Hindi naman siya nagtatampo. Alam niya naman ang lugar niya. Sadyang nanghina lang siya the past few days dahil wala siyang maka-kwentuhan.

Narinig niyang bumuntong hininga si Jett. Inamoy nito ang tuktok ng buhok niya tsaka sumagot. "Sorry. Nagsabi naman ako sa 'yo, 'di ba? Na baka hindi talaga kita madalaw? Nagte-text din naman ako sa 'yo 'pag pwede." Hinalikan uli siya nito sa ulo.

Tumango naman siya. "Kaso isang beses ka lang nagte-text sa isang araw. Tapos kahapon buong araw kang walang text. Akala ko nga hindi na matutuloy pagkikita natin ngayon kasi 'di ka nagpapa-ramdam, e."

Sumiksik siya lalo sa dibdib nito. Niyakap naman siya nito sa leeg. Ang weird. Bakit feeling niya parang ang lungkot din talaga ng dating ni Jett ngayon.

"Tumawag naman ako kaninang umaga, 'di ba?" sabi nito.

"Oo nga. Pero bakit kahapon kahit 'good night' man lang 'di ka nagtext? Hindi ko tuloy alam kung anong oras ka natulog."

Ang tagal nitong sumagot, kaya tumingala na siya para tingnan ito.

Napansin na nitong naghihintay siya ng sagot pero ngumiti lang ito sa kanya nang mapait. Hindi talaga ito sumagot. Nagtanong na uli siya. "Bakit? May problema ba, Jett?"

Lumungkot ang itsura nito. "Sorry. Pumunta kasi 'ko kila Mama kahapon. Kaninang madaling araw lang ako nakabalik dito."

Agad siyang napabangon at umupo sa kama. "U-umuwi ka sa Antipolo? Ba't 'di mo kinwento sa 'kin?"

Saglit itong pumikit tapos bumangon na rin para maupo. Hinawakan siya nito sa kamay. "'Wag kang magtampo ah. Gusto ko kasi sana munang ayusin bago ko sabihin sa 'yo."

"Sabi ko na nga ba may problema eh. Ang tamlay mo kanina pa. Bakit? Ano bang nangyari? May hindi ka na naman sinasabi sa 'kin?"

Parang hirap itong sumagot. Napatulala na lang ito sa sahig. "Si Cielo kasi...may ginawa na namang kalokohan."

"A-anong ginawa niya?"

Bumuntong hininga ito. Ang lalim ng hugot. Mas lalo tuloy siyang kinabahan. Pakiramdam niya may masamang mangyayari.

"Jett? Ano?"

Isa pang buntong hininga ang pinakawalan nito bago tuluyang nakapag-salita. "Gumawa na naman siya ng kwento. Sinabi niya kila Mama na nag-propose na 'ko sa kanya at magpapakasal na kami pagka-graduate."

Pinanghinaan siya ng katawan.

Napatulala na lang din siya at hindi makapaniwala. "A-ano na bang nangyayari, Jett? Maghihiwalay na ba tayo? Eto na ba 'yung kinatatakutan ko?"

"Hindi." Pinisil nito ang kamay niya. "She's lying. Wala naman akong sinasabing pakakasalan ko siya pagka-graduate namin. Malamang sinabi niya lang 'yon para 'di ako makawala sa kanya." Bigla nitong hinilot ang ulo nito. "Tsk. Napasugod agad ako ng Antipolo pagkatawag na pagkatawag sa 'kin ni Mama no'ng Biyernes. Gusto niyang malaman kung nagsasabi ng totoo si Cielo, kasi masyado pa raw maaga para magpakasal...

...hindi ko pa uli naka-kausap si Cielo. Gusto ko siyang pagalitan pero 'di niya sinasagot mga tawag ko. Siguro alam na niyang nabuko ko na kalokohan niya."

Hindi pa rin siya tumitingin kay Jett. Sa totoo lang, namamanhid ang buong niyang katawan ngayon. Para na lang siyang biglang maiiyak sa sobrang lungkot.

"Ba't 'di mo agad sinabi sa 'kin?" tanong niya. "Kung hindi naman pala totoo ba't tinago mo na naman?"

"Hindi ko agad sinabi sa 'yo kasi ayokong mamroblema ka. Ayokong mag-isip ka lalo na't hindi kita mapupuntahan para makapag-paliwanag nang maayos. Pero iki-kwento ko naman talaga. Inayos ko lang muna."

Mending Fina [COMPLETED]Where stories live. Discover now