Chapter 2: Her Routine

943 36 22
                                    

“Phew! Hindi naman siguro ako magiging helper kung marunong akong mag-English. Bakit ba kasi iyang ‘kano pa na iyan ang nakatoka sa akin tuwing MWF?” Himutok ni Larissa habang naghahanda sa pag-iinit ng tubig. Wala siyang pakialam kung maririnig pa nito ang kanyang mga pinagsasabi. Hindi naman siya nito naiintindihan, eh.

Sino ba ang mga nagpauso ng pera-pera na iyan? For sure, patay na ang mga iyon at hindi na namomroblema sa naimbento nila. Napailing na lang siya sa kanyang naisip. Kung hindi niya lang talaga kailangan ng pera para sa kanyang amang maysakit, kontento na siya sa pagtitinda ng banana-que at camote-que doon sa kanilang sitio. Mahal ang gamot na pang-maintainance sa kanyang ama kaya kailangan niya ng dagdag income.

Naalala pa niya kung paano niya nakuha ang trabahong ito. Naglalakad siya noon sa kahabaan ng Edsa para isa-isahin ang mga tindahan o department store na nangagailangan ng part-timer. Pero sa kasamaang-palad, hindi siya tinatanggap ng mga ito dahil hindi raw siya marunong magsalita ng English. Kaya lupaypay ang kanyang mga balikat na sumakay ng jeep pauwi sa kanila. May isang pasaherong kanyang katabi na mahinang sumiko sa kanya. Napalingon siya rito. Hindi nagsalita ang babae ngunit may binigay lang itong flyer sa kanya. Binasa niya iyon at nakitang isang agency pala na nangha-hire ng mga magiging helpers sa mga mayayamang subdivision. Hindi kailangan ng anumang educational background. Magtatanong pa sana siya roon sa babae ngunit huminto ang jeep at bumaba na ito. Kaya sinunod niya agad kung anong mga kailangang dokumento para sa pagproseso ng kanyang application. Inabot lang iyon ng mga dalawang linggo at dito na agad siya ini-assign.

Nakarinig siya ng yapak na papuntang kusina. Hindi nagtagal ay lumitaw na ang bagong paligo na kanyang amo. Naka-sando ito at shorts tapos ang maliit na puting tuwalya ay paulit-ulit na ipinunas sa buhok nito. Nagkasalubong ang kanilang mga mata. Agad namang umiwas ng tingin si Larissa. May hindi siya nagustuhan sa mga iyon. Dahil kapag tinititigan niya iyon ay pakiramdam niya ay nilulunod at hinahatak siya sa kailaliman.

Umupo ito sa dulong bahagi ng mesa. Ano kaya’ng trabaho nito? Ang fit ng katawan. Noong una niya itong makita ay inakala niya talagang magnanakaw at rapist ito. Paano ba naman kasi, paglabas niya sa kusina dahil tingnan kung sino ang nag-on sa switch ng ilaw sa buong bahay ay nabungaran niya ang bakat na bakat nitong puwet dahil sa pulang boxers nitong suot. Tapos pagharap pa nito sa kanya, nanlaki ang kanyang mga mata sa nasaksihan. Totoo pala ang sabi-sabi ng mga chismosa niyang kapitbahay. Mas malaki ang ‘ano’ ng foreigner kaysa sa mga pinoy. Nakapanood siya ng mga ‘ano’ ng mga pinoy kapag may pageant na magaganap sa kanilang barangay tuwing piyesta. May segment kasi doon na kailangang mag-underwear lahat ng mga kalahok kaya nababanaag niya ang mga bakat ng mga ito.

“Larissa,” tawag nito sa kanyang pangalan.

“Ay, bakat!” Bigla niyang naibulalas. Napatutop siya sa bibig nang ma-realize niya ang kanyang nasabi.

“What? Bucket?” Kunot-noong tanong nito.

“Ah, n-no... nahting!” Nataranta siya sa ginagawa. Huminga siya ng malalim at inilahad na ang bowl ng noodles rito.

“Thanks!” Tinanggap nito at maganang humigop sa kanyang hinanda.

Tiningnan niya ang kanyang relong-pambisig. Binili niya ito doon sa tabi ng simbahan pagkatapos niyang magsimba sa halagang isangdaan at limampung piso. Buy one take one kasi kaya naengganyo siya. Binigay niya ang isa sa kanyang kapatid na lalaki.

Alas otso na ng gabi. Kailangan na niyang umuwi dahil dadaan pa siya sa pharmacy para bumili ng gamot para sa kanyang tatay. Tila nakuha naman ng kanyang amo ang ibig sabihin niya dahil nagsalita ito.

“You can go home now. I can manage and on Friday, be here early. I would like you to help me in buying clothes,” utos nito.

Tumango siya. “Okay, sir!”

Agad niyang binitbit ang maliit na sling bag na nasa isang upuan pero bago pa siya makaalis ay hindi niya kinalimutang ilagay rin ang nasunog na adobo sa isang cellophane. Mabuti na ito kaysa sa walang ulam ang kanyang kapatid. Para kasi sa mga mayayaman, hindi na iyon makakain pero para sa mga tulad niya puwede na iyong pagtiyagaan. Mabuti na lang at hindi na siya tinanong kung bakit niya ginawa iyon.

“Ate, saan mo nakuha ang ulam na ito. Masarap pa rin kahit sunog ng kaunti,” wika ni Lemar, ang kanyang catorse anyos na kapatid na lalaki. High school na ito at nag-aaral sa isang pampublikong eskwelahan sa kanilang municipalidad.

Nakangiti niyang tinitigan ang kapatid. Magana itong kumakain sa dala niya. “Huwag ka ng magtanong. Kumain ka na diyan,” sagot niya.

Sumimangot lang si Lemar sa sagot niya. Tumawa siya. “Sige na! Pagkatapos mong kumain diyan, magligpit ka ng pinagkainan mo. Pupuntahan ko pa si tatay.”

Maliit lang ang kanilang bahay. Gawa iyon sa pinagtagpo-tagpong mga lumang plywood. Makailang ulit na rin silang nasunugan pero nagagawa pa rin naman nilang bumangon. Naabutan niya ang kanyang ama na nakahiga sa lapag. Banayad na ang paghinga nito na palatandaang ito ay natutulog na. Pinainom muna niya ito ng gamot bago niya pinakain si Lemar kaya hindi na siya nag-aalala.

Hinila niya ang kumot ng kanyang ama hanggang sa balikat nito. Napangiti siya. Nagpapasalamat siya sa kanyang ama dahil hindi sila nito sinukuan nang mamatay ang kanilang ina. Kahit hanggang high school lang ang natapos niya, hindi pa rin siya nagsisisi kung bakit naging ganoon ang buhay niya. Dahil kahit na mahirap lang sila ay puno ng pagmamahal ang kanilang barong-barong. Sisikapin rin niyang makapagtapos ng kurso si Lemar.

Naku, kailangan pa niyang maghanda kinabukasan. Tuwing Martes at Huwebes ay nagtitinda siya ng saging at camote sa kanilang sitio. Tuwing Sabado at Linggo naman ay nasa isang malaking kompanya siya at nagja-janitress. Contractual lang siya roon kaya wala ring kasiguraduhan kung magtatagal siya roon.

May mga naihanda naman siyang lulutuing saging at camote bukas kaya ayos lang na matulog na siya ngayon. Ang gagawin lang niya ay gigising ng maaga para maaga rin siyang maka-pwesto doon sa may kanto.

Pumunta na siya sa kanyang maliit na kwarto. Tabi ang kanyang ama at kapatid sa pagtulog at siya ang hiwalay. Hinanda na niya ang banig, unan at kumot para makapagpahinga na. Humiga na siya at ipinikit ang mga mata. Pero bago pa siya tuluyang hinila ng antok, lumitaw sa kanyang isip ang gwapong mukha ng kanyang amo na dahilan ng ngiti niya sa labi.

Agent XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon