6. Chicken Barbeque at Ikaw

2.8K 134 5
                                    

ANG dapat na alas singko ng hapon na balik ni Honey sa apartment nila ni Ben ay naging ala-una ng hapon. Napansin ni Mamu Pauline na hindi siya mapakali, tingin siya ng tingin sa wristwatch. Napapailing na itinaboy na siya nito na bumalik ng Maynila matapos itanong kung may naiwan ba raw siyang hindi tapos na activities o kaya assignments. Halatang hindi daw siya matahimik. Sinang-ayunan na lang niya ang hinala nito. Nangako si Honey na uuwi sa holiday sa susunod na linggo.

At na-realize niyang excited siyang makauwi sa apartment. Gusto na agad niyang makita si Ben, sa hindi niya maintindihang dahilan.
Ano kaya ang ginagawa nito?
Ilang araw niyang makakasama ang kaibigan bago ang holidays. Napangiti siya. Sa buong oras na nasa biyahe, si Ben ang iniisip ni Honey.

Nasa pinto na siya ng apartment nila at naipasok na sa keyhole ang susi nang ma-realize ni Honey na mali yata na nami-miss niya ang bading. Pero sa huli, naisip rin niya na walang masama sa nararamdaman. Magkaibigan sila at nasanay siyang kasama si Ben. Natural lang na ma-miss niya, 'di ba?

Huminga siya nang malalim at itinuloy ang pagpasok sa apartment—na nadatnan niyang tahimik sa loob.

Nasaan si Ben? Mag-aalas tres na, ang sabi nito ay hihintayin siya ng alas singko. Bakit wala ito roon?

Sumilip siya sa kusina at tumuloy sa banyo--wala rin. Nakakunot-noong pumasok si Honey sa mismong silid niya—doon niya naabutan ang kaibigan. Nakaupo si Ben sa sahig, nakasandal sa gilid ng kama habang yakap ang unan niya.

Tulog na tulog...

Ano ang ginagawa nito roon at yakap pa ang unan niya? Kung gumawa ito ng assignments at naroon dahil pinakialaman ang mga notebooks at libro niya, hindi ba dapat nakakalat ang mga iyon sa kama o kaya ay sa sahig? Pero bakit walang kahit anong bakas na gumawa ito ng assignments nila kaya naroon?

Kung pumasok naman si Ben para makitulog, dapat ay nakahiga ito sa kama niya, pero hindi. Nasa sahig lang at nakasandal sa gilid ng kama.

Sa marahang kilos ay lumapit si Honey, niyuko si Ben. Natukso siyang titigan ang mukha nito. Ang guwapo talaga...

Ang guwapo nito para maging bading!

Kung hindi pa marahang dumilat si Ben, hindi mare-realize ni Honey na nahaplos niya ang mukha nito. Ilang segundo siyang natigilan bago naisip na pisilin na lang ang ilong nito—iyon ang ginagawa niya kapag ginigising si Ben. Ngumiti agad ang bading bago lumipat sa kanya ang tingin. Naghinang ang mga mata nila. Pumintig na naman ng malakas ang puso niya.
Napalunok si Honey. Bakit ba may ganoong epekto sa kanya ang mga mata nito?

"Ney..." paos pang sabi ni Ben, sa usual 'Benito voice' nito "Ang aga mo ah?" Umalis ito sa pagkakasandal sa kama niya, sinuklay ng mga daliri ang mahabang buhok bago ibinalik sa kama ang unan. "Nakatulog ako," dugtong nito. "Pakikialaman ko dapat ang mga gamit mo, may kailangan akong notes eh."

"Saan? Ano'ng topic?" inilapag ni Honey ang mga dala at siya na ang kumuha ng bag. "O hanapin mo na lang diyan," sabi niya matapos ilapag sa kama ang kanyang bag. "May pasalubong ako sa 'yo."

"Buko pie?" nakangiting hula ni Ben.

"Saging. Mahilig ka sa saging 'di ba?"

Bumunghalit ito ng tawa kaya napamaang siya.

"Bakit?" nagtatakang tanong ni Honey. Nagpatuloy ito sa pagtawa. Kumunot na ang noo niya. "Ano'ng nakakatawa sa saging—" natigilan siya at napatingin uli rito. Ang ngisi ng bading ang nagpatunay na tama ang iniisip niya. "Lokang ito!" binatukan niya ito. Uulitin pa sana ni Honey pero hinawakan na ni Ben ang bisig niya at hinila siya. Napaupo siya sa mga hita nito. Bago pa man siya nakabawi sa impact ay nayakap na siya nito at pabigla siyang binuhat. Ibinagsak siya ni Ben sa kama bago ito nagmamadaling lumabas ng silid habang tumatawa pa rin. Hinabol niya ito pero nailapat kaagad ang pinto, pinigilang mabuksan niya.

"Ben!" sigaw niya at kinalabog ang pinto. Mayamaya lang ay hinayaan na nitong mabuksan niya ang pinto. Hindi na tumatawa. Nakasandal na lang sa dingding at nakatingin sa kanya. Si Honey naman ang nagka-problema. Kapag ganoong seryoso na ang ekspresyon nito at tinitigan siya, hindi na siya komportable. Natutuliro siya sa hindi niya maintindihang dahilan.

"Ano'ng gusto mong dinner?" banayad na tanong ni Ben, hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa mga mata niya. Bago pa ito makahalata sa nangyayari sa kanya ay naisip ni Honey na daanin na lang sa biro ang pagkalarma ng mga cells niya sa titig nito.

"Saging?" aniya at bumungisngis, epektibo iyon dahil tumawa na naman ito. Ilang segundong tumitig lang din siya. Mayamaya ay napabuntong-hininga si Honey. "Nakakainis ka, Ben."

Natigilan ito. "Why?"

"Kapag hindi kita kasama, nami-miss ko 'yan, 'yang mga kalokohan mo." Hindi na niya napigil ang sariling sabihin.

Lumapad ang ngiti ni Ben. Ang inaasahan niya ay aasarin siya nito o kaya ay maglilitanya kung gaano nandidiri sa ideya na baka may namumuo na siyang feelings. Kaya naman nagulat si Honey nang ngumiti lang ito bago siya hinila palapit. Hindi na nagsalita. Magaan lang na pinisil ang kaliwang pisngi niya. Napayakap siya rito.

Awtomatikong tinanggap ni Ben ang yakap niya na para bang inaasahan na nito iyon. Ilang segundo silang nagyakap. Hinayaan lang siya nito, na para bang hinihintay na siya ang kusang bumitaw, na ginawa nga ni Honey mayamaya.
"Okay na? Hindi mo na ako nami-miss?" tanong nito pagkatapos niyang dumistansiya. Sinilip pa ang mukha niya, tumungo kasi siya at umiwas na ng tingin. Pinagtakpan na lang ni Honey ang pagkaasiwa sa pamamagitan ng pagtawa. "Hindi na. Magluto ka na!"

"Okay. Tuna na lang tayo, Ney. Wala na tayong food supplies. Tuna at noodles na lang ang natira."

Tumango siya at tinalikuran na si Ben.

"'Ney?"

Napalingon siya. "Hmn?"

"Gusto mo ba ng chicken barbeque? Pa-deliver tayo, okay ang kita kagabi." Nakangiting si Ben. Na-touch siya. Alam nito na paborito niya ang chicken barbeque. "Tuna na lang. Tipid."

"Nahiya ka pa!" bulalas nito sa malanding boses. "Huwag ka nang mahiya, wala ka naman no'n eh!" saka tumawa.

Inirapan niya ang bading. "Sige. chicken barbeque na," saka siya bumungisngis.

Magaang tumawa si Ben, naglabas ng cell phone para umorder. "Tatawagin na lang kita 'pag ready na ang foods, Ney."

"Thanks!"

Tumango ito at itinapat na sa tainga ang cell phone. Pumasok na si Honey sa silid niya at nag-ayos ng mga gamit sa school at uniform.

Walang isang oras, kinatok na siya ni Ben. "Dinner na tayo, 'Ney!" malakas na sabi nito mula sa labas ng pinto. Nakangiting lumabas siya ng silid. Wala na si Ben kaya dumiretso na siya sa maliit nilang kitchen. Nakahanda ang mesa pagdating niya. "Lady's first kaya ako muna," sabi nito saka bumungisngis. Nauna nga na kumuha ng chicken pero hindi para sa sarili kundi para sa kanya. Hindi na siya nagulat. Ganoon na talaga ito mula nang una niyang nakilala, laging siya ang inuuna kaysa ang sarili. Kaya nga natatakpan ng kabutihan nito ang mga kapintasan at kakulangan.

"Bakit ang bait mo, Benette?"

"Kasi mahal kita," nakapilantik ang mga daliri na kumagat ito sa chicken leg na hawak.

Ngiting-ngiting pinisil niya ang ilong nito.

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now