Chapter 1: EVIL UNITED

698 33 3
                                    

Taas-noong nakaupo sa trono si Kasanaya, abot-tenga ang ngiti sa nakikitang paghanga sa kanya ng mga pinuno ng mga angkang kasapi ng kanilang samahan. Ang kanyang puso ay lumulundag sa tuwa dahil kakaiba nga naman ang karisma ni diyosang Hanan kung sa kagandahan lang naman ang pag-uusapan. Dahil nasa kanya na ang mukhang iyon. Labis ang nadaramang kagalakan sa tuwing nakanganga ang mga kalalakiang umahanga sa kanyang kagandahan.

Napakatagal ng bilanggo si Hanan sa palasyo ni Kasanaya, minsan ay hindi nito naisip na simsimin ang kagandahang taglay ng diyosa. Hindi niya napansin kaagad dahil sa nasanay na siya sa paggamit sa mukha ni diyosang Bulan. Dahil sa paghanga sa kagandahan ng diyosa ay inakala niyang si diyosang Bulan na ang pinakamagandang diyosa sa buong Sanlibutan. Pero hindi pala. Ngayon lamang niya nadiskubre na si diyosang Hanan nga ang diyosa ng kagandahan sa Kalangitan, ngayon ay nasa kanya na ito at pag-aari na.

"Hindi na magtatagal ay tayo na ang magmamay-ari sa Sanlibutan! Sasakupin ang bawat kaharian at ang lahat ay yuyuko sa atin sa pamumuno ng ating napakagandang pinuno, walang iba kundi si Kasanaya, ang diyosa ng Sanlibutan!" ang malakas na sigaw ni Hadiong sa pinakaentablado ng Bulwagan ng PalacioLunar.

Naging masigabo ang ibinigay na palakpakan ng mga pinuno ng mga iba't-ibang angkan. Marami ang nagsigawan sa kagalakan dahil sa kanilang narinig mula kay Hadiong na may pinakamataas na posisyon sa lahat ng mga mandirigma ng Palacio Lunar.

Sa tabi ni Kasanaya ay nakatayo si Sitan, pilit ang mga ngiti at nagngingitngit sa galit dahil sa nakikitang atensiyon ng bagong Kasanaya sa mga mata ng mga pinuno ng iba't-ibang angkan ng mga anak ng buwan.

"...tuluyan ng bumagsak ang mundo ng mga tao. Unti-unting kinakain na ng delubyo ang kanilang mundo. Ngayon, ang Kalangitan ang ating dudurugin dahil marami na sa mga diyos at diyosa ang gustong umanib sa atin." ang pagpapatuloy ni Hadiong. Tumingin ito kay Kasanaya para bigyang hudyat sa kanyang pagsasalita sa kanilang pagpupulong.

Tumango si Kasanaya kay Hadiong at tumayo mula sa kinauupuang trono. Iginala niya ang mga mata sa mahigit isang libong mga lider ng mga iba't-ibang angkan ng mga anak ng buwan sa Sanlibutan. Napuno ng kasiyahan ang puso ni Kasanaya dahil sa nakitang suporta ng mga lider ng mga angkan sa kanyang hangarin. Hindi niya sila bibiguin dahil sa kanilang ipinapakitang suporta. Magiging madali para sa kanya na pamunuan ang Sanlibutan kahit pa hahadlang sa kanya si Odessa, ang babae sa propesiya. Matagal na niyang pinaghandaan si Odessa at alam niyang nababago kahit pa ang nakasulat sa mga propesiya ng mga babaylan at manggagaway. Tatalunin niya si Odessa at kukunin ang kapangyarihan nito at saka papatayin.

Tatlong makapangyarihang diyosa at isang makapangyarihang Manggagaway ang nananalaytay ngayon sa dugo ni Kasanaya at ang tanging kukumpleto nito ay ang dugo at kapangyarihan ni Odessa. Iyon na lamang sana ang tanging kailangan niya, kung hindi lang nakuha sa kanya ni diyosang Tala ang tungkod ni Bathala. Importanteng mapasakanya ang tungkod para magawa niya lahat ng gugustuhin bilang pinakamakapangyarihang nilalang na nabuhay sa Sanlibutan. Luluhod lahat sa kanya kahit na ang mga diyos at diyosa ng Kalangitan.

"Panginoong Kasanaya..." ang halos pabulong na tawag sa kanya ni Hadiong para makuha nito ang atensiyon ng tila nananaginip na gising na si Kasanaya. Natuon ang atensiyon nito sa punong tagapangasiwa sa kanyang palasyo.

"Ano?!" ang tila nainis na tanong ni Kasanaya kay Hadiong.

Tumingin si Hadiong sa mga pinuno ng mga anak ng buwan. "Kanina pa po sila naghihintay para marinig ang inyong mensahe." ang tugon ni Hadiong sa kanya.

Tumingin si Kasanaya sa mga leader saka ngumiti. Nakalimutan niya na siya na pala ang magbibigay mensahe at magpapaliwanag sa mga planong isinasagawa nila para lipulin ang buong Sanlibutan. Masyado siyang naging abala sa pagkasabik sa nalalapit na tagumpay. Halos lahat ng kaharian sa Sinukluban ay umaanib na sa kaniya, lahat ay luluhod at sasambahin siyang tulad sa isang makapangyarihang diyos. Labis siyang natutuwa sa tuwing pumapasok ito sa kanyang isipan at iyon ay abot-kamay na.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant