"Kahit ang Ikatlong Prinsipe-si Prinsipe Noah ay hindi makalapit kay Vella Vermillion. Nakataktada nang ikasal ang Prinsipe sa susunod na taon kay Vella pero wala pa ring pagbabago ang malamig na pakikitungo ni Vella sa Prinsipe. Paano mo nasasabi na nagpapapansin sa'yo si Binibining Vella? Talagang pinapatawa mo ako."

Nang marinig ni Kiden ang sinabi ni Delia, natigilan siya. Kumunot ang kanyang noo at napatingin siya sa direksyon na pinanggalingan niya kanina.

"Ang babaeng iyon ay naipagkasundo na sa isang lalaki? At sa isang Prinsipe?" mayroong kakaibang pakiramdam ang naramdaman ni Kiden. Muling lumitaw sa kanyang utak ang unang beses na nakita niya ang kagandahan ni Vella. Pinatigil ng dalaga ang kanyang mundo, at sa pagkakataon ding iyon ay naguluhan si Kiden sa kanyang biglang naramdaman.

--

Sa silid ni Siryu, kanina pa nakaalis si Vella. Tanging si Siryu na lamang ang natitira sa silid at mapapansing malalim ang kanyang iniisip dahil nakatingin siya sa kawalan at nakahawak siya sa kanyang balbas.

Makaraan ang ilang saglit, isang lalaking nasa katanghaliang gulang ang pumasok sa silid. Makikita sa mukha ng lalaki ang matinding kaba habang magalang na yumuyuko kay Siryu.

"Magalang na pagbati, Sect Master Siryu mula sa akin, kay Inner Elder Marcus!" kinakabahang sumaludo si Marcus kay Siryu.

Napabaling si Siryu kay Inner Elder Marcus at tumango rito, "Elder Marcus, napansin ko ang iyong pagiging aktibo at pagiging masipag na Elder ng Cloud Soaring Sect. Masaya ako na mayroong kagaya mo sa Sect na ito."

Pinuri pa ni Siryu si Marcus na naging dahilan ng sobrang kaba ng lalaki. Kanina lang ay kinakabahan si Marcus dahil akala niya ay ipinatawag siya ni Siryu dahil mayroon siyang nagawang mali o kasalanan, gayunpaman, hindi niya inaasahang papuri ang matatanggap niya mula sa isa sa mga adventurers na tinitingala niya ng sobra.

"Isang karangalan na purihin ako ng isang katulad niyo, Sect Master Siryu! Ipinapangako kong pagbubutihan ko pa ang aking pagtatrabaho!" masigla at matikas na tugon ni Marcus sa papuri ni Siryu.

Tumango-tango si Siryu at lumapit kay Marcus, "Magaling kung gayon. Upang mas mabigyan pa kita ng oportunidad, pinaplano kong iangat ang iyong posisyon sa Sect. Pinaplano kong gawin kang Core Elder pero kailangan mo munang tanggapin ang misyon na ibibigay ko."

Nanginig ang katawan ni Marcus. Para bang tinraydor siya ng kanyang tenga sa kanyang narinig. Nagmistulan siyang estatwa habang nakatingin kay Siryu. Nakanganga siya dahil hindi siya makapaniwala, na sa wakas ay magiging Core Elder na rin siya. Dalawampung taon na siya sa Inner Sect, at sa totoo lang hindi na siya umaasa na aangat pa ang kanyang posisyon sa Sect dahil hindi naman gano'n kataas ang kanyang antas.

Hangga't kaya niyang gawin at tanggapin ang misyon ni Siryu, sigurado na ang kanyang pagiging Core Elder.

--

Kinaumagahan, maagang nagising si Kiden dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa pintuan ng kanyang dormitoryo. Napapasarap pa siya sa kanyang tulog pero dahil sa ingay ng mga katok, wala siyang nagawa kundi ang bumangon at sumilip kung sino ang kumakatok sa pinto.

"Ito na.. sandali lang.."

Humihikab si Kiden habang mabagal na naglalakad patungo sa pinto. Nakapikit niyang binakas ang bukasan ng pinto at nang mabuksan niya ang pinto, nagtaka siya nang makita niyang ang kumakatok ay isang hindi pamilyar na lalaki. Ang lalaking ito ay mataba at may kulay itim na buhok. Mayroon itong hawak-hawak na gasera, madilim pa kasi sa paligid. Inosente at kung pagmamasdang mabuti, mukha itong mabait dahil sa kanyang pagmumukha.

Hindi gaanong nangamba si Kiden dahil katulad niya lang ang matabang lalaki, nakasuot din ito ng uniporme ng gaya sa kanya.

"Magandang umaga, Boss Kiden! Ako nga pala si Ruru, dalawampu't tatlong taong gulang at isa rin akong core member na gaya mo," magalang na nagpakilala ang matabang lalaki na nagngangalang Ruru. Malinaw na mas matanda si Ruru kay Kiden pero sobra ang binibigay na paggalang nito.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Kde žijí příběhy. Začni objevovat