LESSON 27- Hello, Teacher!

5.3K 176 33
                                    

LESSON 27
“Hello, Teacher!”

“MARAMING salamat po, sir! Sa uulitin po!” ani Maira at Marvin nang ihatid na sila ng kanilang principal sa labas ng bahay nito. Halos pagabi na nang bumalik ito.

Nakangiting tumango si Principal De Vera sa kanila. “Walang anuman. O, mag-iingat kayo sa pag-uwi,” paalala pa nito sabay tingin sa kanya. “Abby, iyong napag-usapan natin, ha.”

Alanganing siyang tumango. “O-opo, sir.” Hindi siya makatingin nang diretso dito. Kung dati ay tiwala siya dito ngayon ay hindi na. Takot na ang nararamdaman niya.

Matapos makapagpaalam nang maayos ay naglakad na sila palabas ng subdivision kung saan naroon nag bahay ni Principal De Vera.

“Ang bait talaga ni Principal De Vera, 'no? Biruin mo, tinutulungan na nga niya tayo sa paghahanap ng killer sa school, pinatuloy pa niya tayo sa bahay niya!” Palatak ni Marvin.

“Ay naku, I agree!” ani Maira. “Ipinagluto pa niya tayo ng masarap na meryenda bago tayo umalis.” Lumingon sa kanya si Maira at siniko siya. “Hoy, ikaw naman! Bakit ang tahimik mo yata ngayon?”

“W-wala. P-pagod lang ako,” pag-iwas niya pero ang totoo ay hindi pa rin naa-absorb ng utak niya ang mga natuklasan niya sa bahay ng kanilang principal.

-----***-----

LABIS na naninibago si Abby pag-uwi niya sa bahay nila. Tahimik at wala ang maingay niyang nanay na kahit medyo balahurang magsalita ay mahal na mahal niya pa rin. Malungkot at nanghihina siyang napaupo habang nakatingin sa kawalan. Nag-aalala siya para sa nanay niya. Baka kung ano ang gawin dito ni Principal De Vera.

Hindi pa rin niya alam kung bakit ginagawang lahat iyon ng kanilang principal. Ngayon lang din niya napagtanto kung bakit magkatulad ang handwriting ni Principal De Vera sa nasa notebook at sa sulat ni Bridgette na ibinigay nito. Malaki ang posibilidad na si Principal De Vera talaga ang nagsulat ng sulat ni Bridgette. Napagtanto niyang lahat ng iyon nang malaman niyang ito ang pumatay kina Bridgette at Maika.

Anong klaseng tao ba si Principal De Vera para magawa nito ang ganoong kakila-kilabot na mga pagpatay? O masasabi pa ba niyang tao ito o isang demonyo? Hindi naman kasi iyon magagawa ng matinong tao.

Buong araw na nakatulala si Abby. Wala siyang ganang kumain. Iniisip niya ang kanyang ina. Hindi na nga niya namalayan na madilim na sa labas. Gabi na nang makaramdam siya ng gutom kaya naman nagluto na siya ng pagkain. Pinilit na lang niyang kumain kahit wala siyang gana. Kailangan niyang magpalakas. Hindi siya pwedeng magpagapi sa kalungkutan.

Matapos kumain ay hinugasan na niya sa batalan ang mga ginamit niya sa pagkain. Bigla siyang napalingon sa kanyang likuran nang may malamig na hangin na umihip sa kanyang batok. Imposible naman na may hangin na pumasok sa loob ng bahay nila dahil nakasarado ang pinto. Nagtaasan din ang balahibo niya sa braso.

Ipinagsawalang-bahala na lang iyon ni Abby. Maya maya ay pinatay na niya ang ilaw at humiga sa higaan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Kailangan niyang matulog ngayon ng maaga dahil may pasok na ulit sila sa school bukas.

-----***-----

MAHIMBING nang natutulog si Abby nang may maramdaman siyang likido na pumapatak sa kanyang mukha. Dahil sa antok na antok ay hindi na siya nag-abalang imulat ang mata. Kinapa na lang ni Abby ang likido na pumatak sa kanyang pisngi. Medyo malagkit iyon at nang amuyin niya ay parang malansa.

“D-dugo?!” Bigla niyang ibinukas ang kanyang mata para lang makita niya sina Maika at Olivia na nakatunghay sa kanya!

Ang dugong pumapatak pala sa kanyang pisngi ay nagmumula sa bibig ni Olivia. Nanlalaki ang mata na dalawa na para bang takot na takot ang mga ito. Nakanganga ang bibig. Namumutla ang balat at duguan ang suot na school uniform.

School Trip VTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon