Chapter 19: UNFORGIVEN

244 18 6
                                    

Makulimlim ang kalangitan ng gumising si Margaux mula sa papag na kanyang tinulugan. Ikalawang araw nila ngayon sa La Vista mula ng dumating sila kasama ng mga sundalo. Maganda ang kanyang gising dahil wala na siyang nararamdaman na ano mang masakit sa katawan. Hindi tulad noong nakaraang araw, ramdam niya ang sobrang sakit ng katawan at nag-aapoy na init na lagnat na sanhi ng impeksiyon sa sugat na natamo sa delubyo.

Kaagad na hinanap ng kanyang mga mata si Fr. Mexo. Naging mas malapit siya sa pari simula ng mamatay si lola Luming. Masaya siya dahil napakabait ng pari sa kanya; pero namimiss pa rin niya ang kanyang ama't-ina, ang kuya Adrian at si Jhayvee. Siya na lamang ang naiwan, siya na lamang ang natitirang buhay. Bakit ba hindi pa rin siya kinukuha ni Papa God? Hindi ba siya naging mabait kaya kasama siya sa pinarurusahan ng Diyos?

Namimiss na rin niya ang kanyang lola Luming na nag-alaga sa kanya ng magbago ang ugali ng ate Caren niya. Simula ng mamatay ang tito Alex niya ay hindi na siya pinansin ng iniidolo niyang pulis. Sobrang namiss na rin niya ang dalawa dahil lagi silang pinoprotektahan ng mga ito sa oras ng panganib. Kaya kahit sobrang takot niya sa mga aswang, nagiging matapang siya kapag naririyan sila sa tabi niya.

Ngayon ay si Fr. Mexo na lamang ang natitira na pumoprotekta at nag-aalaga sa kanya. Natatakot siya na baka kunin din ng Diyos ang pari. Kahit maganda ang lugar kung saan sila ngayon ay mas kampante siya kapag nasa tabi niya ang pari. Natatakot siya sa mga baril ng mga sundalo. Natatakot siya sa mga sigawan at panaghoy ng mga tao na kasama nila sa gusali kapag may namamatay sa mga kasamahan nilang nasugatan ng delubyo.

Kaagad na tinungo ni Margaux ang pintuan ng kanyang silid. Mula sa kusina ay kitang-kita niya sa mesa ang nilutong almusal sa kanya ng pari. Pero, kinabahan siya ng di makita sa paligid si Fr. Mexo. Mabilis na tumakbo ang bata sa nakabukas na pintuan para hanapin ang pari. Nag-aalala siya na baka iniwan na rin siya ni Fr. Mexo at nag-iisa na lamang siya sa buhay. Naiiyak na si Margaux.

Paglabas niya sa may pintuan ay tila nabanutan siya ng tinik ng makita ang hinahanap na abala sa pagtatanim ng mga gulay sa bakanteng espasyo ng opisina ng La Vista Home Owners Association Office. Pansamantala muna nilang tinutuluyan ang gusali habang inoobserbahan daw muna sila ng tatlong araw. Dito sila muna mamamalagi habang nakaquarantine ng tatlong araw.

"Oh, gising ka na pala?" Ang wika ng pari pagkakita sa kanya. "Bakit para yatang umiyak ka?" Ang tanong nito ng mapansin ang maluha-luhang mga mata ng bata.

"Akala ko po kasi iniwan na rin po ninyo ako." Ang humihikbing tugon ni Margaux sa pari na nakaupo sa isang hollow block habang tinatabunan ang ng lupa ang itinatanim na kamatis.

Natawa ang pari sa tinurang iyon ni Margaux.

"Bakit ko naman gagawin iyon?" Ang wika ng pari habang nakangiti. Tumayo siya at nilapitan si Margaux at niyakap ito. "Hinding-hindi iyan gagawin sa'yo ni Among Mexo ha. Para na rin kitang anak kaya mahal na mahal kita. Kaya, walang dahilan para mag-isip ka ng ganyan." Ang paniniguro ng pari kay Margaux.

"Talaga po?" Ang di makapaniwalang saad ni Margaux. Sa pagkakataong iyon ay ngumiti ang bata, pero panandalian lamang.

"O bakit biglang nawala ang ngiti sa mukha mo?" Ang muling tanong ni Fr. Mexo sa bata ng muling naging seryoso ang mukha nito.

"Yan din po kasi ang sinabi sa akin ni ate Caren eh."

"Huh?" biglang natigilan si Fr. Mexo sa tugon ni Margaux sa kanyang tanong. Hindi dahil sa hindi niya kayang pangatawanan ang ipinangako sa bata, kundi ng marinig nito ang pangalang halos mawala na sa kanyang isipan. Si Caren. Nasaan na nga ba si Caren? Buhay pa ba siya? Kung buhay siya, bakit hindi pa siya bumabalik?

Hinawakan niya sa balikat si Margaux at naupo sa harapan nito. Tumingin siya sa mga mata ng bata at pikit na ngumiti.

"Margaux, makinig ka. Hindi ka iniwan ni ate Caren mo."

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now