Mariin siyang napapikit at naalala ang huling paalala sa kaniya ni Miss Red Butterfly. Tama nga kaya ang desisyon niyang magpakasal kay Kieran kahit na hindi siya nito mahal? Matitiis ba niya iyon?

Para sa anak mo, bulong ng isang bahagi ng isip niya at sukong bumuntong hininga siya. Oo matitiis niya. Para sa anak niya, walang bagay na hindi siya titiisin. Hindi niya ito hahayaang maghirap na gaya ng nangyari sa kanilang magkakapatid. At kayang ibigay ni Kieran ang magandang buhay para dito. Pakunswelo na lang niya na kahit hindi siya nito mahal, sigurado siyang mamahalin nito ang anak niya. Iyon ang mahalaga.

SA LOOB lang ng ilang araw ay umatras sa kaso ang matandang lalaking nagsampa ng kaso laban sa mga ate ni Belle. Hindi niya alam kung paano iyon nagawa ni Kieran pero hindi na siya nagtanong. Ang mahalaga ay malaya na ang mga kapatid niya. Nag-iyakan silang tatlo nang makalabas na sila ng building kung saan nakulong ang mga ito ng dalawang buwan. Ang swerte-swerte daw nila dahil hindi na kailangang magpiyansan. Tumango-tango lang siya. Humahanap ng tiyempo kung kailan niya maaring sabihin ang tungkol kay Kieran.

Ayaw niyang ilihim sa mga ito ang kapalit ng paglabas ng mga ito sa kulungan dahil gusto niya maging responsable na ang mga ito at magsimula ng bagong buhay. Balak niyang ibigay ang lahat ng perang naipon niya mula sa pagtatrabaho niya sa loob ng dalawang buwan sa mga ito. Malaki iyon at makakatulong para makapagtayo ang mga ito ng maayos na negosyo. Mautak ang mga ito kaya alam niyang mapapaunlad ng mga ito ang kung ano mang gustong gawin ng mga ito.

Hindi na niya kinailangang buksan ang paksa tungkol kay Kieran dahil pagkalabas nila ay naabutan niya itong nakatayo sa tabi ng kotse nito. Halatang hinihintay sila dahil nang makita siya nito ay malalaki ang hakbang na lumapit ito sa kaniya. Naramdaman niya ang pagkagitla at pagmaang ng mga kapatid niya nang huminto ito sa mismong harap niya.

"Anong ginagawa mo rito?" takang tanong niya.

Umangat ang mga kilay nito. "I'm picking you up. At ihahatid ko na rin ang mga kapatid mo kung saan sila titira," sagot nito.

Napasulyap siya sa mga kapatid niyang nagtatanong na nakatingin sa kaniya. Nag-init ang mukha niya bago muling tumingala kay Kieran. "Kaya naman naming magcommute," mahinang sabi niya.

Kumunot ang noo nito. "Do you really think I will let you commute?" Alam niyang hindi kaya hindi na lang siya kumibo. Habang nasa biyahe sila ay mukhang hindi na nakatiis ang mga kapatid niya na tanungin si Kieran ng kung anu-ano. Sa tuwina ay palagi pa itong pinupuri ng mga ate niya kung gaano ito kakisig at kaguwapo at bagay na bagay daw ito sa kaniya na pinakamaganda raw sa kanilang magkakapatid. Ilang beses niyang nahuli ang pasimpleng ismid ni Kieran at kulang na lang lumubog siya sa kinauupuan niya sa labis na pagkapahiya. Halatang hindi ito namumukhaan ng mga kapatid niya. Ganoon ba talaga kalaking kaibahan ang pagkawala ng peklat at bigote nito sa mukha? Tuwing tinitingnan kasi niya ito ay parang wala namang masyadong nabago. O marahil bulag lang siya sa sarili niyang damdamin para dito.

"So, ano ka nitong si Belle?" pangungulit ng ate Beverly niya rito nang malapit na sila sa apartment na tinitirhan niya bago siya lumipat sa unit ni Kieran. Ipapasa na niya iyon sa mga kapatid niya.

"I believe it will be better if she will be the one to answer your questions," magalang na sagot nito at sumulyap pa sa kaniya. Napatingin na lang siya sa labas ng bintana. Hindi na ito bumaba nang umibis silang magkakapatid. Ang sabi nito ay may kailangan pa raw itong asikasuhin at tawagan daw niya ito kapag kailangan na niyang umuwi para masundo siya nito. Naramdaman niya ang muling pagtitinginan ng mga kapatid niya subalit hindi niya tiningnan ang mga ito hanggang sa makaalis na si Kieran. Pinaplano pa rin niya sa isip niya kung paano niya ipapaliwanag sa mga ito ang sitwasyon.

"Magpapaliwanag ka na ba sa amin Belle? Ano ba talagang nangyayari? Sino ang lalaking iyon? At ano ang ibig sabihin niya na kapag uuwi ka na ay susunduin ka niya? Hindi ba dito ka rin sa apartment na ito nakatira?" sunod-sunod na tanong ng ate Shyra niya nang nasa loob na sila ng apartment.

THE SWINDLER AND THE BEASTWhere stories live. Discover now