Left to Die (Part 3)

193 18 5
                                    

Nicole's POV

Pinasok ng silakbo ng liwanag ang madilim na silid nang umugoy sa gilid ang pinto. Inangat ni Nicholas ang mga braso niya kapantay ng mga mata niya, inaaninag ang hugis ng tao sa kadiliman. Kinapa-kapa ko ang light switch sa dingding. Dagliang sumindi ang tanging bumbilya sa kisame at pinuno ng ilaw ang buong kwarto. Lumantad sa amin ang isang batang babae sa sulok, na nakayakap nang mahigpit sa teddy bear niya. Isinukbit ni Nicholas sa baywang niya ang pistola niya nang puminta ng larawan ng takot ang mukha ng batang babae. Nanatiling nakapako ang paningin niya sa akin habang lumalapit ako sa kanya.

"Huwag kang matakot," sabi ko sa kanya sa isang mahinahong tono ng tinig. "Hindi ka namin sasaktan."

Umurong siya nang iunat ko ang mga kamay ko, itinutulak ang sarili niyang katawan sa dingding na binubuo ng mga guwang na blokeng hindi pa napapalitadahan. Pinuwersa ko ang magiliw na ngiti sa mukha ko.

"Halika rito," tawag ko sa kanya habang patuloy na lumalakad patungo sa kanya.

Umiling-iling siya. Pinunasan niya ng likod ng kamay niya ang mga mata niyang basa ng luha. Nagbabantang bumukal mula sa bibig niya ang malakas na iyak nang kumulot ang mga labi niya. Tumigil ako sandali nang makadampot ang mga tainga ko ng mga mahinang ungol galing sa labas. Nababatid ko ang presensya ng mga gumagalang zombie sa paligid ng bahay. Pakiramdam ko nasa kabilang panig lamang sila ng mga dingding na nagbubukod sa amin. Pare-pareho kaming malilintikan kapag nag-alboroto ang batang babae.

"Teka lang a," sabi ko sa kanya habang inilalapag ang kabalyas ko. "May ipapakita ako sa iyo."

Taimtim niya akong pinanood habang hinahalungkat ko ang mga kagamitan ko. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko nang mahipo ko ang manikang nakuha ko mula sa supply run kanina.

"Heto o," handog ko sa kanya. "Gusto mo ba nito? Sayang naman kung itatapon ko ito."

Hinablot niya mula sa kamay ko ang laruan. Kinusut-kusot niya ang mga mata niya. Sa isang iglap, napalitan ng kasiyahan ang takot sa mukha niya. Abala siya sa paghawi ng buhok ni Elsa, hindi alintana ang paligid niya.

"Anong pangalan mo?" Tanong ko.

"Diana po," sagot niya.

Nakatuon ang pansin niya sa manikang hinahawakan niya sa baywang at pinaparampa na parang isang modelo sa fashion show. Lumuhod ako sa harap niya.

"Nasaan ang mga magulang mo?"

Nagkaroon ng maikling katahimikan bago siya sumagot. "Hindi ko po alam."

Hinaplos-haplos ko ang ulo niya. "Kumain ka na ba?"

"Hindi pa po," sagot niya.

Dinukot ko mula sa bulsa ko ang panyo ko at marahang pinunasan ang mga uhog na nagbabadyang tumulo mula sa mga butas ng ilong niya.

"Gusto mo bang samahan kitang kumain?"

Tumigil siya sandali sa ginagawa niya at tumingala sa akin. "Opo," sagot niya habang tumatango. Naglaho na ang mga bakas ng kalungkutan sa mukha niya. Ngumisi ako.

"Tara," sabi ko sa kanya habang tinutulungan siyang tumayo.

Pinagpag ko ang mga alikabok na dumikit sa palda niya mula sa pagkakaupo sa maruming sahig. Ihinatid ko siya palabas ng bodega kung saan naghihintay si Nicholas, at sabay kaming pumunta sa sala, magkahawak ang mga kamay.

~

Kumportable akong nakahilata sa sopa habang pinapapak ang mga natitirang chicharon sa mangkok, hinahayaang lumipad ang diwa ko sa gitna ng saligutgot. Umupo si Nicholas sa harap ng mesa malapit sa pintuan pagkatapos hugasan ang mga pinagkainan namin. Binuksan niya ang radyo upang makinig ng balita. Samantala, patuloy pa rin sa paghilik si Diana habang natutulog sa sahig.

Tumagos sa mga salamin ng bintana ang sikat ng araw na lumikha ng anino sa likod ng mga kasangkapan sa bahay. Tumingala ako nang marinig ko ang mga tunog ng mga pumapailanglang na helikopter sa himpapawid, na pansamantalang ikinubli ang mga walang-patid na angil na sumisidhi sa bawat araw na lumilipas. Lumilipat na ang mga zombie mula sa lungsod. Kailangan na naming makahanap ng bagong lilipatan sa lalong madaling panahon.

Sumitsit si Nicholas sa akin nang bumukal ang choppy na tinig ng isang lalaki mula sa radyo. "Halika. Pakinggan mo ito."

Bumangon ako mula sa pagkakahiga at nilapitan siya. Ipinatong ko ang kamay ko sa balikat niya. Pinihit niya ang knob hanggang sa maging malinaw ang tinig.

"Magandang hapon sa inyong lahat! Ako si Capt. Walter Rodriguez ng 55th Infantry Battalion. Ikinagagalak kong sabihin sa inyo na matagumpay na nabawi ng hukbo mula sa mga zombie ang Fort Jacinto kamakailan lang. Inaanyayahan ko ang lahat ng survivor na nakaririnig ng mensaheng ito na pumunta sa nasabing base militar. Manatili kayong ligtas!"

Tila sasabog ang puso ko mula sa kagalakan nang rumehistro sa utak ko ang mga sinabi ng lalaki sa radyo. Sa wakas, nakahinga rin ako nang maluwag. Niyugyog ko si Nicholas, ang ngiting tagumpay unti-unting gumuguhit sa mga labi niya.

"Kuya, narinig mo ba iyon?" Nanatili siyang tulala mula sa pagkamangha. "Tapos na ang tatlong buwang paghihirap natin! Makakapamuhay na tayo nang mapayapa! Hindi na natin kakailanganing magpalipat-lipat pa!"

Umikot siya patungo sa akin at binigyan ako ng mahigpit na yakap na ngayon ko lamang muling naramdaman. Kiniliti ng halimuyak ng pabango niya ang mga butas ng ilong ko habang padiin nang padiin ang ulo niya sa dibdib ko. Kumawala ako sa kanya nang lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin.

"Anong plano natin ngayon kuya?" Tanong ko habang pinipisil-pisil ang batok niya.

Kinuskos niya ang mga palad niya sa isa't isa. "Bukas, pupunta tayo sa Fort Jacinto."

"Sige. Ngayon pa lang, mag-iimpake na ako." Naramdaman ko ang pagdaluyong ng adrenalin sa dugo ko nang kumaripas ako ng takbo, ngunit bago pa man humalik ang mga hubad kong paa sa baldosa, dinakma niya ang braso ko, na naging sanhi upang bigla akong mapahinto. Nagtagpo ang mga paningin namin.

"Bakit kuya?" Tanong ko, pinupuna ang malamig at blangkong hitsura sa mukha niya. "May problema ba?"

Nautal-utal siya habang hinahanap ang mga tamang salitang sasabihin. "Hi-hindi nating pwedeng isama ang bata."

"Ano?" Bulalas ko. "Bakit hindi?"

Kumislot ang mata niya habang nililipat ang tingin niya sa batang babaeng dahan-dahang bumabangon mula sa pagkakahiga.

Rotten Flesh: A Zombie Short Story Collection (Under Revision)Where stories live. Discover now