Kabanata 46: Ang pagbabago

Start from the beginning
                                    

Natahimik si pinunong Goryo ng ilang segundo. "Ang problema sa bayan ninyo ay hindi namin malulutas dahil b—"

"Anong gusto mong gawin namin!? Mamatay sa gutom? Hindi kami pinapapasok sa ibang bayan dahil kriminal kami noon, wala kaming kakayahan na bumili ng aming pagkain o kahit bagong saplot. Nakadepende lang kami sa kalikasan dahil ito lang ang nagbibigay ng aming pangangailangan. Basil, nahihirapan din kaming mamuhay, hindi ganoon kayaman ang bayan namin, gustuhin man namin mamuhay ng normal ay hindi namin magawa dahil lang mga dati kaming kriminal! Wala kaming tulong na nakukuha mula sa gobyerno, walang mangangalakal ang gustong tumungo sa bayan namin dahil sa takot," naiiyak na si pinunong Goryo habang siya'y nagpapaliwanag.

Hindi ako nagpaapekto sa kanyang sinasabi. Lahat ng bagay naman na iyon ay naranasan ko, kailangan kong ipakita sa iba na matigas ako upang hindi na mangyari muli ang ginawa sa akin ni Avery. "Bilang isang mamamayan na nakadepende sa kalikasan, hindi ba't resposinbilidad ninyo na pangalagaan ito at pagyamanin?"

"Galing kami sa gubat at sa punong tinutukoy ninyo. Nakausap namin ang isang tao na nagngangalang Luntian. Ibinabalik niya lang sa inyo ang mga bagay na ginawa ninyo sa kanyng tirahan. Ibinigay niya ang lahat upang suportahan ang pangangailangan nang bawat isa sa inyo ngunit ano ang inyong ginawa? Wala! Nagputol kayo ng puno at kumitil ng maraming hayop at hindi ninyo inisip ang magiging epekto nito sa kalikasan. Ngayong narinig ko ang ibang panig ng kwento ay tumatanggi na ako na tulungan kayo... kayo lang din ang makakaayos ng gulong ito, pinunong Goryo." paliwanag ko sa kanya.

"Ang ibig mong sabihin ay nagagalit ang kalikasan sa amin?" tanong niya.

"Hinihilom lamang ng kalikasan ang kanyang sarili at pinoprotektahan ang sarili nito sa mga bagay na lumalason sa kanya... kayo iyon," sabi ko sa kanya at natahimik ang pinuno, tila ba naisip niya na baka tama ang aking sinasabi ngayon. Yumuko ako bilang magbigay respeto. "Mauuna na ako pinunong Goryo. Nawa'y naintindihan mo ang sitwasyon ngayon at gawin mo ang bagay na sa tingin mong tama."

Naglakad na ako palabas ng kanyang tirahan at iniwan siyang nakatayo. Alam kong hindi madali para kay pinunong Goryo na pamunuan ang isang bayan dahil wala naman siyang kaalam-alam sa mga ganitong bagay. Pero sana naman ay magawa niyang protektahan ang kalikasan na isangmalaking bagay kung bakit sila nabubuhay ngayon. Hindi lang tao ang dapat pinoprotektahan, maging ang mga puno, hayop, o kahit anong may buhay dito sa mundong ito. Lahat ito ay pinapanatili ang pagiging balanse ng ating mundo.

***

Kinagabihan, Nandito ako sa labas ng bahay na aming tinutuluyan. Tila ba naging paborito ko nang bagay na gawin ang pagtingin sa mga bituin sa tuwing gusto kong mapayapa ang aking isipan. Ang makita ang kinang ng bawat bituin ang nagpapakalma sa akin. Biglang umupo si Melia sa aking tabi at niyakap ang kanyang tuhod. "Naikwento na sa akin ni Flavia ang nangyari sa gubat at engkwentro ninyo sa isang tao na nagngangalang Luntian," wala rin naman akong balak na ilihim sa kanya ang balak na iyon. Kung may ilang tao man akong pinagkakatiwalaan ay iyon ang Sol Invictus. Sila ang mga taong alam kong naniniwala sa akin kahit gaano pa kasama ang binibintang sa akin ng ibang tao.

"Masama na ba akong tao kung tinanggihan ko na ang hinihinging tulong ng bayang ito?" tanong ko sa kanya, sa tuwing tinitignan ko ang mukha ni Melia ay nakakaramdam ako ng kung anong gaan sa aking loob. Sa kanya lang ako komportable na nakakapagsabi ng aking saloobin.

"Hindi ko man alam ang pinag-usapan ninyo ni pinunong Goryo ngunit alam kong ginawa mo lang ang sa tingin mong tama," may ngiti sa kanyang labi at tumingin siya sa kalangitan at pinagmasdan niya rin ang mga bituin. "Alam kong maiintindihan din ni pinunong Goryo ang kanyang pagkukulang at gagawa siya ng paraan para maayos ang gulong ito ngayong alam niya na ang sanhi. Hindi niya rin naman pababayaan ang kanyang nasasakupan." paliwanag ni Melia sa akin.

Anti-HeroWhere stories live. Discover now