Part 18

9.5K 389 3
                                    


"AKALA ko ba gusto mong magpunta sa fiesta bakit mukhang hindi ka naman natuwa?"

Napakurap si Belle sa komentong iyon ni Kieran. Napatingala siya rito. Kunot ang noo nito habang nakatingin sa kaniya. Lalo lang tuloy lumala ang pagbibigat ng pakiramdam niya. Napahinto ito sa paglalakad at humarap sa kaniya ng tuluyan. Nasa loob na sila ng property nito at tinatahak ang daan patungo sa bahay nito.

"Are you sure you know those women? Bakit pagkatapos mong sumama sa kanila para ka nang namutla ng ganiyan? Tell me," seryoso ng sabi nito.

Pilit siyang ngumiti. "Wala iyon. Napagod lang ako. Masyadong energetic ang dalawang iyon at kung anu-ano ang mga pinasubok sa akin sa perya," palusot niya.

Hindi pa rin nito inalis ang tingin sa kaniya at lalo siyang nailang. Pagkatapos ay marahan itong tumango at nagpatuloy na sa paglalakad. Awtomatikong hinawakan niya nag kaliwang braso nito ng isang kamay niya habang bitbit niya ang mga pinamili niya sa kabila upang alalayan ito. Sa totoo lang alam naman niya na hindi nito kailangan ng aalalay dito. Nakatungkod man ito ay napansin niyang kaya nitong kumilos ng mag-isa. Gusto lang niya ang pakiramdam na hawak niya ang braso nito. Hindi rin naman ito nagagalit sa kaniya.

Nang matanaw na nila ang bahay nito ay hindi niya napigilang ikomento. "Ang ganda ng bahay mo pero napabayaan mo. Iyong hardin lang ang halatang alaga."

Naramdaman niyang natigilan ito at nakagat niya ang ibabang labi nang pagtingala niya ay makita niyang may bumakas na kung ano sa mukha nito habang nakatitig sa direksyon kung nasaan ang hardin nito. Mukhang mali siya nang naisip sabihin. Hihingi na sana siya ng tawad nang magsalita ito.

"The garden is her favorite place. She was the one who personally takes care of the roses. It was the only beautiful thing she left behind. Kaya mahalaga sa akin iyon at nagalit ako ng husto sa iyo ng pumitas ka," he said quietly.

Kumabog ang dibdib niya habang nakatingala rito. "S-sino?" halos pabulong na tanong niya kahit na alam niya kung sino ang tinutukoy nito. Hayun nga at nakikita niya ang kislap ng lungkot at pait sa mga mata nito.

Hindi ito tumingin sa kaniya at nanatili lamang nakatitig sa direksyon ng hardin. Napagtanto niya na halos hindi humihingang nakatingala lang siya rito nang sa wakas ay yumuko ito sa kaniya. Nagtama ang mga mata nila.

"My wife. Pero kung buong gabi mong kasama ang mga babaeng kasama mo kanina at taga San Bartolome sila, malamang ay nasabi na nila sa iyo ang tungkol doon. Tell, me, what did they say about me?" tanong nito sa kaniya. Nailang siya at napaiwas ng tingin. "Sabihin mo sa akin Belle. Aside from the fact that they consider me a beast, what else are they saying about me?" udyok nito sa mahinang tinig.

Huminga siya ng malalim. "Ang sabi nila, wala raw nakakaalam kung ano ang trabaho mo. Na baka daw sindikato ka. At minsan ka lang daw umuuwi at iniiwan mong mag-isa ang asawa mo sa bahay ninyo. Na isang gabi na lang ay nalaman nilang patay na siya. Na ang sabi may sakit daw siya kahit malusog lang siya noong huling kita nila. Na-na... pinatay mo raw siya," halos ayaw lumabas sa mga labi niya ang huli.

Pagkatapos ay sinalubong niya ang mga mata nito. "Pero hindi naman ako naniniwala sa lahat ng sinabi nila. Well, sa simula medyo. Pero mula ng mapunta ako sa bahay mo nawala na ang mga pagdududang iyon sa isip ko. Alam ko na hindi ka ganoong klase ng tao. Kaya ka nga nagalit sa akin noong pakielaman ko ang mga rosas hindi ba? Dahil mahalaga iyon sa iyo dahil paborito iyon ng asawa mo. Imposibleng -"

"It's true though," putol nito sa mga sinasabi niya.

"Ano ang ibig sabihin?" tanong niya habang nakatingin siya sa mukha nitong sa isang iglap ay nawalan ng ekspresyon.

Muli ay nag-iwas ito ng tingin. "That I killed her," mahinang sagot nito.

Nabitawan niya ang braso nito at napamaang lang rito.

"HINDI ko maintindihan ang sinasabi mo," sa wakas ay nasabi ni Belle matapos ay mahabang katahimikan pagkatapos nitong sabihin na pinatay nito ang asawa nito.

Himbis na sumagot ay nagsimula na itong lumakad. Napasunod siya rito. Napansin niya na himbis na sa front door ito lumapit ay lumiko ito patungo sa hardin. "Kieran," tawag niya rito.

Huminto lang ito nang nasa gitna na sila ng hardin at humarap sa kaniya. Iniwan nilang bukas ang ilaw sa kabahayan kanina bago sila bumaba sa bayan kaya ngayon ay bahagyang tumatama ang liwanag na iyon sa isang bahagi ni Kieran. Nagsikip ang dibdib niya dahil bigla ay tila ang layo-layo nito sa kaniya. Na para bang kanina lamang ay hindi siya nito hinalikan.

"Do you really want to know what happened? Do you want to know about me? Kung ako ang tatanungin ay mas makabubuti sa iyo na huwag ng malaman pa iyon. If I were you, dapat tumakas ka na kanina nang may pagkakataon ka pa. Dahil tama ang mga tao sa baying ito. I am a beast Belle. Nothing good will happen to you when you are with me," seryosong sabi nito. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa tungkod nito at hindi ito kumikilos upang ilipat ang bigat nito sa kaliwang binti nito. Alam niya na may nararamdaman itong sakit sa kanang binti nito ngunit tila hindi nito alintana iyon.

Nang muli niyang inangat ang mga mata niya ay nagtama ang mga mata nila. Sa dilim ay kumukislap na tila sa mabangis na hayop ang mga mata nito. Napalunok siya ngunit napagtanto niyang wala siyang nadaramang takot. "Gusto kong malaman," sa wakas ay sagot niya. Mahina lamang ang boses niya ngunit alam niyang narinig nito iyon. Humakbang siya palapit dito. "Kahit pa anong malaman ko hindi ako matatakot sa iyo Kieran. Ilang araw na ako rito at wala ka namang ginawang makakasama sa akin. Sa mga simpleng bagay napansin ko ang mga kabaitan mo kahit na ayaw mong aminin iyon."

Muli siyang humakbang palapit dito at nagpatuloy sa pagsasalita. "Noong una akong dumating dito, kahit galit na galit ka ay inabutan mo ako ng first aid kit para gamutin ang mga sugat sa kamay ko. Noong nalaman mong nagugutom ako inalok mo ang laman ng ref mo kahit kung tutuusin ay pwede mo akong gutumin dito bilang parusa sa akin. Nang basang basa ako at wala akong pamalit binigyan mo ako ng isusuot kahit na pwede namang hindi. Kinain mo rin ang pagkaing niluto ko para sa iyo at ngayon kahit alam mong may posibilidad na takasan kita sumama ka sa akin sa bayan at hinayaan akong mag-ikot sa bayan na hindi ka kasama."

Huminto siya sa mismong harapan niya. Ngayong malapit na siya rito ay nakikita na niyang hindi naman pala kasing walang ekpresyon ang mukha nito kaysa akala niya. May kalungkutan sa mukha nito, may pait at frustration. Pagak itong tumawa. "Hindi mo ba naisip na gusto ko talagang tumakas ka?"

Sinalubong niya ang mga mata nito. "Kung ganoon bakit mo ako hinalikan bago tayo maghiwalay?" lakas loob na tanong niya rito.

Huminto ang pagtawa nito at napatitig din sa kaniya. Pagkatapos ay nag-iwas ito ng tingin. "Hindi ko alam. It was just... an impulse," paiwas na sagot nito. "I just felt that... even if you run away from me at least I was able to kiss you," dugtong nito sa mas mahinang tinig.

Nag-init ang mukha niya sa sinabi nito. Bigla tuloy siyang nahiya sa kakapalan niya ng mukhang itanong iyon. Ilang sandaling walang nagsalita sa kanila bago ito humigit ng hangin at niyuko siya. "Pumasok na tayo sa loob. Bukas, pwede ka ng umalis. Sa tingin ko ay mali ang desisyon kong hayaan kang manatili dito. I don't want to meet someone like you. Not now, not ever."

THE SWINDLER AND THE BEASTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon