Chapter XXXIII

Magsimula sa umpisa
                                    

"Ano?! Wala na ba talagang konsensya ang mga tao rito?! Ako ang biktima rito, at ikaw, tanda, ang may kasalanan kung bakit ako humantong sa ganito! Kung ipinaliwanag mo sa akin ng maayos ang tungkol sa lugar na ito, hindi sana ako mapupunta sa lugar ng babaeng ito!" turo pa ni Kiden kay Vella. Gumuhit din ang inis at hiya sa kanyang mukha nang may mapagtanto siya, "At teka lang! Hindi ako nanilip o naninilip sa kanya! Wala akong nakita! Inosente ako!"

Nagliyab ang katawan ni Vella at matalim niyang tiningnan si Kiden na ikinatakot naman ng binatilyo ng sobra. Muli siyang umatras at sinanggahan ang kanyang namamagang mukha.

Umubo ng mahina si Siryu at sinabing, "Marahil may kasalanan ako sa nangyari, pero kayo ang puno't dulo ng gulong ito. Hindi na kayo bata. Kayo na ang magdedesisyon kung pipigilan niyo ang inyong sarili, gayunpaman, nagpatuloy kayo sa panggugulo na naging sanhi ng malalaking problema. Bilang mga estudyante ko, hindi niyo ba kayang maging mahinahon at makinig?!"

"Guro.."

"Sinong estudyante mo?! Hindi pa kita tinatanggap bilang aking guro, tanda!"

BAM!

"Tahimik! Ayoko munang makarinig ng pagdadahilan mula sa inyong dalawa. Dahil sa inyo, nadagdagan pa ang problema ng Sect!" galit na sambit ni Siryu habang pinupukpok ang ulo ni Kiden.

"Ngayon, gusto kong magkasundo kayong dalawa. Mga estudyante ko kayo at dapat ay nagtutulungan kayo. Kayo ang pag-asa ng ating sect at umaasa ako na balang araw ay iaangat niyo ito," makikita sa mata ni Siryu ang umaasang emosyon habang nakatingin kay Vella at Kiden.

Si Kiden naman ay minamasahe ang kanyang ulo dahil sa ginawang pagpukpok sa kanya ni Siryu. Gusto niyang magreklamo pero dahil natatakot siyang baka pukpukin na naman siya ni Siryu, napagdesisyunan niya na lamang na manahimik.

Bumaling si Siryu kay Kiden. Malumanay siyang ngumiti sa binata at nagsalita, "Kiden. Humingi ka ng tawad kay Vella."

Sa utos na ito, gustong magreklamo ni Kiden, pero nang makita niya ang kakaibang ngiti ni Siryu, kinalimutan niya na ang magreklamo. Bumaling na lang siya kay Vella at mapapansing lumapad ang kanyang ngiti.

"Binibining Vella. Makinig ka," pasimula ni Kiden. "Wala akong nakitang kahit ano. Nakatago ang katawan mo sa ilalim ng tubig kaya naman imposibleng makita ko kung ano man ang itinatago mo-ang ibig kong sabihin ay humihingi ako ng paumanhin sa nangyari. Hindi ko kasalanan na wala akong alam na teritoryo mo pala ang mala-paraisong lugar na 'yon."

Malinaw na pinariringgan ni Kiden si Siryu. Nagbingi-bingihan naman si Siryu at hindi niya gaanong pinansin ang paninisi ng binata.

"Vella, ikaw ang nagpalaki ng gulo at sinaktan mo rin si Kiden kaya humingi ka rin ng tawad sa kanya," utos pa ni Siryu.

Nakapamewang na tumingin si Vella kay Kiden. Makikitang inis na inis pa rin ang dalaga sa binata, hindi lang dahil sa 'insidente' kundi dahil na rin sa pagiging kapwa niya estudyante. Tutol siya na maging kasamahan si Kiden, hindi niya gusto na madagdagan na naman ang mga adventurers sa kanyang paligid. Siya lang naman dapat ang estudyante ni Siryu, gayunpaman, sa paglipas ng panahon, padagdag nang padagdag ang bilang nila.

"Hmph! Kung makaririnig ako na pinapakalat mo ang nangyari, dudukutin ko 'yang mata mo at puputulin ko 'yang dila mo! Hindi pa kita pinapatawad at sisiguraduhin kong magiging impyerno ang buhay mo sa sect," pagbabanta ni Vella.

Hindi naman alam ni Siryu ang kanyang sasabihin. Ang kanyang nag-iisang babae ay talaga namang mainitin ang ulo. Lagi nitong pinapairal ang inis at galit nito kaya naman lagi niyang pinapaaralan si Vella na matutong kumalma. Mapagmalaki ito at hindi pa rin sumunod sa kanyang utos na humingi ng tawad kay Kiden.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon