Part 3

11.7K 376 4
                                    

HINDI maintindihan ni Belle kung bakit pero napasunod siya ng tingin sa lalaking nakabangga niya nang papasok siya ng KTV Bar kung saan sila itinuro ng mga napagtanungan nila na tanging lugar doon na maari nilang kainan. Sa tangkad at laking tao nito ay sa dibdib nito tumama ang mukha niya. At kahit na muntik na siyang matumba sa lakas ng pagkakabangga niya rito ay ni hindi man lang ito natinag sa kinatatayuan nito.

Paika-ika itong naglalakad gamit ang isang tungkod. Malapad ang pangangatawan nito at nakasuot lamang ng kupas na pantalong maong at itim na leather jacket. Tipikal na lalaki lang naman ito maliban sa pilay nito. Subalit hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya maialis ang tingin niya sa papalayong pigura nito. Ni hindi nga niya nakita ang mukha nito dahil tinawag na siya ng ate niya. Siguro ay dahil may kung ano sa presenya nito na ibang iba sa lahat ng taong nakita na niya.

"Hoy Belle ano pang ginagawa mo diyan? Gutom na gutom na ako," muling tawag sa kaniya ng ate Beverly niya dahilan kaya tuluyan na niyang inalis ang tingin sa lalaki at lumapit na sa ate niya.

Napakaingay sa lugar na iyon bago sila pumasok sa loob. Ngunit napansin niyang bahagyang nabawasan ang ingay sa loob nang naroon na sila. Palibhasa halos lahat ay nakatingin sa mga kapatid niya na mukhang walang pakielam sa titig ng mga lasing doon. Nakapustura pa rin kasi ang mga kapatid niya dahil hindi naman nakapagbihis ang mga ito sa pagmamadali. Pumuwesto sila sa isang bakanteng lamesa sa dulong bahagi na malayo sa mga nagkakantahan.

"Wala na ba talagang ibang makakainan dito at sa KTV bar tayo pumasok?" tanong niya sa mga ate niya.

"Gusto ko ng beer eh. Pwede na ito," sabi ng ate Shyra niya. Napailing na lamang siya nang lumapit na sa kanila ang isang lalaking ngiting ngiti at tinanong ang order nila. Nakita niya kung paano nag-iba ang pananalita ng mga kapatid niya, naging malambing. At kapag gumagamit na ng charm ang mga ito ay nahuhulog na ang kahit sinong lalaki. Patunay niyon ang napakaraming pagkaing inilapag ng manager ng bar sa lamesa nila at sinabing libre na nito iyon dahil bagong salta sila roon. Napailing na lamang siya at kumain habang dinadaldal ito ng mga kapatid niya kung saan sila maaring umupa ng matitirhan.

Bago sila matapos kumain ay may naipakilala na itong isang may edad na babae na may pinapaupahang maliit na bahay. Kahit alam niyang mali ay hindi niya maiwasang mabilib sa mga kapatid niya. "Paano niyo nagagawa iyon?" tanong niya sa mga ito nang nasa labas na sila ng KTV Bar at nakasunod sa magiging landlady nila. Gabing gabi na pero maingay pa rin doon. Fiesta daw kasi kaya nagkakasiyahan ang mga tao.

"Kaya mo rin iyon kulang ka lang sa practice. Ikaw pa naman ang pinakamaganda sa ating tatlo. Hindi mo lang sinasamantala kung ano ang mayroon ka. Dapat talaga matutunan mo ng gamitin ang charm at ganda na tanging napakinabangan natin sa mga magulang natin para makaya mo ng tumayo sa sarili mong mga paa," sabi ng ate Beverly niya. Hindi nakaligtas sa kaniya ang himig ng sarkasmo sa tinig nito sa pagbanggit sa mga magulang nila. At hindi niya ito masisisi. Hindi naging magulang sa kanila ang tatay at nanay nila.

"Hindi bale, habang nandito tayo gawin na nating pagkakataon para turuan si Belle. Para pagbalik natin sa kabihasnan marunong na siya," sabi naman ng ate Shyra niya.

Napangiwi siya. "Uulitin na naman natin ang buhay natin dati?" tanong niya sa mga ito.

"Shh!" pinanlakihan siya ng mga mata ng mga ito at sinenyas ang magiging landlady nila na mukhang hindi naman sila narinig dahil binuksan na nito ang pinto ng isang may kaliitang bungalow. Tumahimik na siya dahil humarap na sa kanila ang babae na agad na nginitian ng mga ate niya.

"Pasok kayo mga ganda," tawag nito sa kanila. Lumapit sila rito. "Maliit lang ito pero matibay naman ang mga lock ng bahay na ito. At huwag kayong mag-alala, mababait naman kami rito. Mayroon ding mga tao ng barangay na nagpapatrol dito kaya ligtas na ligtas kayo rito," daldal nito habang pinapakita sa kanila ang bahay.

THE SWINDLER AND THE BEASTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon