Buong tapang na binitawan ni Finn Doria ang mga salitang ito na para bang hindi siya natatakot kay Sect Master Morgan. Gayunman, maaaring kaya niya itong labanan kung sakaling gumawa ito ng kasamaan pero malaki ang gulong dulot nito sa teritoryo ng Azure Wood Family.

Nagmula ito sa kalabang kaharian kaya naman hindi malabong patayin nito ang bawat Adventurer na naninirahan sa Azure Wood Family. Hindi naman maaaring hayaan ni Finn Doria ito kaya naman handa siyang labanan si Sect Master Morgan hanggang huli. Sa tulong ng kaniyang Epic Armament siguradong makakayanan niyang labanan si Sect Master Morgan. Ang kaniyang antas ay nasa 2nd Level Sky Rank na ngunit ang kabuuang lakas niya naman ay maikukumpara sa isang ordinaryong 5th Level Sky Rank.

Ngumiti naman si Sect Master Morgan sa matapang na pahayag ng binata. Makahulugan niya itong pinukulan ng tingin na para bang mayroon siyang iniisip. Hindi pa rin siya umaalis sa kaniyang kinatatayuan habang naghaharapan pa rin silang dalawa ni Finn Doria.

"Sa pagkakaalam ko, hindi ka totoong miyembro ng Azure Wood Family at ang iyong katauhan ay hindi pa rin malinaw para sa lahat. Ibig sabihin, hindi mo kailangang mangamba para sa maliit na angkang ito. Isa pa, sabihin mo, sinong makakapigil sa akin na pasukin ang angkang ito? Mayroon lamang dalawang Profound Rank ang nakabantay at ang katulad nila ay hindi karapat-dapat na bigyang pansin. Kayang-kaya ko silang patayin kung gugustuhin ko pero dahil ayokong marumihan ang aking mga kamay, mas pinili ko na lang na kalimutan ang mga mahihinang 'yon." Nakangiting tugon ni Sect Master Morgan.

Punong-puno ng panghahamak ang tono ng pananalita ni Sect Master Morgan sa tuwing babanggitin niya ang pangalan ng angkang kinabibilangan ni Finn Doria. Malinaw naman na minamaliit niya ang angkang ito at ang tingin niya sa mga miyembro nito ay mga insekto.

Dahil sa pananalitang ito ni Sect Master Morgan, mas lalong naging malinaw kay Finn Doria na wala itong magandang intensyon sa panghihimasok sa kanilang angkan na Azure Wood Family. Nararamdaman niyang mayroong masamang pakay ito rito kaya naman hindi mapigilan ng binata ang hindi mangamba para sa kaligtasan ng kaniyang Azure Wood Family.

"Kailangan mong maging maingat sa iyong pananalita. Ang iyong hinahamak na angkan ay ang angkang kinalakihan ko. Kung wala kang magandang intensyon sa aming teritoryo, ipinapayo kong lisanin mo na ang lugar na ito." Mariing wika naman ni Finn Doria.

"Humihingi ako ng paumanhin kung hinamak ko ang iyong angkan." Nakangiting tugon ni Sect Master Morgan. Mas lalo pang lumapad ang kaniyang ngiti at muling nagwika, "Gayunman, nagsasabi lang ako ng katotohanan. Ang angkan na ito ay isa lamang maliit na angkan. Maliban sa'yo, lahat na ng mga naninirahan dito ay mga basura."

"Finn Doria, bilang nagtataglay ng maalamat na Blue-Green Alchemy Flame at nang pambihirang talento, hindi ka nababagay sa angkan na 'to, sa walang kwentang kaharian na 'to. Imbes na pahalagahan ka nila, hindi ba't wala silang tigil kung hindi ang pahirapan at ipitin ka? Hindi sila karapat-dapat upang iyong paglingkuran. Ang dapat sa kagaya mo a-"

"Paglingkuran ang Crimson Blood Kingdom, tama ba?" putol ni Finn Doria kay Sect Master Morgan. Suminghal ang binata at malamig siyang nagwika, "Masyadong mataas ang tingin niyo sa inyong sarili kung gayon. Kahit na hindi naging maganda ang pagtrato ng kahariang ito sa akin at sa aking angkan, hindi naman nila hahayaang mabalewala lamang ang aking kinikilalang angkan. Ito na ang tahanan ko at ang kahariang ito ang kinabibilangan ko. Narito ang aking mga kaibigan at kahit anong gawin mo, hindi mo ako maaakit na umanib sa inyo. Paulit-ulit mong minamaliit ang aming Azure Wood Family at dito pa lang, kinamumuhian ko na agad ang katulad mo."

Walang tigil na nagsalita si Finn Doria ng maaanghang na salita laban kay Sect Master Morgan sa Crimson Blood Kingdom. Isa sa pinaka-ayaw niya sa lahat ay ang hinahamak siya o ang kaniyang kinabibilangang angkan kaya naman hindi niya mapigilang hindi magalit ng lubusan.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now