"Hmph. Sa oras na tumaas ang aking antas ng lakas, tingnan ko lang kung maliit at kahamak-hamak pa rin ang tingin mo sa akin." Singhal ni Finn Doria.

Nang makita ng binata na wala man lamang reaksyon ang munting nilalang sa kaniyang mga binitawang salita, mas lalo siyang napasimangot. Determinado na siya. Ipapakita niya sa hambog na si Munting Black na hindi siya nito dapat maliitin. Ipapakita niya kay Munting Black na hindi lang dapat balewalain ang talentong mayroon siya.

Matapos bigyan ng binata ng matalim na tingin ang nakapikit na munting nilalang, tumalikod na rin siya at naghanap ng bakante at tahimik na espasyo. Hindi siya lumayo kay Munting Black dahil nais niyang ipakita rito ang unti-unting pagtaas ng kaniyang antas ng lakas. Gusto niyang ipagmalaki na hindi lamang siya isang karaniwang Adventurer.

Matapos pumili ng madamong pwesto, kumalma si Finn Doria at tahimik na umupo. Tiningnan niya muli si Munting Black ngunit muli na naman siyang napasimangot nang mapansin niyang hindi man lamang ito namulat upang siya ay tingnan.

Upang mawala na ang negatibong ekspresyon ng binata, pinilit niyang ilayo ang kaniyang atensyon kay Munting Black. Itinuon niya na lamang ang kaniyang buong atensyon sa nalalapit niyang pag-angat ng antas ng lakas.

Mabilis na naging kalmado at payapa ang ekspresyon ni Finn Doria. Mula sa dating namumulang mukha dahil sa matinding inis, nanumbalik na ito sa kaniyang totoong kulay.

Huminga nang malalim si Finn Doria at marahang hinawakan ang kaniyang pansariling interspatial ring. At sa isang iglap lang, isang maliit na bote na naglalaman ng Excellent Sky Pill ang agad na lumitaw sa kaniyang kanang kamay. Maingat niya itong binuksan at hinayaang muling kumalat ang napakatapang na amoy nito sa paligid.

Muling bumakas ang pananabik sa kaniyang mukha nang ihulog niya sa kaniyang palad ang munting lilang bilog na bagay. Muli niyang pinag-aralan kung ito nga ba ang Excellent Sky Pill. Hindi naman siya nabigo dahil tama ng kaniyang hinala noong unang naamoy niya pa lamang ito.

Matapos ang sandaling pag-aaral, huminga muli ng malalim si Finn Doria. Dahan-dahan niyang inilagay sa loob ng kaniyang bibig ang Excellent Sky Pill. At dahil maliit lamang ito, madali lang para sa kaniya ang lunukin ito ng buo.

Nang makapasok na ito sa kaniyang lalamunan papunta sa kaniyang sikmura, naramdaman na lamang ng binata na bigla na lamang natunaw ang Tier 9 Pill sa loob ng kaniyang tiyan. Naramdaman niya rin ang biglaang enerhiyang bumalot sa kaniyang tiyan na para bang sasabog ito anumang oras mula ngayon.

Hindi naman nataranta si Finn Doria, sa halip, ipinikit niya ang kaniyang mga mata at gamit ang kaniyang mga soulforce pathway, agad niyang hinigop ang makapal na enerhiya at hinayaang dumaloy sa kaniyang buong katawan patungo sa kaniyang soulforce coil.

Napakabagal nang pagdaloy nito sa kaniyang katawan ngunit maayos naman at hindi magulo ito kung dumaloy papunta sa kaniyang soulforce coil. Habang tumatagal ang oras, unti-unting nakararamdam ang binata ng kagaangan at sarap sa pakiramdam.

Pakiramdam niya ay gumagaan ang kaniyang katawan at nalilinis ang kaniyang mga kalamnan. Mas nagiging payapa rin ang kaniyang isipan habang tumatagal ang kaniyang unti-unting paghigop sa enerhiya ng Excellent Sky Pill.

Matapos ang ilang oras na pagmumuni-muni, bigla na lamang iminulat ng binata ang kaniyang mga mata. Mapapansing walang bakas ng kasiyahan ang makikita sa kaniyang mukha. Bagkus, mapapansing nakasimangot pa ang binata.

"Kaunti lang ang nagawang pagbabago ng Excellent Sky Pill sa aking lakas... Paanong ganito lamang ang epekto nito...?" naguguluhang tanong ni Finn Doria sa kaniyang sarili.

Matagumpay niyang nahigop at nadala sa kaniyang Soulforce Coil ang lahat ng enerhiyang nilalaman ng Excellent Sky Pill, Gayunpaman, hindi pa rin nakararamdam ang binata nang malaking pagbabago o senyales ng kaniyang pag-angat ng antas ng lakas.

Legend of Divine God [Vol 4: Fate]Where stories live. Discover now