Napansin agad ni Mirinda na parang hindi komportable si Mack. Ayaw nitong tumingin sa kanya ngayon. Feeling tuloy niya, crush na siya nito and that made her bold.

"Okay ba ang projections ko? Puwede na kaya akong magpalit ng career?" Nagmuwestra pa siya habang sinasabi iyon. "Move over, Lumen!"

"Yeah, you're great," sabi ni Mack. "Are you sure you don't want to get paid for this?"

"Gusto mong bayaran ang serbisyo ko?"

"Why not? Mabuti na 'yong wala akong utang-na-loob sa 'yo."

Tumaas ang kilay niya. Masungit pa rin. Akala ko ba, crush na ako?

Baka naman gusto lang nitong itago ang feelings?

"Hindi naman ako maniningil ng utang-na-loob," aniya. "At saka, may kasalanan naman ako sa 'yo kaya ginagawa ko ito ngayon, hindi ba?"

"Is that the real reason?" parang gusto pa ring makatiyak na tanong ng lalaki.

She was caught off guard dahil bigla itong tumingin nang diretso sa kanya. "What do you mean?" tanong din niya.

Nakatitig pa rin ito sa kanya. "I do get the feeling that this is some sort of a... game."

"Sobra ka naman. Praning ka lang."

"I sure hope so," anito.

"Basta ako, malinis ang konsiyensiya ko," ani Mirinda, realizing na iyon ang madalas sabihin ng mga guilty. "Ang tagal naman ni Beka, nauuhaw na 'ko," pag-iiba niya sa usapan.

Kasalukuyan nang binabago ng designer at mga alalay ang set. Unti-unti na iyong nagiging nursery. Sa di-kalayuan ay dinig nila ang iyak ng six-month-old na sanggol na tunay na anak ni Henry, na kunwari ay anak din niya sa shoot na iyon.

Dapat ay ang nursery scene ang unang kukunan, kaso, nagligalig ang sanggol. Kinabagan yata kaya inuna na lang ang bed scene.

"One thing more," ani Mack.

"Huh?"

"Bakit gumawa ka ng kuwento tungkol sa atin? Bakit pinalabas mo na may relasyon tayo?"

"Huh?" tanging nausal niya uli. Kapag buking na ang mga guilty, ganoon na lang pala ang lumalabas sa bibig. Sabagay, ang isda nga sigurong nahuli sa bibig, kapag kumagat na sa pain, hindi na makakapiyok man lang.

"It took me a week to convince Efren otherwise. Why did you have to make up a story like that? Ano'ng mapapala mo?"

"Sorry," ani Mirinda. "Gusto lang talaga kitang makausap no'n para nga makapag-sorry ako sa 'yo nang personal."

"Alam mo kasi, sorry ka nang sorry pero hindi ko naman maramdaman na sincere ka. Pakiramdam ko, inaasar mo lang ako."

Hindi nga ba?

"Pakiramdam mo lang 'yon. I'm really sorry that I broke the Buddha."

"I don't know," anito.

Lumapit naman sa kanila ang isang assistant ng photographer. "Mirinda, kung tapos ka na raw, isuot mo na 'to." Iniabot nito sa kanya ang panibagong costume. Mahabang nightdress iyon na satin, manipis ang strap at franelang robe na mahaba rin.

"Tapusin mo na 'yang pagkain mo," sabi ni Mack.

"You mean to say, unforgiven pa rin ang drama ko?"

Hindi ito sumagot, sa halip ay tumayo. Ni hindi yata nito ginalaw ang pagkain.

Nawalan na tuloy siya ng gana. Tumuloy na lang siya sa ladies' room at nagpalit ng costume. Pagbalik niya sa set, nakahanda na ang magre-retouch ng makeup niya. Mistulang nursery na ang set—pink curtains, pink dresser and cabinet, stuffed toys, white crib at the center with pink mattress and pads, and mobile toys. May mga milk bottles pa sa likuran ng crib.

"All right, Mike's asleep, we can start," sabi ng pinaka-director ng shoot. Pinapuwesto na siya sa tabi ng crib, pagkatapos ay ibinaba ng nanay sa crib ang sanggol. Siya naman ay pinayuko roon para tipong siya ang naglapag doon sa sanggol.

Well, lahat siguro ng expectant mothers na makakakita ng larawan, bibili ng BedMates Lullaby Collection. Parang lalaki nang matino ang lahat ng sanggol na hihiga roon.

Needless to say, admirer na si Mirinda ng BedMates. Feeling niya, hindi na siya bibili ng ibang brand ng mga bedsheets at pillowcases. It was remarkable. At dahil bilib siya sa produkto, hindi maiaalis na bilib din siya sa may pakana ng lahat ng iyon.

Si Mack. Ang hari ng contradiction.

He was strict, brutally frank, tipong hindi mayayanig sa tindig at disposisyon.

And yet he created BedMates, which to her only meant comfort. And when she thought of comfort, pumapasok din sa isip niya ang happiness, contentment, good life, kindness, and tenderness.

So, ano talaga si Efimaco?

And why did she want to know?

Pagkatapos ng nursery scene, pinauwi na si Baby Mike, naiwan ang ama.

Pinalitan na naman ang set. This time, para sa pinakabagong line ng BedMates, ang Romance Collection.

Ibinalik ang kama at binihisan iyon ng white satin sheets. Pagkatapos ay ipinahubad sa kanya ang robe. Iyong satin nightgown na lang ang suot niya. Puti rin ang kulay niyon. Inayos ang makeup niya para gawing mas seductive ang kanyang hitsura. Pagkatapos ay pinahiga siya sa kama. Ilang shots ang kinuha, iba-ibang pose, iba-ibang anggulo.

After that, Henry joined her. Wala na itong pang-itaas, pajama bottom na lang. Kinumutan sila sa ibabaw ng kama. Siya, nakatihaya, si Henry, bahagyang nakadukwang sa kanya. They were about to make love, ayon sa director. Magtitigan daw sila at ilagay niya ang isang kamay sa batok ni Henry.

Mas feel sana niya kung si Mack ang papapel na asawa niya. She glanced at where he was standing. Their eyes met but his face was devoid of any emotion.

"Henry, yumuko ka pa nang kaunti," utos ng director. "Your lips should almost touch. Almost lang."

Naiilang si Mirinda siyempre pero pinilit niyang magpakapropesyonal dahil alam niyang kung hindi siya susunod, lalo lang silang matatagalan at uulit-ulitin pa ang eksenang iyon. Inisip na lang niya na si Mack ang kapareha. Hindi na lang niya inisip kung bakit iyon ang gusto niyang isipin.

"That's it! Perfect!" sigaw ng director.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Where stories live. Discover now