Kabanata 1

8.7K 150 33
                                    

Kabanata 1


ISANG malawak na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Nikka Bianca—o Ian sa mga kaibigan niya—habang nilalakad ang mahabang pasilyo papunta sa university gym ng SVU. Graduating siya sa kursong Bachelor of Science in Electronics and Communication Engineer. Masipag naman siyang mag-aral kaya nga lamang at may kahirapan ang kursong kinukuha niya.

Ngunit sa kabila noon ay mahal na mahal pa rin niya ang kursong kinukuha niya dahil iyon din ang kursong tinapos ng kanyang papa. Ang papa niyang si Nikolas Bernabe ay isang engineer, kaya naman iyon din ang kinuha niyang kurso nang magkolehiyo siya. Idol na idol niya ang papa niya at mahal na mahal niya iyon. Daddy's girl, 'yan ang bansag sa kanya ng mama niya dahil nga sa sobrang lapit niya sa papa niya.

Pangarap ng papa niya na samahan siyang umakyat ng entablado sa araw ng kanyang pagtatapos. Kaya naman grabe ang kanyang pagsisikap upang tuparin ang pangarap ng kanyang papa. Subalit sa kasamaang palad ay hindi na siya nito makikitang umakyat ng entablado upang kuhanin ang kanyang diploma.

May sakit sa puso ang kanyang papa at sa huling atake nito ay hindi na iyon kinaya ng puso at katawan nito. Namatay ang papa niya na wala siya sa tabi nito. Namatay ang papa niya na hindi man lamang siya nakikita. Namatay ang papa niya ng hindi man lamang siya nakitang umakyat ng entablado.

Ganoon na lamang ang pagdadalamhating naramdaman niya noong nalaman niya na pumanaw na ang kanyang papa. Kung hindi nga lamang dahil sa mama niya ay baka hindi na niya nakayanan ang lahat. But she has to be strong back then, para na rin sa mama niya. Dahil kung gaanong pagdurusa at hirap ang pinagdaraanan niya, doble niyo'n ang nararamdaman ng mama niya. For her mother lost her other half.

Nang namatay ang papa niya ay pinilit niyang maging malakas para sa kanilang dalawa ng mama niya. Only child lamang siya kaya wala siyang ibang katuwang habang inaalagaan ang mama niya. Not that her mother was invalid, it was far from it. Malakas ang mama niya subalit tila nawalan ito ng ganang mabuhay simula noong namatay ang papa niya. Kaya nga kahit nasasaktan at nagdadalamhati pa siya noong mga panahong iyon ay isinantabi muna niya iyon upang bigyan ng lakas ang mama niya.

Subalit tila kay daming nagbago simula noong namatay ang papa niya. Bigla ay naging malayo ang loob sa kanya ng mama niya. Naging malamig ang pakikitungo nito sa kanya. Tila ba hindi siya nag-e-exist. Hindi niya alam kung anong nangyari pero biglang nagbago ang mama niya. The funny, smart, and witty Beatriz Bernabe suddenly vanished. Ang pumalit doon ay isang malungkot, malamig, at walang buhay na Beatriz.

Nasasaktan siya sa naging pagbabago nang pakikitungo sa kanya ng mama niya subalit inintindi na lamang niya iyon. Inintindi niya na kaya nagkagaanoon ang kanyang mama ay dahil nawalan ito ng kabiyak. Subalit minsan ay hindi niya maiwasang magtampo dahil tila ba kinalimutan na siya nito. Tila ba nakalimutan nito na may isang Ian na nawalan din ng ama. Kung tutuusin nga, parang hindi lamang ang papa niya ang nawala, maging ang mama niya.

Kung hindi nga lamang marahil sa pagpipilit niya sa sariling mabuhay ay baka sumuko na rin siya ng tuluyan. Nasasaktan din naman siya subalit isinasantabi niya iyon. Kung hindi marahil sa tulong ni Aiden ay baka matagal na rin siyang sumuko, hindi lamang sa mama niya kundi maging sa kanyang buhay.

Ah, si Aiden. Napangiti si Ian nang maalala ang nakangiti, maaliwalas at gwapong mukha ng kanyang nobyo. Nakilala niya si Aiden noong kasagsagan ng pagdadalamhati niya sa pagkamatay ng kanyang papa. Sinuportahan siya nito simula pa lamang. Hindi siya nito pinabayaan at iniwanan kahit na ba iniwan siya sa ere ng kanyang mama. He was always there for her when she needed him. Kahit kailan ay hindi niya naranasan na nag-iisa siya dahil kay Aiden. Kaya naman mahal na mahal niya ang nobyo niyang ito.

Aiden was also a student here in Saint Vincent University. Bachelor of Science in Civil Engineering ang kurso nito at kagaya niya ay nasa ikalimang taon na rin ito at graduating na ngayong taon. Myembro rin ito ng basketball club ang lalaki. In fact, teammate pa nga nito ang kaklase niyang si Mico.

Dahil myembro ng varsity si Aiden, marami-rami rin ang nagkakagusto rito. Idagdag pa na guwapo ang kanyang nobyo. Aiden Lee was half Korean-half Filipino. Matangkad ang lalaki na karaniwan na sa mga taong may halong banyaga ang dugo. Marami ang nagkakagusto sa nobyo niya kaya nga minsan ay napapaisip siya kung ano ba ang nagustuhan nito sa kanya.

Pangkaraniwan lamang siyang babae. In fact, may pagka-boyish pa nga siya kung kumilos. Dahil marahil iyon sa impluwensya ng kanyang papa. Kung manamit siya ay isang simpleng blouse o shirt lamang na tineternuhan niya ng jeans. Palagiang nakatali ang mahaba niyang buhok at minsan pa nga'y pinapatungan niya iyon ng cap. Sabi ng kaibigan niyang si Arianne ay maganda siya, dangan nga lamang daw at masyado siyang haragan kung kumilos.

Hindi na lamang niya iyon pinapansin dahil sa puso naman niya ay alam niyang babae siya. Kung hindi ay bakit niya mamahalin si Aiden, hindi ba?

Speaking of Aiden, pupuntahan niya ito ngayon dahil gusto niya itong sorpresahin. Papunta siya sa university gym dahil alam niyang doon nakatambay ngayon si Aiden. Gusto niya itong sorpresahin dahil ngayon ay ang ika-limang buwan simula n'ong naging nobyo niya ang lalaki. Gusto niyang ipakita rito ang regalo niya para rito, ang cake na siya mismo ang nag-bake—from scratch!

Pinaghirapan pa niya iyong gawin kagabi dahil gusto niyang maging memorable ang ika-limang buwan ng pagiging magkasintahan nila. See? Kahit papaano ay may cheesy blood pa pala na dumadaloy sa atay at balun-balunan niya.

Nang makarating sa gym ay hinanda na niya ang kanyang pagkatamis-tamis na ngiti. Nakita niya sa loob ng gym si Aiden kasama ang mga teammates nito. Nakasuot pa ang mga ito ng jersey at naglalaro sa gitna ng ring. Dahil nakatalikod sa kanya si Aiden ay hindi siya kaagad nito nakita. Pero siya, kitang-kita niya ito.

Ang akma niyang pagtawag sa lalaki ay napatigil nang marinig ang isang tinig mula sa gilid ng gym. Hindi niya alam kung bakit subalit bigla na lamang kumabog ang puso niya.

"You're really great, Aiden."

Binalingan niya ang pinagmulan ng tinig na iyon at bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Opal. Kilala niya ang babae dahil kaklase ito ni Aiden. Minsan ay naipakilala na siya rito ni Aiden at dahil likas na matandain siya sa mukha ay natandaan niya kaagad ang babae.

"That shot was for you, babe."

Parang itinulos siya sa kanyang kinatatayuan nang marinig ang sinabing iyon ni Aiden. Mula kay Opal ay tumutok kay Aiden ang kanyang paningin at kitang-kita niya ang tingin at ngiting ipinupukol nito kay Open. Tila kumikislap pa ang singkit nitong mga mata habang nakatingin sa babae.

Ano'ng ibig sabihin nito?

Parang may isang patalim ang tumarak sa kanyang dibdib dahil sa nakikita. Hindi niya gustong bigyan ng malisya ang naririnig at nakikita pero nabubulagan na siya ng selos at sakit. Selos dahil nakikita niyang nginingitian ni Aiden ang babaeng iyon, ngiting sa pagkakaalam niya'y exclusive lamang para sa kanya. Sakit dahil sa kislap sa mga mata nito na isa lamang ang ibig sabihin, he was happy.

"Thanks, babe. Go! Shoot some more!"

Ang pagsigaw na iyon ni Opal ang pumukaw sa kanyang pag-iisip. Masakit tingnan pero hindi niya magawang ialis ang tingin kay Aiden. Magkasintahan sila ni Aiden, hindi ba? May girlfriend ito pero bakit nakikipag-flirt ito kay Opal? Hindi na ba siya nito mahal? Niloloko na lang ba siya nito?

"I will, babe, for you."

May narinig siyang bumagsak kaya naman napabaling sa kanya si Aiden. Kitang-kita niya ang pagkagulat sa mukha nito at ang pagdaan ng guilt sa mga mata nito. Pero kaagad din iyong nawala kapagkuwan. Baka nga imahinasyon niya lamang iyon.

Dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nakitaan niya ng lamig sa mga mata si Aiden.

Your Love Is My Drug (Tennis Knights #3) (Published under PHR)Where stories live. Discover now