3. Benito Benette

4.1K 128 0
                                    

BUMALIKWAS ng bangon si Honey. Nasapo niya ang kanyang dibdib. Hindi pantay ang kanyang paghinga at ramdam niya ang pamumuo ng pawis sa gilid ng noo at sentido. Dinalaw na naman siya ng pamilyar na bangungot. Malalim talaga ang takot na itinatak ng hayup na iyon sa isip niya, kaya kahit ngayong wala na siya sa bahay nila at halos tatlong taon na siyang namumuhay ng tahimik sa piling ni Mamu Pauline, dinadalaw pa rin siya ng bangungot na tinatakasan niya—lalo na kapag nakatulog siyang hindi payapa ang kalooban. Ilang araw na kasi siyang nag-aalala dahil sa pagkaka-ospital ng kanyang Mamu Pauline. Na-dengue ito. Alalang-alala siya lalo na nang kinailangan na nitong salinan ng dugo. Siguro ay na-stuck sa subconscious mind niya ang mga negatibong isipin kaya kahit ngayong maayos na ang Mamu niya at nakalabas na ng ospital ay hindi pa rin tahimik ang kalooban niya. At ang resulta, hayun, masamang panaginip.

Napatingin siya sa pinto nang sumalya pabukas iyon.

"'Ney?" nag-aalalang pumasok si Benito, na nagiging Benette pagsapit ng gabi— ang mapagpanggap niyang kaibigan na halos apat na buwan na niyang kasama sa apartment. Kaibigan ni Mamu Pauline ang may-ari ng one bedroom house na iyon na ten minutes away lang sa pinapasukan niyang university. Nang malipat sa pangalan ni Mamu ang bahay na hinuhulugan nito sa Cavite ay nagpasya itong doon na manatili. Inilipat rin nito ang parlor. Siya ay naiwan sa Maynila dahil sa pag-aaral niya. Tuwing weekends at holiday ay umuuwi siya sa Cavite.

Si Benito ay isang irregular student na naging ka-klase niya sa dalawang subject noong isang taon, sa second semester ng sophomore year niya. Kaagad silang nagkalapit nang ibunyag nito sa kanya ang sekretong pinaka-iingatan—na bading ito. Panatag siya sa mga katulad ni Mamu Pauline kaya pinagkatiwalaan niya agad ito. Nagkalapit sila at naging mabuting magkaibigan. Ngayong unang semester ng junior year niya ay sa dalawang subject pa rin na magkaklase sila, sa magkaibang araw nga lang.

Kaya naman, natuwa si Honey nang lumapit si Benito sa kanya at humingi ng tulong. Nakaaway raw nito ang magba-barkadang itinuturing na bad boys sa dormitoryo nito. Nagpatulong ito sa kanya na maghanap ng bagong matutuluyan. Ano ba naman ang laban ng machong bading sa tropa ng mga bad boys?

Inalok ni Honey ang apartment niya. Ipinagpaalam niya iyon kay Mamu at nang pumayag ang ina-amahan niya, naglatag siya ng mga kondisyon niya kay Ben—hati sila sa lahat ng nasa bahay, ganoon din sa mga bayarin.

Pumayag ang bading. Kaya sa ikalawang buwan ng semester ay magkasama na sila sa bahay.

Sa paningin ng lahat ay straight ito, base na rin sa guwapong mukha, magandang posture at well defined na mga muscles na nasa mga tamang lugar. Bronze-skinned ito, long haired na laging nakatali sa likuran, pero ang sa tingin niyang mas pansinin sa mukha nito ay ang magandang mga labi na parang laging nakataas ang sulok, at ang mga mata.

Lumapit ito ng diretso sa kama niya, pinagmasdan siya ng ilang segundo bago huminga nang malalim. "Sumigaw ka na naman," umangat ang palad nito at maingat na tinuyo ang namuong pawis niya. Alam niyang nahulaan na nito ang laman ng panaginip niya.

Hindi umimik si Honey, isinubsob lang ang noo sa balikat nito. Awtomatikong naramdaman niya ang paghagod ni Benito sa likod niya. Itinaas niya ang mga braso at yumapos sa leeg nito. Gumanti ito ng yakap hanggang sinakop siya ng init na nagmumula sa katawan nito. Ilang segundo lang ay kumalma na ang pintig ng puso niya. Hindi na siya natatakot. Bumalik na rin sa normal ang kanyang paghinga.

Sa mga nakalipas na buwan na magkasama sila ay ito na ang naging sandalan niya emotionally. Si Benito ang sumasalo sa lahat ng mga sentiments niya kapag naglalabas siya ng saloobin, at ito ang nakapagbibigay sa kanya ng comfort na kailangang-kailangan niya, tulad ng Mamu Pauline niya noong mga unang araw niya sa poder nito. Noong isang siyang teenager na pilit tinatakbuhan ang isang bangungot. Naikuwento na niya kay Ben lahat ng tungkol sa kanya, kaya naman, alam na alam na nito kung paano siya ita-trato at pakikisamahan. Sobrang ipinagpapasalamat ni Honey na naging kaibigan niya ito.

Naalala niya ang una nilang pagtatagpo.

June six, unang araw ng pasukan, at unang araw niya rin bilang sophomore. Academic scholar siya at ang daily allowance niya naman at iba pang gastusin ay mula sa bulsa ni Mamu at sa kinikita niya sa parlor nito bilang all around assistant—taga shampoo, taga-plantsa ng buhok, taga-bili ng supplies at pagkain, at tagalinis ng buong parlor—tuwing weekend at holidays. Kaibigan niya ang lahat ng bading na nagtatrabaho sa parlor. May magaan ang loob niya sa mga ito, siguro dahil naging napakabuti sa kanya ni Mamu Pauline, kaya naman lahat ng tulad nito ay magaan na rin ang loob niya. Babae at bading lang ang tinatanggap niyang mga kaibigan. Lahat ng lalaki sa paligid niya hindi gusto ni Honey kaya iniiwasan niya.

Naramdaman niya ang pagtahimik ng mga nag-iingay na niyang ka-klase habang excited ang lahat sa una nilang subject nang araw na iyon. Siya ay pumuwesto sa likurang upuan, sa pinakasulok. Nasa unahan halos ang mga babae niyang ka-klase, nagkukumpulan ang mga ito at malakas ang kuwentuhan. Ang ilan naman ay abalang nakikipag-flirt sa mga bagong kakilalang mga lalaking ka-klase nila. Wala siyang pakialam sa mga ito. Nag-focus siya sa notebook, nakasulat doon ang class schedule niya sa araw na iyon.

Natigilan si Honey nang masamyo niya ang isang mabangong scent ng perfume. Hindi niya napigilang mag-angat ng tingin at hanapin ang pinagmulan niyon—ang matangkad at malaking lalaki pala na naupo sa bakanteng upuan sa tabi niya. Naka-tali ang mahabang buhok nito. Bronze skinned ito pero makinis at pino ang balat. May lima pa namang bakanteng upuan sa kaliwa, sa likuran ng mga sexy niyang kaklase, bakit kaya sa tabi pa niya naupo ang lalaking ito?

Tila naramdaman nito ang pagmamasid niya. Kaswal na bumaling ito sa kanya. Segundong naghinang ang mga mata nila. Hindi alam ni Honey kung bakit hindi niya kaagad nagawang bawiin ang tingin, napatitig lang siya sa mga mata nito.

At tinitingan din siya ng lalaki!

"Hi," basag nito sa katahimikan na nagpaawang sa mga labi niya. Nagulat siya sa malanding boses nito. Hindi lubos maisip ni Honey na ang malaking lalaking ito ay... "I'm Benette," pabulong na sabi nito sa kanya, na para bang ayaw iyong iparinig sa iba. "Please call me Ben," pati ngiti nito ay malandi. Pero pumormal rin ito at tumikhim. "My real name si Benito and I hate it. Ang chaka!"

Hindi niya napigilan ang paghulagpos ng tawa. Gusto na niya ito. Gusto niyang maging kaibigan ang bading na matangkad, na sa tingin niya ay pinagtatakpan ang totoong pagkatao sa pamamagitan ng machong image.

"Secret ba si Benette?"

Inilapit nito ang mukha sa kanya at bumulong sa tainga niya. "Malupit na secret, lola, kaya umayos ka! Bubunutin ko ang dila mo kapag dumaldal ka!"

Napabungisngis na tumango siya. "Okay," inilahad niya ang kamay niya. "Honey Lyn Abelardo. Honey sa lahat."

Tumikhim ito. Nang magsalita ay lalaking lalaki na ang boses. "Benito Villaguerre," sabi nito sa buong-buong boses, inabot nito ang kamay niya. "Benette Medel sa gabi," saka ito bumungisngis rin. "Nagpe-perform ako sa Mystic bar every Tuesday and Sunday,"

"Kapatid mo si Aya Medel?"

"Magka-size kami ng dibdib, loka!"

Napahagalpak siya ng tawa. Inirapan siya nito. "Grabeh kah, konting poise naman sa pagtawa," at nag-demonstrate pa ito kung paano raw dapat tumawa ang dalagang Pilipina. Lalo siyang natawa.

Inilapit niya ang sarili niya rito at bumulong siya. "Nakatingin ang mga girls sa 'yo, nakahalata na 'ata sila."

Tumikhim ito at biglang umayos ng upo. Sumandal sa back rest ng upuan at nag-chest out. Tutop ang bibig na natawa siya. Alam na niya sa sariling magiging malapit silang magkaibigan...

"Thanks, Ben," usal niya, nakakapit pa rin siya sa braso nito habang iginigiya siya nito pahiga. Inayos nito ang unan at maingat siyang itinulak pahiga.

"Bumalik ka na sa pagtulog—"

"Dito ka muna..."

Tulad ng madalas mangyari kapag nanaginip siya at nakiusap siyang huwag iwan, tahimik na umupo si Benita sa may ulunan niya at hinagod-hagod ang kanyang buhok. "Dito lang ako hanggang makatulog ka."

Ginagap niya ang malayang kamay nito at mahigpit na hinawakan. Saka lang siya naging panatag na ipikit ang mga mata. Ang init mula sa mga palad nito ang katibayan na hindi siya mag-isa. Na binabantayan siya nito kaya maari siyang matulog na payapa.

Ang haplos ni Benito sa buhok niya ang huling rumehistro sa isip ni Honey bago siya nakatulog.

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now