Part 25

9.7K 361 11
                                    


Two months later....

"HUWAG kayong mag-alala ate. Kaunting tiis na lang. Maiipon ko rin ang perang kailangan natin para makalabas kayo dito. Gagawa ako ng paraan, pangako," alo ni Belle sa ate Beverly at Shyra niya. Pinipilit niyang magpakatatag at huwag mag-init ang mga mata habang nakikita niya kung gaano kalaki ang ipinagbago ng mga kapatid niya mula ng simulang litisin ang kaso ng mga ito at makulong ang mga ito. Dalawang buwan nang nakabinbin sa korte ang kaso ng mga ito dahil masuwerte sila na hanggang sa mga oras na iyon ay wala pang ibang nabiktima ang mga ate niya na sumulpot upang magsampa rin ng kaso.

Kulang sa ebidensya ang DOM na nagsampa ng kaso laban sa mga kapatid niya. Subalit dahil may kapit sa may mataas na posisyon ay hindi pa rin naibabasura ang kaso ng mga ito. Ang tanging pag-asa na lamang nila ay kung iaatras nito ang kaso o kung makakapagpiyansa sila. Imposible ang una kaya ginagawan niya ng paraan ang pangpiyansa ng mga ito.

Pinagmasdan niya ang mga ito. Mas pumayat ang mga ito at unti-unti ng nababawasan ang kinang ng kagandahan ng mga ito dahil bakas ang desperasyon at takot sa mukha ng mga ito. Naawa siya sa mga ito at nakokonsiyensiya dahil siya ang nagsabi sa mga itong sumuko na lamang. Lalo na at hindi gaya ng mga ito ay hindi siya nakulong.

Sa totoo lang ay gulat na gulat siya nang malaman niya na hindi nagsampa si Kieran ng kaso laban sa kaniya. Nang lakas loob niyang kausapin si Adrian ay naramdaman kaagad niya ang lamig ng tingin nito.

"He doesn't want to see you ever again. Kaya hindi siya nagsampa ng kaso."

"H-hindi ko ba siya pwedeng makita?" lakas loob na tanong niya rito.

Tumiim ang titig nito sa kaniya. "No. Tama na ang damage na ginawa mo sa kaniya. I will not allow you to make a fool out of him again." Iyon lang at tinalikuran na siya nito.

"Paano naman tayo makakaipon kung ikaw lang mag-isa ang nagtatrabaho?" tanong ni ate Shyra na tila pagod na pagod.

Kumurap siya at pilit ngumiti. "Ayos lang ako ate. May nakilala akong mabait na mayamang babae dalawang buwan na ang nakalilipas. Nasabi ko sa kaniya na kailangan ko ng malaking pera kaya binigyan niya ako ng trabaho. Malaki ang binabayad niya sa akin kaya kahit papaano ay mailalabas ko na kayo dito bago matapos ang taon."

Bumagsak ang mga balikat ng mga ito. "Ganoon pa katagal?" dismayadong tanong ng ate Beverly niya.

Napakagat labi siya. "Sorry," tanging nasabi niya.

Umiling ang mga ito at tinapik ang mga kamay niya. "Wala na tayong magagawa. Kasalan din naman naming kung bakit kami nandito. Alam na nga naming mali sumunod pa kami sa yapak ng mga magulang natin na ni hindi nga natin alam kung nasaang lupalop na ng mundo naroon. At sa totoo lang wala naman na talaga akong pakielam sa kanila. Pero Belle, huwag mong pabayaan ang sarili mo habang nandito kami. Kung hindi talaga kaya huwag mong ipilit magtrabaho ng husto para mailabas kami rito. Alam ko weird na sa akin ito manggagaling pero ayokong gagawa ka ng bagay na pagsisisihan mo balang araw para lang sap era maliwanag?" ani ate Beverly niya.

May sumundot na matinding guilt sa puso niya ngunit agad niya iyong pinalis. Ngumiti siya at tumango. Maya-maya pa ay nagpaalam na siya sa mga ito. Nagyakap silang tatlo bago siya umalis.

Papakagat na ang gabi nang makauwi siya sa maliit na apartment na nirentahan niya pagkarating nila sa maynila. Huminga siya ng malalim bago mabilis na naligo at nagpalit ng damit. Pagkatapos ay kinuha niya mula sa bag niya ang make-up kit at sinimulang koloretehan ang mukha niya. Hinayaan niyang nakalugay ang buhok niya dahil may mag-aayos niyon para sa kaniya mamaya. Saglit niyang pinagmasdan ang sarili nang matapos siya at pilit inignora ang pagbigat ng dibdib niya nang halos hindi niya makilala ang sarili sa repleksyon niya ang salamin. Subalit iyon naman talaga ang intension niya, ang huwag siyang makilala. Huminga siya ng malalim bago tumayo at muling lumabas ng apartment niya.

Ilang minuto lamang ay nasa tapat na siya ng isang malaking establisyemento. Tumingala siya at pinakatitigan ang signage niyon. Club Notteria. Dalawang buwan na mula ng magsimula siyang magtrabaho doon. Nakagat niya ang loob ng ibabang labi niya bago inalis ang tingin doon at tuluyang pumasok sa loob. Nang dumating siya ay agad siyang inasikaso ng floor director at pinagpalit siya ng damit. Pagkatapos ay inayos ang buhok niya.

"Kailangan ka na sa stage in ten minutes. Ikaw ang opening ngayon. Galingan mo," sabi ng babaeng nag-ayos sa kaniya. Ngumiti siya at tumango. Pagkatapos ay tumitig na naman siya sa repleksyon niya at hindi naiwasang makaramdam ng pait. Mukha siyang ang babaeng iniisip ni Kieran na siya. Ipinilig niya ang ulo.

Huwag mo na siyang isipin Belle. Tapos na ang lahat. Magfocus ka sa trabaho.

Huminga siya ng malalim. Totoo na dalawang buwan na ang nakararaan ay nakilala niya si Miss Red Butterfly na siyang may-ari ng Men's Club na iyon. Nasa waiting shed siya noon at umiiyak dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin para mailabas ang mga ate niya sa kulungan. Bigla na lamang itong huminto sa harapan niya at tinanong siya kung bakit siya umiiyak. Napakaganda nito at nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito kaya namalayan na lamang niya ang sariling sinasabi rito ang lahat. Inalok siya nito ng trabaho at sa totoo lang ay nahindik siya nang una nitong sabihin iyon. Gusto nitong maging dancer siya para sa club nito. Subalit nang sabihin nito kung gaano kalaki ang ibabayad nito sa kaniya kada gami ay napalunok siya.

"Bakit ganiyan kalaki ho ang inaalok ninyo sa akin? K-kailangan ko bang ibenta ang sarili ko?" lakas loob na tanong niya rito.

Umiling ito at bahagya pang ngumiti. "No, darling. All you have to do is dance. May ibang babae para sa sinasabi mo. At kaya malaki ang ibabayad ko ay dahil alam kong kailangan mo ng pera. And my club is a very exclusive club and my members pay me millions you know."

Nag-alangan pa rin siya. "Hindi ba nais mong makalabas ng kulungan ang mga kapatid mo? Gagawin mo lang ito hanggang makaipon ka. Pagkatapos pwede ka ng umalis without looking back. Do whatever you want to do with your life? I'm just trying to help you here."

Sa huli ay pumayag din siya. Sumasayaw siya sa Club Notteria apat na beses kada linggo sa loob ng dalawang buwan at malaki na rin ang naiipon niya. Ngunit kulang pa para mailabas niya ang dalawang kapatid niya sa kulungan. Sa tantiya niya ay tatlong buwan pa ang kakailanganin niya para makaipon ng pangpiyansa at pangsimula nilang magkakapatid.

Nalulungkot lang siya minsan, na kahit anong pagkagusto niyang magkaroon ng simple at maayos na buhay ay palaging sa ganito nauuwi ang buhay niya. Dati mandurugas siya, ngayon naman dancer sa club.

Ang sama-sama ko siguro noong nakaraang buhay ko kaya ako nagkakaganito. Mapait na usal niya sa isip. Subalit siniguro na niya na last na talaga ito. Sana naman.

"Beauty malapit ka na."

Napapitlag siya sa pagtawag na iyon ng floor director nila. Nilingon niya ito at ngumiti. Ngunit nang mawala ito sa paningin niya ay nawala ang ngiti niya. Beauty. Nagulat siya nang unang sabihin sa kaniya ni Miss Red Butterfly na iyon ang magiging pangalan niya sa stage. Kakaiba daw kasi ang ganda at amo ng mukha niya. Hindi na siya nakatanggi kahit pa sa tuwing naririnig niyang tinatawag siya ng ganoon ay naalala niya ang unang lalaking tumawag sa kaniya niyon.

Muli niyang ipinilig ang ulo nang makaramdam ng sakit sa dibdib niya. Pagkatapos ay marahas siyang tumayo. Kailan ba darating ang araw na maiaalis niya sa isipan niya si Kieran? Kailangan na niyang gawin iyon, kung hindi ay mababaliw siya. Pilit niyang hinamig ang sarili. Pagkatapos ay lumabas na ng dressing room.

THE SWINDLER AND THE BEASTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon