MTJAB: Finale

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hindi ko na dapat sasabihin sa iyo ito. Pumunta sa America ang buong pamilya ni Marcus para hingin ang kamay mo sa amin." Nanlaki ang mga mata ko at halos magwala ang puso ko dahil sa sinabi ni Nanay.

"Bago mag-artista si Marcus, humingi siya ng tawad sa amin ng Tatay mo. Noong una ay hindi ako kumbinsido sa gusto ni Marcus dahil hinihiling niyang payagan ko siyang gumawa ng pamilya kasama ka. Pakakasalan ka raw niya. Tinanong ko siya kung bakit nagmamadali kayong mga kabataan pero isa lang ang isinagot niya sa akin...

Hindi raw siya nagmamadali, naninigurado lang daw siya na hindi ka na makakawala pa sa kanya. Ipinangako niya sa akin na aalagaan ka niya at hinding hindi iiwanan pero sa huli, tinanggihan ko pa rin siya para sa'yo. Dahil anak, mali naman kasi ang nais niyang mangyari." Napangiti ako sa ikinukwento ni Nanay. Hindi basta basta papayag ang isang magulang sa isang kasunduan na alam niyang hindi makabubuti sa anak niya.

"Pero lumambot ang puso ko sa mama ni Marcus. Napakalinis ng hangarin niya. Kilala raw niya ang anak niya na kapag nangako, alam niyang tutuparin. Ramdam ko yung lungkot sa pananalita niya. Na para bang may isang bagay siyang gustong ibigay sa anak niya at 'yon ang pagmamahal mo. Gusto ng mama ni Marcus na maibalik ang pagmamahal mo sa anak niya. Mararamdaman mo rin ang nararamdaman naming mga Nanay kapag tuluyan ka ng naging isang ina." Payo sa akin ni Nanay.

"Thank you, Nay..." Bulong ko. Ngumiti siya sa akin at sinalinan pa niya ulit ang mangkok ko ng arozcaldo.

Pero kahit gano'n, may pakiramdam ako na ayokong mapahiwalay kina Nanay at Tatay. Gusto ko kapag nag-asawa ako, kasama ko pa rin sila Nanay. Gusto kong makumpleto ulit ang pamilya ko kagaya nang dati.

___

Kaagad kong sinagot ang cellphone ko nang mag-ring ito.

"Baby, nandito na ako sa lobby ng tower ng condo, may aasikasuhin lang kami sandali ni Ethan. Susunduin kita diyan ha?" Paalala niya sa akin. Ala una na kasi ng hapon at ang usapan kasi namin sa text kanina, alas dose ng tanghali niya ako susunduin para sa check up ko.

"Bababa na lang ako." Sabi ko sa kanya.

"No, mag-isa ka lang." Suway niya sa akin at napaawang ang bibig ko.

"Liam, ano ka ba? May paa at kamay pa ako. Kaya ko ang sarili ko." Sagot ko sa kanya. Magsasalita pa sana siya pero mabilis kong pinatay ang cellphone ko. Nagpaalam na ako kina Nanay at Tatay.

"Tay, kumain kayo ni Nanay sa oras at pagkatapos uminom ng gamot ha? Bukas na bukas, babalik na tayo sa bukid." Nakangiting balita ko kay Tatay at halos malusaw ang puso ko sa ganda ng ngiti na ibinigay sa akin ni Tatay. Masayang masaya ang awra niya ngayon dahil sa ibinalita ko. Napatingin ako sa kamay niya nang abutin niya ang kamay ko.

"Salamat, anak.." Nahihirapang sabi niya. Unti-unti nang bumabalik ang pananalita ni Tatay at kahit papaano, naigagalaw na niya ang paa niya.

"Basta Tay, magpagaling ka! Gusto ko kapag kinasal ako, kayong dalawa ni Nanay ang maghahatid sa akin sa altar." Hiling ko sa kanya. Tumango tango si Tatay at muli niya akong binigyan ng magandang ngiti. Tumayo na ako at hinalikan ang noo niya saka niyakap siya. Maging kay Nanay ay humalik ako.

"Mag-iingat kayo, hija." Paalala sa akin ni Nanay.

"Salamat po." Sagot ko at saka lumabas na ako ng unit ko at naghintay sa tapat ng elevator. Nanlaki ang mga mata ko pagkabukas na pagkabukas ng elevator. Nakatayo siya sa loob no'n at nakapamulsa habang sobrang lalim ng titig sa akin.

"I told you, susunduin kita. Ang tigas ng ulo mo, baby." Mariin na pahayag niya sa akin at lumapit siya sa akin para halikan ang pisngi ko. Nagpatianod naman ako sa kanya papasok ng elevator. Pinagsalikop niya ang kamay naming dalawa at naramdaman ko ang marahan na pagpisil niya no'n. Tinitigan ko siya at napansin kong nakakunot ang noo niya kaya naman kusa ko nang inayos iyon na naging dahilan para titigan niya ako.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon