Chapter 2: AFTERMATH

413 20 2
                                    

Gumising si Caren na nakakapit sa malaking sanga ng Balete na hindi tinangay ng malaking daluyong ng tubig mula sa dagat. Halos wala na rin siyang matandaan sa mga nangyari pagkatapos tangayin ng rumaragasang tubig mula sa dagat. Ramdam niya sa katawan ang tubig dagat na nainom kaya't madalas ay hindi nito mapigilan ang maya't-mayang pag-ubo. Hinang-hina si Caren dahil sa ibinuhos ang kanyang lakas para maisalba ang sarili sa mapuwersang alon na tumangay sa kanya. Pero lalong nakapanghina sa kanya ng makita ang pagkasira ng paligid. Kalunos-lunos ang sinapit ng lugar na kinaroroonan niya na halus nagpa-iyak sa kanya. Nagkalat sa paligid ang mga patay na aso at pusa, may mangilan-ngilan din na mga manok at iba pang mga hayop. Pero ang lalong mas nagpasidhi sa kanyang emosyon ay nang makita ang bangkay ng mga iilang tao na nagkalat din sa paligid. Hindi siya makatingin sa mga katawang balot ng putik at mga katawang nagkahiwa-hiwalay dahil sa tindi ng puwersa ng mga alon na naminsala sa paligid.

Napaiyak lalo si Caren nang maalala ang mga taong iniwan niya sa Cultural Center of the Philippines. Ang batang si Margaux at si Fr. Mexo, ang labis niyang inaalala kung ano ang nangyari sa kanila. Napahagulgol siya sa posibleng sinapit ng dalawa, kasama na rin ng iba pang taong umaasa sana sa  kanya kung hindi siya umalis ng walang paalam. Ano bang ginawa niya? Bakit iniwan ang mga taong napamahal na sa kanya? Sinisisi niya ang sarili dahil kung hindi siya umalis maililigtas sana niya ang kanyang mga kaibigan at kasamahang nagpapahinga sana sa CCP complex.

Napakamakasarili niya. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may masamang nangyari kina Margaux at Fr. Mexo. Hindi siya dapat umalis ng dahil lang sa pansariling kapakanan lamang. Nasaan na si Caren, ang maprinsipyong pulis na inuuna muna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili? Maging siya ay hindi na rin niya nakikilala ang kanyang sarili. Ano ba ang nangyayari sa kanya?

Umaasa pa rin siya na sana walang nangyari kina Fr. Mexo at Margaux. Babalik siya sa may Roxas Boulevard para alamin ang kalagayan ng kanyang mga iniwanang mga kasama. Kahit alam niyang hindi sila pababayaan nina Odessa ang mga kasama niya, gusto pa rin niyang maniguro sa kalagayan ng mga ito.

Sinimulan ni Caren na pagmasdan ang lugar upang malaman kung saang bahagi siya ng Maynila naroroon. Walang palatandaan sa lugar na kinaroroonan niya para maalala kung saan siya naroroon. Kailangan niya munang malaman kung nasaan siya para matukoy ang direksiyon na kanyang pupuntahan.

Maputik ang kalsada at halos wala ng nakatayong mga gusali at mga halaman sa lugar kung saan siya naroroon. Bawat madaanan niya ay nagbibigay sa kanya ng kilabot na sa buong buhay ay hindi niya lubos maisip na mararanasan ang ganitong delubyo. Ito na rin siguro ang hudyat para tanggapin sa sarili na wala na talaga si Alex. Kahit masakit at mahirap para sa kanya ay iyon na ang pinakamainam niyang gawin. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa kanya na madatnan pang buhay ang iniwan niyang mga kasamahan sa may CCP Complex.

Pinagmasadan ni Caren ang araw sa dalampasigan ng Manila bay. Alam niya na nasa bahagi pa siya ng Maynila pero ang hindi siya sigurado kung saan parte siya ng siyudad naroroon. Biglang umalingasaw ang isang amoy na nagpakalam sa kanyang sikmura.  Natigilan si Caren at nakaramdam ng masidhing pagkagutom sa kanyang naamoy. Biglang nakaramdam ng panginginig sa kanyang mga kalamanan at pinagpawisan ng malamig ang babaeng pulis. Nakaramdam siya ng masidhing pagkagutom na hindi pa niya naranasan sa buong buhay niya. Paanong nangyari iyon? Natigilan si Caren sa kanyang paglalakad dahil sa kanyang nararamdamang hindi maganda. Hindi niya matanggap na bumabalik na siya sa pagiging halimaw. Mahigit isang buwan na rin pala mula ng uminom siya ng pulang likido na ibinigay niya kay Ceasar nang talikuran niya ang pagiging alpha ng mga kawan ng mga lycan.

"Hindi...hindi maaari." ang bulong niya sa sarili at patuloy siyang pinagpawisan ng malamig.

Natigilan si Caren at pilit na hinahanap ng kanyang pang-amoy ang kakaibang amoy na nagpalaway sa kanya. Kailangan na pala niyang uminom ng pulang likido, ang nektar mula sa bulaklak ng Myrho. Pero paano? Hawak ni Ceasar ang bote na naglalaman ng pulang likido. Hindi siya puwedeng kumain ng dugo at lamang-loob ng tao, hinding-hindi niya gagawin iyon. Hindi siya puwedeng bumalik sa mga kasama kung wala ng bisa sa dugo niya ang pulang likido, dahil alam niya kung ano ang mangyayari na hindi niya magugustuhan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now