Chapter 23 (The red room)

2.1K 58 0
                                    

           SINIGURO ni Grisham na maaalalayan yung matanda sa pag-akyat ng hagdaan, nasa pinaka mataas na palapag sila ng mansyon at kasama nitong tumutulong si Kassandra. Isang maliwanag na hall ang bumungad sa kanila at sa dulo nito ay natatanaw nila ang isang pulang pinto. Marahan silang naglakad sa pasilyong nalalatagan ng abuhing carpet.

         Hindi niya mawari ang nararamdamang kaba lalo't alam niyang sa ilang hakbang pa'y makakadaupang palad na nito ang kanyang ama. Subalit may mga katanungan na namumuo sa kanyang isipan. Bakit gayun na lang ang nababanaag niyang pagkabahala ng kanyang lolo? Simula ng ungkatin niya ang katauhan ng kanyang ama ay tila ba iwas itong ikuwento ang lahat. Muli niyang sinulyapan si don Arseo habang humahakbang sila papalapit sa pulang pinto. Bakas ang hindi maipintang kalungkutan sa pagmumukha nito.

         Nang makalapit sa pintuan ay napansin niya ang puting markang simbolo sa harapan. Nalaman n'yang yari sa pilak ang bawat linyang bumubuo sa simbolong iyon. Ilang malalalim na hininga ang inilabas ng chairman, matapos ay nagpahiwatig na ito kay Grisham na kaya na nitong maglakad.

       “Kaya ko na, hija, salamat.” Sabi nito sa dalagang tila ayaw pang bumitiw sa braso.

        Pinagmasdan naman nito ang kanyang apo. Nakikita ng matanda na sabik na ito sa mga posibleng maganap sa loob ng kuwarto.

         Makailang beses niyang inayos ang kanyang buhok. Sana man lang ay nakapagsuot s'ya ng maayos-ayos na damit bago harapin ang kanyang ama. Natutulog ba 'to? May ginagawa bang trabaho sa opisina kung kaya’t hindi nito namalayan yung pagdating niya o baka naman may balak lang itong sopresahin siya? Ganun na lang ang kanyang kasabikan sa mga maaaring mangyayari sa loob. Walang kaalam- alam si Kassandra sa masalimuot na katotohanang malalaman niya.

        “Sa likod ng pintong ito, naroon ang iyong ama ngunit huwag kang mabibigla sa makikita mo,” panandaliang natigilan ang matanda, isang malalim na buntong-hininga ang lumabas sa kanyang bibig. “Huwag mo sanang isiping pinabayaan ka niya. Kung nalaman lang niya ng mas maaga, disin sana’y kapiling mo siya ngayon ngunit apo, kasalanan ko--- kasalanan ko kung bakit siya nagkaganyan.” Tuluyan itong natahimik ng makaramdam ng tensyon sa kanyang pananalita.

       Nabigla si Kassandra sa sinabi ng kanyang lolo ngunit sadyang hindi niya maintindihan ang nais ipahiwatig nito. Tila mas lalo s'yang kinabahan sa mga mangyayari sa loob. Muli niyang hinarap yung pinto, dahan-dahang hinawakan ang doorknob at pinihit ito upang buksan.

        Ilang maliliit na hakbang ang kanyang ginawa upang makapasok sa kuwartong may kadiliman. Buong pananabik niyang hinintay ang pagkakataong ito dahil sa wakas ay makikita na rin niya ang amang ni minsan ma'y hindi niya nakilala. Patuloy ang mabagal niyang hakbang hanggang sa masilayan nito ang mga aparatong lumilikha ng kakaibang tunog. May nakikita s'yang tila pasyenteng nakahiga sa isang kamang pang-ospital. Nakayapos ang makapal na kumot sa katawan nito. Maayos itong nakaratay at mahimbing na natutulog. May kung ano pang mga nakakabit sa kanya. Isang breathing apparatus, ilang malilit na kableng nakadikit sa kanyang dibdib. Maririnig ang bawat pitik ng makina sa bawat pintig ng kanyang pulso. Kapuna-puna ang kapayatan nito ngunit nababanaag pa rin ang guwapo nitong pagmumukha.

        Hindi ito ang inasahan niya.

       Ilang mga maliliit na hakbang pa ang kanyang ginawa upang lapitan ang pasyente. Nanginginig siyang tumigil sa tabi ng kama nito. Ni hindi n'ya man lang magawang makapagsalita sa labis na pighati sa nasasaksihang kalagayan ng kanyang ama.

       Anong nangyari sa kanyang ama?

       Naluluha siyang lumingon sa matandang pumasok din sa loob. Nakita naman ng matanda ang nanlulumong imahe ni Kassandra. Maging ito’y pinanghihinaan din ng loob. Bakit gayun na lang ang pagkakataong ipinagkait ng tadhana sa mag- ama.

Kassandra's Chant (COMPLETED)Where stories live. Discover now