ALAM ni Belle na dapat ay natataranta at natatakot siya nang dumating si Adrian na may kasamang dalawa pang pulis. Subalit kataka-takang hindi niya iyon naramdaman nang arestuhin siya ng mga ito. Hinayaan lamang niya itong posasan siya. Ni hindi sumagi sa isip niyang pumalag o magmakaawa o sabihing wala siyang kasalanan. Mula nang ireject siya ni Kieran kanina, pakiramdam niya namanhid na siya.

Hindi niya akalaing posible pa siyang makaramdam ng mas matindi pang sakit pagkatapos nitong isipin na niloko lang niya ito at pakawala siyang babae. Subalit napagtanto niya na mas masasaktan pa pala siya kung sa kabila ng pagipon niya ng lakas ng loob na gawin ang lahat upang mapaligaya ito sa una at huling pagkakataon ay pinatigil siya nito dahil nandidiri daw ito sa kaniya. Mas matindi pa ang sakit niyon kaysa sa katotohanang hindi sila tutulungan nito sa kasong iyon.

At nang paalis na siya kasama ang mga lalaki ay ni hindi siya nito tinapunan ng tingin kahit isang beses lang. Nakatutok ang buong atensyon nito kay Adrian na nagpaiwan para kausapin ito.

Nang naglalakad na sila patungo sa gate ng bahay ay hindi niya napigilang lingunin ang malaking bahay na naging espesyal na sa kaniya, lalo na ang nagmamay-ari niyon. Alam niya na hindi na niya makikita pa ang bahay na iyon kahit kalian. Hindi na niya makikita pa si Kieran. Sa isiping iyon ay nag-init ang mga mata niya. Mabilis niyang ibinalik sa harapan niya ang tingin at napahikbi siya. Mami-miss niya ito ng sobra. At alam niya na habambuhay na magkakaroon ito ng puwang sa puso niya. Kahit pa wala itong ibang nararamdaman para sa kaniya kung hindi pagkamuhi.

NATATARANTA at namumutla si Beverly at Shyra nang makarating si Belle sa malaking sasakyan kung nasaan ang mga ito at iba pang mga pulis. Nang makaupo siya sa tabi ng mga ito ay agad siyang niyakap ng mga ate niya.

"Ayos ka lang ba Belle? Ano ba hindi naman siya kasali sa kaso namin ah? Bakit nakaposas din siya?" galit na angil ni ate Beverly sa mga lalaki roon.

"Oo nga! Pakawalan niyo siya! Kami na lang ang hulihin niyo. Alisin niyo ang posas niya ngayon din," sigaw naman ng ate Shyra niya.

Nag-init na naman ang mga mata niya dahil pinoprotektahan na naman siya ng mga ito gaya ng dati. Kahit noon ay ganoon ang mga ito. Noong maghihiwalay na nga ang mga magulang nila noon ay matatag na sinabi ng mga ito sa kaniya na kayang kaya siyang buhayin ng mga ito. Alam niya na kahit may pagkaweirdo ang paraan ng pagpapalaki ng mga ito sa kaniya ay mahal na mahal siya ng mga ito. Mahal na mahal din niya ang mga ito. Kaya nga gusto niyang magbagong buhay na silang lahat. Subalit ngayon... hayun at makukulong pa silang tatlo.

"Hindi siya pwedeng pakawalan dahil kung wala man siyang kaso siguradong magkakaroon na siya. Tiyak na magsasampa ng kaso si Kieran," sabi ng lalaking minsan na niyang nakita sa mga larawan sa dressing room ni Kieran. Ito marahil si Neil.

Humigpit ang yakap ng mga ate niya sa kaniya at napagtanto niya na hindi siya maaring habambuhay magpaprotekta sa mga ito. Kailangang matutunan niyang protektahan ang sarili niya at ang mga ate niya. "Okay lang ako ate. Gusto kong kasama ko kayo kahit saan pa nila tayo dalhin," pang-aalo niya sa mga ito.

Napailing si Neil habang nakatingin sa kanila. "Kayo naman kasi. Sinasayang ninyo ang mga buhay ninyo sa panloloko ng mga tao. Dapat lang na maparusahan kayo para madala kayo." Iyon lang at lumabas na ito ng sasakyan pagkatapos ay isinara ang pinto.

"Kailangan nating makatakas," bulong ng ate Beverly niya maya-maya.

"Pero paano, nakalock ang mga pinto mula sa labas. Tapos ang dami pa nila. Paano kung bigla na lang nila tayong barilin?" takot na tanong ng ate Shyra niya.

Huminga siya ng malalim. "Ate, ilang tao ang sa tingin ninyo nagsampa ng kaso sa inyo?"

Nagkatinginan ang mga ito. "Ang alam ko isa lang iyong DOM na akala ko ay may mahihita ako. Pero wala akong nakuha sa kaniya kahit na singko," sagot ng ate Beverly niya.

Huminga siya ng malalim at pilit nag-isip. Kung sana ay napapayag niya si Kieran na tulungan sila para huwag nang matuloy ang kaso laban sa kanila. Pero hindi rin magandang ideya ang tumakas dahil lalo lamang silang hahabulin ng batas. Kapag nangyari iyon ay lalo silang hindi magkakaroon ng pagkakataong magbagong buhay.

"Hindi tayo pwedeng tumakas. Kailangan nating harapin ang kasong ito. Iyon lang ang paraan para matigil na natin itong ginagawa natin at makapagbagong buhay tayo," aniya sa mga ito.

Nanlaki ang mga mata nito. "Hindi tayo makakapagbagong buhay kung makukulong tayo ng matagal na panahon!" sabi ng ate Beverly niya.

Umiling siya. "Wala kayong nakuhang pera sa nagsampa sa inyo ng kaso kaya hindi naman siguro ganoon kabigat ang magiging kaso ninyo. Wala rin akong nakuha kay Kieran. Ipagdasal na lang natin na hindi lumabas ang mga naloko na natin noon ay magiging okay naman tayo kahit papaano... siguro," sagot niya.

"Siguro. Paano kung hindi?" sikmat ng ate Shyra niya.

Matatag na tinitigan niya ang mga ito. "Tapusin na natin ito ate Beverly, ate Shyra. Hindi tayo matatahimik kung palagi na lang tayong tumatakbo ng ganito. Please, harapin natin ito at kung ano man ang magiging parusa kakayanin natin iyon. Ayoko na ng ganito," gumaralgal ang tinig niya kahit na ayaw niya.

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ng mga ito. Pagkatapos ay halos magkapanabay pang bumuntong hininga. "Alam naman naming na hindi ka para sa ganitong buhay Belle. At maniwala ka, gusto na rin naman talaga naming magbago. Last na talaga sana ito. Nagkaletse-letse pa," sabi ng ate Shyra niya.

"Alam ko naman iyon," sagot niya.

Humugot ng malalim na paghinga ang ate Beverly niya pagkatapos ay marahang tumango. "Sige, gagawin natin ang sinabi mo Belle. Malalampasan din natin ito," sabi nito.

Niyakap niya ang mga itoat tuluyang napaiyak. Subalit alam niya na hindi lamang iyon dahil sa sitwasyonnilang tatlo. Umiiyak siya dahil alam niyang sa pagbabagong buhay na gagawinniya ay hindi na niya kasama ang lalaking unang minahal niya. Hindi na niyamakikita pa si Kieran.

THE SWINDLER AND THE BEASTWhere stories live. Discover now