11. "Date"

2.6K 115 4
                                    

PUMALAKPAK si Mamu Pauline matapos ang ilang segundong pagtitig sa kabuuan ni Honey. Five minutes ago ay inayusan siya nito—hair and make up. Ayon pa sa ina-amahan niya, ginamit nito ang magic touch sa kanya. Nakasanayan niyang baby powder lang at lip gloss ang inilalagay sa mukha, katulad rin ng kambal niyang kaibigan, kaya hindi comfortable si Honey sa makapal na make up. Hiniling niya kay Mamu Pauline na light make up na lang, baka kasi sa halip na maging maayos ang kalabasan ng date, baka maka-puntos na agad si Ybeth kapag napansin nitong hindi siya mapakali sa ayos niya. Mapapansin nitong siya pa rin ang Honey na inaapi nito noong high school sila—ang Honey na hindi nito maaming kinaiinggitan lang kaya inis na inis sa kanya noon.

"Perfect!" bulalas ng ina-amahan niya habang nakapilantik ang mga daliri, may hawak pang suklay. "Ang ganda ganda talaga ng anak ko!" Puri pa nito, nasa mga mata na proud sa kanya. Tumaas ang self confidence ni Honey.

"I love you, Mamu!"

Tumawa ito at tinanggap ang maingat niyang pagyakap rito. Pagkatapos ay inilayo siya nito sa sariling katawan at inayos ang buhok niya sa likuran.

"Ready na rin ako," boses ni Ben mula sa direksiyon ng kusina. Wala sa loob na lumingon siya rito. Hindi na namalayan ni Honey na umawang ang mga labi niya pagkakita sa kabuuan nito. Tinangay ng 'new look' ni Ben ang sekretong alam niya sa pagkatao nito. Napamaang siya habang humahakbang ito palapit.

Tall.
Handsome.
Manly.
Confident.

Ben...

"N-Nasa'n si Benette?" wala sa loob na nausal niya. Kung hindi pa sa naaliw na pagtawa ni Mamu Pauline ay hindi siya matatauhan sa saglit na pagkatulala.

"Pinatay ko muna, 'Nak," anang ina-amahan niya.

Ngumisi naman si Ben, ang ngising nagpapabilis sa pintig ng puso niya. "Si Mamu ang nag-ayos ng buhok ko," sabi nito. Saka niya napansin na straight na straight at shiny ang buhok nitong nakatali sa likuran.

Lumapit si Mamu Pauline rito at inayos ang kuwelyo ng long sleeves nito. Binuksan pa ang unang dalawang butones 'tapos ay hinagod pa ng pabiro ang dibdib ni Ben habang tumatawa. "Matigas!" bulalas pa nito, "Pero sa gabi, may boobs!"

Ang lakas ng halakhak ni Ben.

Natawa na rin si Honey—tawang nawalan ng tunog nang makita niyang hinagod ni Ben ng tingin ang kabuuan niya. Unti-unti rin na nabura ang ngiti nito. Napalunok siya. Na-conscious bigla sa suot.

Hindi ba bagay sa kanya ang maikli at manipis na black dress na iyon na si Mamu Pauline ang pumili? Parang gusto niyang magduda sa sinabi ng ina-amahan na lahat raw ng lalaki ay siguradong mapapatingin sa ganda niya nang gabing iyon. Ang sexy pa raw niya.

"Huwag kang magkakamaling mag-comment ng negative, Ben, papatayin kita!" banta niya para pagtakpan ang bumabangong tensiyon sa dibdib. "Tumaas na ang self-confidence ko dahil kay Mamu, kaya huwag kang magkakamaling laitin ang hitsura ko!"

Ngumiti ito bago lumipat sa mga mata niya ang tingin nito. "You're alluring, Ney," mababang sabi nito, titig na titig sa kanya.

"'Kitam! Pati bading naakit sa ganda mo, 'Nak!" bulalas ni Mamu. Nagtawanan ito at si Benito. Nakitawa na rin siya. Naniniwala na siyang maganda nga siya nang gabing iyon. "Ang ngiti mo na lang ang kulang. Smile ka 'Nak."

Ngumiti nga siya. "'Yan! Ganyan nga, baby ko," sabi pa ng ina-amahan niya. "At ang gagawin mo kapag nasa restaurant na kayo, titigan mo ng madalas si Ben, na para bang siya lang ang nag-eexist na tao sa mundo. Didikit ka sa kanya lagi, 'yong hindi naman mukhang OA ang paglalambing mo, kaunting yakap—at, ay! Siguro hindi n'yo naman kailangang mag-kiss," saka ito umiling-iling. "Baka mabuking pa kayo."

"It won't happen, Mamu," biglang agap ni Ben. "Akong bahala sa anak n'yo."

"May tiwala ako sa 'yo, Ben."

May busina silang narinig mula sa labas. Kumunot ang noo ni Honey.

"Nag-rent ka ng kotse, Mamu?"

"Kotse? Hindi—"

"Ako," agap ni Ben. "Kailangan natin ng car right? Heir ako ng isang milyonaryo ngayong gabi."

"O-Okay," kinabahan si Honey. Unang pagkakataon iyon na magpapanggap at magsisinungaling siya. Huminga siya nang malalim. Siguro nga ay tama si Mamu, kailangan niya ring gawin iyon para sa sarili.

"Sige na, umalis na kayo," pagtataboy pa sa kanila ni Mamu Pauline. "Dito na ako matutulog para dala ko ang good news bukas sa parlor."

Hinagkan niya ito sa pisngi bago siya kumapit sa naghihintay na braso ni Ben. Magkasabay silang humakbang palabas ng apartment. Sumunod si Mamu Pauline. Inihatid sila nito hanggang sa kotse. Magalang na binati sila ng driver matapos nitong buksan ang mga pinto ng sasakyan.

"First time kong magsuot ng stiletto. Sigurado, ang sakit ng balakang at binti ko mamaya."

Natawa si Ben. "Ma-massage na lang kita," sagot nito pagkaupo sa tabi niya. "Huwag mong masyadong isipin, lalo ka lang mako-conscious. Hindi naman halatang hindi ka comfortable kaya panindigan mo na."

Umungol siya. "Si Mamu kasi eh, kung 'di nila ako isinubo sa sitwasyong ito, nananahimik sana ako sa apartment. Bakit ba kailangan kong gawin ito?" Mas para sa sarili niya ang tanong.

"You have to. Para naman ma-realize ng Ybeth na 'yan na wala siyang karapatang apihin ka. At para malaman rin niya na dapat ka lang niyang kainggitan. Why? Kasi, sa kabila ng maraming bagay na kulang sa buhay mo noon, nangibabaw pa rin ang kagandahan mo inside and out, kaya mas gusto ka ng mga tao noon sa paligid n'yo kaysa sa kanya. At walang nagbago sa kagandahang iyon ngayon, Ney. That's why you're easy to love."

Ilang segundo siyang napatitig lang rito. Alam na alam talaga nito kung paano pagagaanin ang loob niya. "Thank you, Ben ah," Bakit nga ba hindi ka na lang naging straight?

Ngumiti si Ben, ginagap ang kamay niya. "Ang lamig ng kamay mo," komento nito at hinigpitan ang hawak sa palad niya. "Baka makahalata si Ybeth, sige ka. Relax, okay?" ikinulong nito sa malaking kamay ang palad niya. Hindi niya napigilan ang sarili, humilig siya sa katawan nito.

"Huwag kang bibigay sa guwapo niyang boyfriend."

"Hindi ako titingin," napapangiting sabi nito. "Ikaw lang ang nag-eexist na tao para sa akin ngayong gabi."

"Sure 'yan, ha?"

"Sure."

"Kahit makita mo si Rajed?"

"Wala si Raj do'n," napapangiting sabi nito, kumislap na naman ang mga mata. Ang pangalan talaga ni Rajed ang magic word para rito. Pinigil niyang umungol nang malakas. Naiinis si Honey sa sarili na pakiramdam niya ay nagseselos siya sa lalaking iyon.

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now