ganitong larangan siya mahina. Hindi niya kayang magpatahan ng taong nasasaktan.

Sa himpapawid, kalmadong nakatingin si Vella sa malungkot na ekspresyon ni Kiden. Walang nakakaalam kung ano ang nasa isip ni Vella, kung galit ba ito o nalulungkot sa nangyayari.

"Umalis ka na, Kiden Sylveria. Kung aalis ka ngayon, kakalimutan namin ang lahat ng ito. Iisipin namin na wala kang sinimulan na gulo at nilabag na batas," malumanay na sabi ni Vella kay Kiden.

Napatingin si Noah kay Vella. Gusto niyang maging masaya pero hindi niya magawa.

'Ito ba talaga ang gusto mo, Vella? Hindi mo ba gustong bumalik sa kanya? Malakas na siya ngayon, at maaari na kayong magsama..' sa isip ni Noah. Hindi mapigilan ni Noah ang malungkot habang iniisip ang maaaring mangyari sa oras na lumabas ang katotohanan, gayunpaman, matanda na siya at kaya niya nang tanggapin ang lahat.

Unti-unting lumakas ang enerhiya at bumigat ang aura sa lugar. Nababalutan ng kapangi-pangilabot na aura si Kiden. Galit din ang kanyang ekspresyon habang nakatingin kay Vella at Noah.

"Hindi... Hindi ako aalis hangga't hindi ko nakukuha ang hustisya na para sa akin, hindi ako aalis hangga't hindi ko nakukuha ang dapat ay sa akin!"

"Wala kang pagmamay-ari, Kiden Sylveria! Itigil mo na ang pagdedelusyon mo!" sigaw ni Vella na ikinagulat ni Kiden at Noah. "Nakuha mo na ang hustisyang para sa'yo, muntik mo nang mapatay ang aking ama, hindi ba?! Ano pa bang gusto mo?! Sinisira mo lang ang reputasyon ng aming angkan!!"

Mabilis na naglaho ang enerhiya sa palibot ni Kiden. Pakiramdam niya ay nagunaw ang mundo niya nang marinig niya ang lahat ng sinabi ni Vella. Pakiramdam niya ay tinraydor siya ng kanyang puso't isipan. Parang gusto niyang magbingi-bingihan para hindi marinig ang masasakit na salitang sinasabi ni Vella.

Wala siyang pagmamay-ari. Napagbayad niya na rin si Sepiro, ang taong nagpahirap sa kanya noon. Ano pa nga bang dahilan ng kanyang pananatili sa lugar na ito? Naghahanap siya ng sagot sa matagal ng tanong na gumugulo sa kanyang isipan. Pero nasagot na ito. Dapat ay umaalis na siya ngayon dahil wala na naman siyang dapat gawin pa rito dahil sa sinabi ni Vella, gayunpaman, gusto niya pa ring linawin ang lahat.

"Minahal mo ba ako, Vella?" kalmadong tanong ni Kiden. Nanginginig ang kanyang braso habang hawak niya ang kanyang sandata.

"Kailangan ko bang sagutin ang tanong na 'yan?"

"Sagutin mo na lang!"

"Hindi!" seryosong tugon ni Vella. "Ginawa ko lang ang ginawa ko noon dahil gusto kong magpasalamat sa ginawa mong pagliligtas sa amin, wala ng iba pa. Hindi kita mahal, Kiden, at mas lalong hindi kita minahal. Pakiusap, umalis ka na."

'Nagsisinungaling ka, Vella! Bakit ba nagsisinungaling pa rin kayo sa kanya?! Bakit?!' gustong itanong ni Noah ang mga tanong na ito pero wala siyang lakas ng loob. Pakiramdam niya ay ang hina-hina niya ngayong nakita niyang muli si Vella.

"HAHAHAHAHA!" humalakhak si Kiden at napapahid siya sa tumutulong luha mula sa kanyang mga mata. "Mas lalo niyo lang akong pinagmukhang tanga sa loob ng mahabang panahon."

Akala ni Kiden ay babalik na sa kanya si Vella ngayong may lakas na siya. Handa siyang tanggapin si Vella hangga't mahal siya nito. Gayunpaman, sa naririnig niya at sa kasalukuyang sitwasyon mukhang malabo nang mangyari ang inaakala niya.

Napabaling si Kiden kay Finn Doria na yakap-yakap ang umiiyak na si Ashe Vermillion.

'Malabo na ang lahat, ito ang anak nina Noah at Vella. Masaya na sila. Sila naman talaga ang nakatakda noon pa man kung hindi lang ako nakialam..' sa isip ni Kiden.

"Kung gayon, hahayaan ko na kayo na maging masaya," sambit ni Kiden.

Maghahanda na sana siyang umalis pero natigilan siya nang may maramdaman siyang mga presensyang papalapit sa teritoryo ng Vermillion Bird Family. Naningkit ang kanyang mga mata at napatingin siya sa direksyon ng pinagmumulan ng malalakas na presensya. Bawat presensya ay may kalidad ng isang Sky Rank Adventurer!

Siyempre, hindi rin ito nakatakas sa matatalas na pandama ng mga Sky Rank na naroroon, lalong-lalo na kay Finn Doria. Napabitaw siya sa pagkakayakap niya kay Ashe at napatingin siya sa pinagmumulan ng mga presensya.

"Sampung Sky Rank Adventurer at napakaraming Profound Rank Adventurer... anong nangyayari?" naguguluhang tanong ni Finn Doria sa kanyang sarili habang nakatingin sa direksyong tinitingnan din nina Vella, Kiden at Noah.

Makalipas ang ilang sandali, mayroong namataan na isang Agile Eagle sina Finn Doria sa hindi kalayuan. Mayroon ding Profound Rank adventurer ang nakasakay sa ibabaw ng Agile Eagle at napansin nina Finn Doria na balisang kumakaway ito habang sumisigaw.

Palapit nang palapit ang Agile Eagle at ang pigura. Ang pigura ay isang lalaking nakasuot ng baluti ng isang gwardya. Balisang sumisigaw ito na para bang may mahalagang sinasabi. Habang lumalapit ito, unti-unti ring lumilinaw ang isinisigaw nito.

"Mga taga labas! Inaatake tayo ng karatig na kaharian! Family Head Sepiro, kailangan ng tulong ng syudad!"

Paulit-ulit na sumisigaw ang gwardya sa ibabaw ng Agile Eagle. Nagulat ang lahat sa kanilang narinig at natakot. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong umaatake sa malaking syudad na pinangangalagaan ng Vermillion Bird Family.

Agad na nakabawi si Noah at magbabalak na salubungin sana ang gwardya upang malinaw na maunawaan ang nangyayari pero natigilan siya dahil sa isang malakas na pagsabog.

BOOM!!!

Sumabog ang Agile Eagle kasama ang lalaking gwardya. Naglaho rin ang presensya ng gwardya at siya namang lumakas ang presensya ng mga Sky Rank at Profound Rank na kanina nang naramdaman nina Finn Doria.

Nagulat at natakot ang karamihan. Patay na ang gwardya at ang sinasakyan nitong Agile Eagle. Sumabog ito sa hindi malamang dahilan.

"HAHAHAHAHA!" isang nakabibinging halakhak ang umalingawngaw sa buong paligid, "Sapul. Sa tingin mo ba ay makakatakas ang isang daga mula sa mga ahas?"

Isang babaeng may kaliskis at dila ng ahas ang bigla na lamang lumitaw mula sa makapal na usok. Mapang-akit ang kabuuang katawan ng babae. Mayroon itong malaking hinaharap at magandang kutis. Kung wala lang siyang mga kaliskis, siguradong napakaganda niyang babae. Mayroon pang siyam na pigura ang sumunod sa babaeng ahas. Pareho-pareho silang may kaliskis at mata na maihahalintulad sa ahas. Sa likod nilang sampu ay mayroong dose-dosenang pigura ng mga ahas na may pakpak ng paniki. Bawat ahas ay may nakasakay, at bawat isa rito ay Profound Rank ang presensyang inilalabas.

Sa pagdating ng mga banyagang ito sa teritoryo ng Vermillion Bird Family, lahat ay nabahala, nakaramdam ng panganib at ang karamihan ay natakot. Bawat isa rito ay lumilipad at malinaw na hindi maganda ang dahilan ng kanilang pagparito.

Napabaling ang babaeng ahas sa harapan at nakita niya sina Kiden at ang teritoryo ng Vermillion Bird Family.

"Eh? Andito na pala tayo sa pipitsuging Noble Clan ng basurang kaharian na ito?" nakangiting sambit ng babae habang labas-pasok ang dila mula sa kanyang bibig. "Interesante. Anong mayro'n sa lugar na ito? Mukhang may nagkakasiyahang mga daga rito."

--

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now