19. Pain

3.1K 125 10
                                    

BLANGKO ang espasyo sa tabi niya, iyon ang unang rumehistro sa isip ni Honey nang magising kinabukasan. Nagmulat siya ng mga mata. Tama ang hinala niya, mag-isa na lamang siya sa kama. Inaasahan na niya iyon pero masakit na masakit pa rin pala—na pagkatapos ng isang magandang karanasan niya sa piling ni Ben ay magigising siyang wala na ito. Na iniwan na siya. Na iniwan siya dahil hindi nito matanggap ang nangyari. Tama nga siya na lasing lang si Ben kaya may namagitan sa kanila. Siguro nga, tanga talaga siya. Nasa huwisyo siya nang gabing iyon pero pinayagan niya pa rin ang nangyari—dahil gusto niya, dahil iyon ang hiling ng damdamin niya.

Marahan siyang bumangon. Tutal ay mag-isa lang naman siya sa bahay, puwede siyang umiyak hanggang gusto niya, hanggang masaid ang luha niya, at hanggang gumaan ang dibdib niya.

"Ben..." humihikbi na nga si Honey. mayamaya. Pagkalipas ng ilang segundo, nauwi na sa hagulhol ang pag-iyak niya. Hindi niya pinigilan ang sarili. Mas nilakasan pa niya ang pag-iyak hanggang pakiramdam niya ay nakahinga na siya nang maluwag. Saka lang siya kumilos. Lumabas si Honey ng silid at dumiretso sa banyo. Pagbalik niya sa silid, saka niya napansin ang bagay na nakaipit sa ilalim ng unan niya.

Sulat?

Kaagad niyang kinuha iyon at mabilis na binuklat. Sa pagitan ng paghikbi ay natutop niya ang bibig habang nanlalaki ang mga mata. Hindi niya gustong paniwalaan ang lahat ng nakasaad sa sulat, dahil hindi niya gustong isipin na isang pagpapanggap lang ang lahat ng namagitan sa kanila ni Ben. Nasasaktan siyang isipin na niloko lang siya nito, sila lahat. Of all people, bakit si Ben pa na lubos niyang pinagkatiwalaan?

Muling nagsunod-sunod ang pagbalong ng luha niya. Kaya pala sa una pa lang ay may kakaiba na siyang pakiramdam rito. Kaya pala kahit alam niya ang tungkol sa 'pagkatao' nito ay nararamdaman pa rin niya ang kakaibang lakas na hindi niya maipaliwanag. Kaya pala kahit anong pilit niyang pagsupil sa damdamin, hindi nagpaawat ang puso niya, dahil nakita ng puso niya ang totoong Benito—ang Benito na pinagtakpan ng mga pagpapanggap nito.

Binalikan niya ang isang bahagi ng sulat.

...I'm sorry but this has to stop. I have to leave. You don't know much about me yet. Marami kang hindi alam sa pagkatao ko. Ayokong makita ang galit sa mga mata mo kapag nalaman mo na kung sino talaga ako. Duwag ako, Honey. Duwag ako pagdating sa 'yo.

I know you'll hate me after this but you should know one of my secrets—I'm not gay. Hindi mo alam kung gaano ang kontrol na kinakailangan kong ipunin tuwing niyayakap-yakap mo ako. Pero mas masasaktan ka sa mga susunod na araw dahil hindi ako ang taong dapat mong mahalin. Kailangan na kitang iwan bago mo pa matuklasan kung sino talaga ako. Hindi ko kasi kayang makita ang galit sa mga mata mo at hindi ko kayang marinig na sabihin mong ayaw mo na akong makasama pa.

Please take care of yourself...

Patuloy ang pagtulo ng luha ni Honey habang paulit-ulit niyang binabasa ang sulat. Naghahalo ang mga emosyon sa dibdib niya. Nagagalit siya, nasasaktan, pero nagmamahal pa rin.

Kinahapunan noon ay kausap niya si Hazenne. Sa kaibigan niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob. May pakiramdam siyang sasabog siya kung wala siyang mapagsasabihan kaya ikinuwento niya rito lahat. Wala siyang inilihim. Sinabi ni Honey ang mga namagitan sa kanila ni Ben bago ito umalis. Ipinabasa rin niya rito ang sulat na iniwan sa kanya. Tulad niya ay gulat na gulat at hindi rin ito, hindi makapaniwala sa nilalaman ng sulat. Sa huli ay nakabuo ito ng ilang hypothesis na maaring dahilan raw kung bakit mas pinili ni Ben na iwan siya. Nakinig siya rito habang patuloy ang pagbalong ng luha niya.

Pag-uwi ni Honey sa bahay na mag-isa na lang siya, sinakop na naman ng matinding lungkot ang puso niya. Halos magdamag siyang umiyak. Hanggang nakatulog na siya ay si Ben pa rin ang nasa isip niya. Napagtanto ng dalaga, mahal na niya talaga ang kaibigan. Pagmamahal na sa tingin niya ay wala nang pupuntahan pa...


-- END OF PREVIEW -- 


YOU MAY READ THE REMAINING CHAPTERS IN DREAME. 

🎉 Tapos mo nang basahin ang Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLY 🎉
Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon