Part 34

27.4K 683 10
                                    

MAGANG-MAGA na ang mga mata ni Lyn pero parang hindi pa rin nauubos ang mga luha niya. Dalawang araw na mula nang mailibing ang Lola niya. Ni hindi niya magawang kumain o kahit matulog man lang. Nakasalampak lang siya ng upo sa sofa, nakatitig sa kawalan. Sa ikatlong araw saka lang niya nagawang kumilos para magluto ng simpleng pagkain. Hindi na kasi niya kayang balewalain ang pagkalam ng sikmura niya. Pagkatapos nagawa na niyang pumasok sa kuwarto ni Lola. Kailangan niya kasi ayusin ang mga gamit nito.

Habang nililigpit niya ang mga damit nito at napapalibutan siya ng pamilyar na amoy nito naluha na naman siya. Nayakap niya ang mga damit nitong kinuha niya mula sa cabinet at ilalagay sana sa box. May naramdaman siyang kakaiba sa mga damit na 'yon. Parang may nakaipit. Suminghot siya at tiningnan kung ano 'yon. Natigilan si Lyn nang makita ang isang brown envelope. Parang maraming laman 'yon kasi nakaumbok.

Lumunok siya at binuksan 'yon. Inalis niya ang mga laman sa loob. Napaawang ang mga labi niya nang makita ang isang bank passbook. Nalula siya sa milyon-milyong halaga na nakalagay doon. Nasa pangalan nila ng kanyang lola ang bank account. Tiningnan niya ang mga papel na kasama 'non. Kontrata na patunay na binebenta ni Lola sa Barcenas Real Estate ang lupain nila. Bigla niyang naalala ang minsang may pinapirmahang papel si Benedict sa kaniya. Alam niyang galing 'yon sa bangko pero hindi niya masyadong binasa. Para pala sa joint account. Ang presyong nakalagay doon ay ang halaga rin na nasa passbook. Walang ginalaw ni singko ang Lola niya sa pera na 'yon.

Sumunod niyang tiningnan ang isa pang parang kontrata. Kumabog ang dibdib ni Lyn nang mabasa kung ano 'yon. Kontrata sa pagitan ni Lola at ni Benedict. Mga kondisyon para ibenta ang bundok.

May bumara sa lalamunan niya at para na naman siyang sinaksak. Naiyak siya pero para na sa ibang rason. Nakasulat doon na para makuha ni Benedict ang lupain nila kailangan siya nitong paibigin at pakasalan. Na hangga't nabubuhay si Lola ay hindi siya puwedeng hiwalayan ng lalaki. Na kapag ginawa nito 'yon may karapatan si Lola na bawiin ang lupain.

Iyon ang patunay na puro kasinungalingan ang lahat ng ipinakita sa kaniya ni Benedict noon. Na hindi totoong interesado ito sa kaniya. Kahit ang kasal nila ginawa lang nito para sa bundok nila. At ngayong wala na ang Lola niya, hindi na nakatali ang lalaki sa kontrata. Wala na itong rason para manatiling kasal sa kaniya.

Nagkaroon si Lyn ng matinding urge na magpunta sa bahay nila sa bundok. Gusto niyang makita ang lugar na kinalakihan niya kasama ang Lola niya. Baka sakaling panaginip lang pala ang lahat at kapag nagising siya normal pa rin ang buhay niya.

Pero kung talagang panaginip lang 'to, kapag nagising ka wala si Benedict. Hindi mo naranasan ma-in love. Kaya mo ba talaga na panaginip lang ang lahat ng nangyari sa nakaraang dalawang buwan?

Napahikbi siya at tumayo. Inilapag niya sa gilid ng kama ang mga damit ng kanyang Lola at ibabalik na rin sana sa envelope ang mga kontrata nang may mahulog mula roon. May isa pa palang nakalagay doon. Isang piraso ng yellow pad paper na nakatupi. Parang may sulat kamay sa loob. Tumalon ang puso ni Lyn at nanginginig ang kamay na kinuha 'yon.

Sulat ni Lola. Para sa kaniya at kay Benedict. May bumara sa lalamunan niya pero naglakas loob pa rin basahin 'yon.

Apo, kapag nabasa mo 'to malamang wala na ako. Umiyak ka at magluksa pero huwag mong tagalan. Mas gusto ko kapag nakangiti at masaya ka. Malamang rin alam mo na ang tungkol sa usapan namin ni Benedict. Magalit at masaktan ka pero huwag rin sana magtagal. Huwag lang siya ang sisihin mo kung pakiramdam mo naloko ka. Ako ang may kasalanan. Ako ang nagsimula.

Lyn, matagal ko nang alam na may sakit ako. Itinago ko lang sa'yo. Habang tumatagal lalo kong nararamdaman na kinakain ng sakit ang lakas ko. Matanda na ako at hindi naman takot mamatay. Pero mas takot akong iwan kang nag-iisa. Gusto ko kapag nawala ako alam kong nasa maayos na buhay ka. Na may taong magmamahal at mag-aalaga sa'yo na higit pa sa pagmamahal at pag-aarugang ibinigay ko sa'yo. Araw-araw kong dinadasal sa Diyos na makilala mo ang taong inilaan niya para sa'yo.

Nang araw na magpunta si Benedict sa bahay para makipagkita sa akin, ikaw agad ang una kong naisip. Pareho kayo ng hitsura noong bagong dating ka sa akin, apo. Mukhang ayos at walang problema sa unang tingin pero ang mga mata niyo malamig at puno ng kalungkutan. Alam ko sa isang tingin pa lang na kahit ganoon ang hitsura ng lalaking 'yon may mabigat siyang dinadala sa loob niya. Naawa ako sa kaniya. Pero sa isang banda ay nagkaroon ako ng pag-asa. Narito ang lalaking maaaring sagot sa mga dasal ko. Ang lalaking malabong hindi mahulog sa karisma at kabutihan ng apo ako. Kaya sinubok ko siya kung tatanggapin niya ang hamon ko para ibenta ang lupain natin.

Tuwang tuwa ako nang gawin niya ang kondisyon ko. Tuwang tuwa ako na nakita kong unti-unting nawala ang pait at kawalan ng pag-asa sa mukha mo, Lyn. Na nagkaroon ng kakaibang kislap ang mga mata mo. Na nagkaroon ng init ang ngiti mo. Masaya ako na natutunan mong umibig.

Nakita ko rin na nagbago si Benedict. Siguro baka hindi ka na maniwala ngayon, apo dahil nagsimula sa kasinungalingan ang lahat. Pero nakita ko ang unti-unting pagkahulog ng loob niya sa'yo. Nakita kong nawala ang pait sa mga mata niya at nagkaroon ng buhay. Nakita kong ang pilit niyang mga ngiti ay nagiging totoo na. Lyn, maniwala ka sa akin na mahal ninyo ang isa't isa. Kaya huwag mo siyang pakawalan. Huwag mong talikuran ang kaligayahan na mayroon kayo. Patawarin mo ako kung nilinlang kita. Pero nais kong malaman mo na hindi ako nagsisisi. Bakit ako magsisisi kung masayang masaya ang apo ko? Kung dahil sa ginawa ko at sa pagpayag niyang gawin ang kondisyon ko ay nagkakilala at nagka-ibigan kayo? Alam ko na 'yon ang totoo. Nakita ko sa mga mata niyo noong huli kayong dumalaw sa akin.

Masaya akong lilisanin ang mundong 'to kasi alam kong nasa maayos kang kalagayan.

Pareho kayo ng asawa mo. Mukhang malakas pero sensitibo talaga sa loob. Madaling masaktan. Magaling lang magtago at magkunwaring ayos lang. Ikaw ang higit na nakakakilala sa asawa mo. Alalahanin mo ang mga sandaling sa tingin mo nagpapakatotoo siya sa sarili niya, sa mga sandaling nakita mo ang sinseridad sa mga mata niya. Kung ayaw mo pa rin maniwala na totoo ang nararamdaman niya para sa'yo, pasyalan mo ang bahay natin sa bundok. Naroon ang sagot...

Napahikbi na naman si Lyn. Hindi na niya tinapos basahin ang sulat. Para na kay Benedict ang nasa ibaba 'non. Pinahid niya ang mga luha at mabilis na umalis ng kuwarto. Kinuha niya ang wallet at susi saka bitbit ang sulat na lumabas siya ng bahay.

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Where stories live. Discover now