Part 6

26.6K 657 6
                                    


Hindi talaga siya makapaniwala sa nangyayari. Magpoprotesta pa sana si Lyn pero napansin na niyang nasa kanila na ang atensiyon ng mga tao sa paligid. Mula sa mga tindera sa katabi niyang mga stall hanggang sa mga mamimili na parang lumapit lang para makiusyoso. Napahinga siya ng malalim at inalis ang tingin kay Benedict. Kapag nakipag-argumento pa siya hahaba ang usapan at mas matagal silang panonoorin ng mga tao sa paligid nila. Magkakaroon na naman ng dahilan ang mga kababayan niya para pag-usapan siya. "Bahala ka na nga," pamaktol na bulong niya. Nakita niya sa gilid ng mga mata niya na sumilay na naman ang munting ngiti sa mga labi ni Benedict pero hindi na nagsalita.

Ang nakakamangha, hindi na kinailangan ni Lyn magtawag ng mamimili para ipaubos ang mga paninda niya. Ilang sandali pa lang kasi matapos tumayo sa tabi niya ang binata may mga babae nang lumapit para bumili kuno ng gulay pero halata namang kay Benedict nakatitig. Nagsipag-sunuran ang mga usyosera at bumili sa kaniya para matitigan ng malapitan ang binata. Sa isang iglap naubos ang lahat ng paninda niya.

Tulalang napatingin siya kay Benedict na nagkibit balikat at kaswal na nagsalita, "Kailangan mo ba ng tulong sa pagliligpit dito? Tutulong ako para makaalis na tayo."

Kumurap si Lyn at sunod-sunod na umiling. "Kaya ko na. Sandali lang." Mabilis siyang nagligpit at lumabas ng stall. Sumunod ang binata. Nakatitig pa rin ang mga tao sa paligid nila kaya imbes na daanan silang lahat hanggang makarating sa entrada ng supermarket, tumalikod na lang siya at nagdesisyong sa likurang bukana na lang dumaan. Kahit pa mas malayo ang iikutan nila para sa sakayan ng tricycle kung doon sila lalabas.

"May sasakyan ako," sabi ni Benedict nang makalabas sila ng palengke.

Huminto sa paglalakad si Lyn, huminga ng malalim at mabilis na hinarap ang binata. "Ganoon ba? O 'di sige, pwede ka na sumakay sa kotse mo at umuwi. Okay na tayo. Sapat ng kabayaran na naubos ang paninda ko dahil lang nakatayo ka sa tabi ko. Paalam na."

Hindi tuminag sa pagkakatayo sa harap niya ang binata. "I still want to treat you to lunch."

Kumunot ang noo ni Lyn, nauubusan na ng pasensiya. "Bakit ba nagpupumilit kang ilibre ako ng tanghalian? Wala ka bang magawa sa araw na 'to? Wala ka bang trabaho? Nag-sorry ka na. Bakit nag-aaksaya ka pa ng oras sa akin?"

Tinitigan siya ni Benedict na sumeryoso ang ekspresyon. "Gusto mo talagang malaman?"

Medyo kinabahan siya sa tono nito pero matapang na tumango. Humakbang ito palapit sa kaniya at muntik na siya mapaatras pero napigilan niya ang sarili. Isang hakbang pa halos magkadikit na sila. Nahigit ni Lyn ang paghinga.

"Interesado ako sa iyo. I want to get to know you better."

Napatitig siya sa mukha ni Benedict. Hanggang hindi na niya napigilan pa ang sarili. Natawa siya. Malakas. Sumakit ang tiyan niya at naluha siya sa kakatawa pero hirap siya tumigil. Nang mahimasmasan siya at tumingala sa binata nakita niyang bakas ang pagkamangha at pagtataka sa mukha nito.

"Anong nakakatawa?"

Muntik na naman matawa si Lyn. "Ikaw ang nakakatawa."

"Bakit?" parang naiinsultong tanong na naman nito.

"Kasi kung anu-anong sinasabi mo. Ikaw interesado sa akin? Paano nangyari? Kalokohan mo, uy! Aalis na nga ako. Salamat sa joke. Bye." Tumalikod na si Lyn at mabilis na naglakad palayo. Naiiling siya hanggang sa makarating siya sa sakayan ng tricycle. Ilang minuto pa ang lumipas bago siya may napara at nakasakay.

Sampung minuto yata ang lumipas bago huminto ang tricycle ilang metro ang layo mula sa paanan ng lupain nila. Bumili na lang siya ng lutong ulam at kanin bago naglakad paakyat sa bundok. Nawala na siya sa mood magluto.

Huminga siya ng malalim nang matanaw na ang munti nilang bahay. Pagkatapos katulad ng dati pilit siyang ngumiti at pinasigla ang tinig nang sumigaw, "Lola! Nandito na po ako." Pumasok siya sa pinto at gulat na napahinto nang makitang nakaupo na ito sa harap ng lamesa nila na puno ng pagkain. At kasama ng Lola niyang nakadulog sa lamesa at parang hinihintay talaga siya ay walang iba kung hindi si Benedict.

"Lyn, halika na at kumain ng tanghalian," sabi ni Lola.

Kumurap siya. Naunahan pa siya makarating sa bahay nila! Kumunot ang noo niya at matalim na tiningnan si Benedict na nagkibit balikat at bahagyang ngumiti. "Sabi ko naman sa iyo may sasakyan ako. Natagalan ka pa tuloy makauwi. Sit down. Alam ko na gutom ka na."

Imbes na sagutin ang binata bumaling siya sa kanyang Lola. "Bakit nagpapasok kayo ng kung sino na wala ako? Paano kung masamang tao ang kumatok sa bahay natin?"

"Hindi siya masamang tao. Kilala ko siya," katwiran ng matandang babae.

Tumaas ang mga kilay niya. "Kilala niyo siya, paano?" Naningkit ang mga mata niya. "Sino ba talaga siya, Lola?"

"Basta mabuti siyang tao na nagmamagandang loob sa akin. Lumapit ka na nga rito at kumain bago pa lumamig ang binili niyang pagkain," utos ng matandang babae.

Si Benedict naman hinatak ang silya na katabi nito at nginitian siya. "Let's eat, Lyn."

Duda pa rin siya sa tunay na pagkatao ng binata. Mas lalo na sa ipinapakita nitong kabaitan at interes sa kanilang mag-Lola.

"Lyn, apo." May babala na sa boses ng matanda.

Marahas siyang bumuntong hininga at kahit mabigat sa loob niya naglakad siya palapit sa lamesa. Ayaw sana niyang maupo sa tabi ni Benedict kaso tatlo lang naman ang upuan nila roon at hawak pa rin nito ang sandalan ng nag-iisang bakante na sa kasamaang palad ay nasa tabi nito.

Kaya wala siyang nagawa kung hindi ang doon pumuwesto. Dahil nakapatong ang braso ng binata sa sandalan ng silya, naramdaman ni Lyn ang aksidenteng pagdampi ng braso nito sa likod niya nang umupo siya roon. Alam niya naramdaman din 'yon ng lalaki pero ang loko hindi agad inalis ang braso sa sandalan ng silya. Kung hindi pa niya ito tinapunan ng naniningkit na tingin hindi pa aayos ng upo.

Pero mukhang wala man lang bakas ng guilt ang mukha. Deretso pa ngang sinalubong nito ng titig ang matalim na tingin niya. Sumilay pa ang ngiti ni Benedict na kanina pa nito ipinupukol sa kaniya. Sinenyasan nito ang lamesa. "Kain na."

Bumaling si Lyn sa mga pagkaing nakahain. Mukhang galing ang mga 'yon sa isang chinese restaurant kasi may logo ang mga takip ng nakabukas na mga tupperware. Kanina pa niya naamoy ang mga 'yon at ngayong malapit na sa kaniya tuluyan nang kumalam ang sikmura niya. Gutom na gutom na siya kasi kape lang naman ang almusal niya kanina. Bukod sa hindi sila nakakatikim ng ganoon kasarap na mga pagkain kasi wala naman sila pambili. Nawala ang inis niya sa lalaking katabi niya. Kaya nang kumilos ito para maglagay ng plato sa harapan niya at simulan siyang ipaglagay ng mga pagkain hindi na siya nagreklamo. Natakam siya.

"Go on. Eat," malumanay na udyok ni Benedict. Parang may lambing pa nga ang boses na hindi niya mawari.

Hinawakan ni Lyn ang kutsara at tinidor. Saka sumandok at sumubo. Nahigit niya ang hininga at napapikit. Hindi niya napigilan ang mapaungol sa saya. "Hmm. 'Sarap!" Natigilan siya at napadilat kasi nabigla siya sa nasabi niya. Nanlalaki ang mga mata na napalingon siya kay Benedict.

Nakangiti ito. Hindi 'yong tipid na ngiti na kanina pa niya nakikita sa mga labi nito kung hindi mainit at totoong ngiti talaga. May kislap din ng pagkaaliw at pagsuyo ang mga mata ng binata. "I'm glad you liked it."

Muntik na siya mabilaukan. Hindi niya gusto ang biglang pagkabog ng dibdib niya dahil sa ngiti nito. Kaya mabilis siyang nag-iwas ng tingin at itinutok ang atensiyon sa pagkain.

Bachelor's Pad series book 10: THE WOLF'S SEDUCTION (Benedict Barcenas)Where stories live. Discover now