[Edited 2024] Chapter VIII - The Confession

6K 263 16
                                    

"Wala na akong ibang sasabihin. Nasabi ko na lahat sa police station ang alam ko. Nandoon naman kayo, 'di ba? Bakit nagpunta pa kayo dito?" Hindi maitatanggi ang inis ni Jayce sa presensya ng mga bisita.

Wala siyang ideya kung bakit pumunta sina Jiwon at Kit sa bahay niya. Para lang ba talaga tanungin siya kung ano pa ang alam niya tungkol sa nangyari kay Renz sa rooftop? Hindi siya makapaniwalang sinadya pa siya ng dalawa sa bahay. Lalo na si Jiwon na kilala sa eskwelahan nila bilang suplada at walang pakialam sa buhay ng ibang kamag-aral.

Inilabas ni Jiwon mula sa kanyang bag ang silver na bracelet. Ipinatong niya iyon sa coffee table na nasa harapan. Nakita niya sa mga mata ni Jayce na nakilala nito ang bagay na iyon. Kita rin niya kung paano nito tinakluban ng kamay ang malapit ng maglaho na marka sa pulso.

"Sa iyo 'yan, 'di ba?" tanong ni Kit. "Nakita namin 'yan sa lugar kung saan nahulog si Renz. Hindi napansin ng mga pulis."

"Paano ninyo nasabing sa 'kin 'yan? May pangalan ko ba? Initials lang ang nand'yan." Naroon ang defensiveness sa tono ng boses ni Jayce.

"Hindi mo pa nga na-checheck, alam mo ng initials lang ang naka-engraved," huli ni Jiwon. "JC, Jayce Camo. Hindi kami nagpunta dito para akusahan ka. Alam namin na hindi mo pinatay si Renz. Hindi mo 'yun kayang gawin sa best friend mo."

Napatayo si Jayce sa kanyang narinig. Halo-halong emosyon ang naglalaro sa kanyang dibdib. "Alam ninyo naman pala, eh! Bakit nandito pa kayo?" Hindi niya lubos na maintindihan ang totoong pakay ng dalawa.

"We want you to tell the truth. Sabihin mo sa mama ni Renz ang totoong nangyari." Iyon lang ang tanging paraan na naisip ni Jiwon upang maitama ang maling paniniwala tungkol sa pagkamatay ng kanilang schoolmate. Ang huling piraso ng puzzle na kukumpleto sa imaheng pilit niyang binubuo, ang pag-amin.

Nanginig ang mga kamao ni Jayce. Nagsimula rin mag-waver ang mga mata niya na para bang pinipigilan niya ang sarili na umiyak sa harapan ng dalawa.

"Seven twenty, umakyat siya sa rooftop," panimula ni Jiwon. "Sinundan niya kayo ni Akina. Nakita niya na may ginagawa kayo sa rooftop, that's why bumaba ulit siya sa fourth floor para maglabas ng sama ng loob. Pumasok siya sa cr, umiyak, nagalit. Hindi niya matanggap na girlfriend na ngayon ng best friend niya ang babaeng mahal pa rin niya. Nag-decide siya na bumalik sa rooftop at harapin kayong dalawa. Nagwala siya—"

"Wala siyang kontrol!" unconscious na itinuloy ni Jayce ang narration ng dalaga. "Pinaghahagis niya 'yung mga upuan. Takot na takot si Akina. Ang sabi niya, gusto niya lang makipag-usap, pero hindi ko mapigilan ang pagwawala niya."

"Hanggang sa nadulas siya?" singit na tanong ni Kit.

"Tumayo siya sa barrier. Pinipigilan ko siya, pero ang kulit niya. Pinapapili niya si Akina kung sino sa aming dalawa. Nang wala siyang marinig na sagot, inakala niya na ako ang pinili. Susugurin na sana niya ako ng suntok, pero..." Hindi na napigilan ni Jayce ang maluha sa pag-alala sa nangyari. "Nadulas siya. Hindi ko siya nailigtas. Nakakapit pa siya sa akin. Hawak-hawak ko na rin siya, eh! Ang totoo niyan... kasalanan ko. Kasalanan ko kung bakit siya namatay. Kasalanan ko... hindi ko siya nailigtas."

"Jayce, it's not your fault. Aksidente 'yun," linaw ni Jiwon.

Mabuti na lang at dumating ang ina ni Jayce at niyakap nito ang anak.

Matapos ma-convince ng dalawa si Jayce, sinamahan nila ito sa funeral ni Renz.

Doon ay sinabi ni Jayce ang lahat ng katotohanan sa pagkamatay ng kaibigan. That Renz did not commit suicide. That it was an accident. That he regretted not being able to save his friend.

Hindi nais ng ina ni Renz na mamuhay si Jayce sa regret kaya't ipinaliwanag nito na walang sinuman ang may gusto sa nangyari sa kanyang anak. At hindi rin nanaisin ni Renz na sisihin ng kanyang pinakamatalik na kaibigan ang sarili. Sapat nang naging malinaw ang dahilan ng pagkamatay ni Renz Mendoza.

Nagtagumpay sa munting misyon sina Jiwon at Kit, iyon ang pakiramdam ng dalaga pagka-uwi niya. Dala niya ang pakiramdam na parang mayroon siyang nagawang maganda sa gitna ng isang masamang sitwasyon.

LOHIKA [COMPLETED]Where stories live. Discover now