CHAPTER EIGHT

14K 163 2
                                    


WALA naman talaga lakad si Kiel. Sinadya niyang mauna nang umalis at iniwan si Olive kasama nina Jopet.  Gayonman,  binabagabag siya ng ideyang uuwi ang dalaga na mag-isa. Sobra siyang nag-aalala. Ngunit tiniis niya. Dahil  gusto niyang  makawala sa animo ay kababalaghang lumukob sa kanya dulot ng pagsasayaw kanina ni Olive. Dumeretso siya ng uwi ng bahay, nag-shower at nagmukmok sa kuwarto. 

Nag-off ng cell phone si Kiel. Sinubukan niyang malibang ang sarili sa paglalaro ng games.  Ngunit hindi naman siya makapag-concentrate sa nilalaro niyang "Days Gone" sa PS4. Pilit na sumisingit sa isip  niya si Olive. Palibhasa ay  magaling din itong maglaro. Iniwan niya ang PS4 at nagsalang siya ng CD, compilation iyon ng rock music at saka siya pumuwesto sa harap ng kanyang drum. Mayamaya pa ay pumailanglang ang makabasag-tengang hataw niya sa drum habang sinasabayan ang tugtog. Kahit naka-on ang aircon ay ginitian siya ng pawis. Mahigit kalahating oras din siyang nag-drum bago tumigil. Uminom lang siya ng tubig sa kitchen at balik na uli sa kanyang kuwarto.

Hindi mapakali si Kiel. Palakad-lakad siya. Naroong lalapit siya sa may bintana at tila may nais siyang tanawin doon. Hindi niya alam kung ano talaga ang gustong gawin. Sunod-sunod ang kanyang paghinga nang malalim. Naiisip niya si Olive. Nag-aalala siya na uuwi itong mag-isa.

"Damn!"

Binuksan ni Kiel ang laptop. Gusto niya ng kausap. Tamang-tama online ang kanyang Ate Aya sa Skype. As usual busy ang parents nila sa pagma-manage ng bar nang kumustahin niya sa kapatid.

"Malapit na ang summer vacation, kiddo. Ikaw na lang uli ang bibisita rito, ha?"

"Titingnan ko."

Humaba ang nguso ng tsinita ring si Aya. "Oh, come on, kiddo. Give yourself a break. Alam ko naman na lagi mong inaalala 'yang extended family mo," tukoy nito kina Jopet. "Oh, by the way, how's Olive?"

"She's okay..." matabang na sagot ni Kiel. At ikinuwento niya sa kapatid ang tungkol sa pagsali ng kanyang best friend sa isang beauty pageant ng kanilang school.

Natutuwa si Aya kay Olive. Mula nang maging kaibigan ni Kiel si Olive  ay lagi na niya itong ikinukuwento sa kapatid. Nakakausap din ni Aya si Olive. At ngayon ay  sinabi ni Aya na gusto nitong maka-chat si Olive para raw mabigyan nito ng tips. Palibhasa ay isa rin kasing certified hot chick sa school nito si Aya.

"No need na, Ane," sabi ni Kiel kay Aya. "Ane", ang nakasanayan niyang tawag sa kapatid, na ang ibig sabihin ay big sister. "Huwag mo nang bigyan ng tips ang lukring na iyon."

"Bakit naman?" Kahit matagal nang namamalagi sa Japan si Aya ay magaling pa ring magtagalog. Samantalang si Kiel ay hindi gaano nakakapagsalita ng nihonggo bagaman nakakaintindi siya.

"Baka lalong madagdagan ang kaartehan sa katawan."

Napahagikgik si Aya. "Hey, ganoon talaga kaming mga babae. And what's wrong with that? And wha't wrong with you, kiddo? Hmmm.. parang iba na yata—"

"I better go, Ane," mabilis na niyang putol sa sinasabi ng kapatid dahil nahimigang may nais itong usisain sa kanya. Patunay na ang kakaibang ngiti nito sa kanya na kitang-kita sa camera..

"No. No. Not yet," nandidilat na sawata ni Aya.

"Next time na lang uli, Ane. Kailangan kong magbawi ng sleep at may gig pa kami bukas."

"Sige na nga, magpahinga ka na. 'Love you, kiddo."

"'Love u, too. Give my kiss to mom and dad."

"Yeah, I will. Loko mo, ha! I can feel that you're hiding something," pahabol pa nitong sabi na may kasama pang pagtuturo ng isang darili, ngunit tinawanan  lang ni Kiel.

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon