Chapter One

35.4K 473 18
                                    

"PUWEDE ba, Maria Rebecca Estornino, Sabado ngayon. Gabi. Binibitay ang mga ayaw gumimik!" Nakapamaywang si Mirinda habang dinadaldalan ang kaopisina, na kaibigan din niya.

Magtatatlong buwan pa lang si Rebecca—"Beka" for short—sa opisinang pinapasukan nila. Kalog at mahusay itong makisama kaya kaagad nilang nakasundo. Kaso, iisang beses pa lang nilang nakasama ito sa gimikan dahil laging gustong umuwi nang maaga.

Dahil natapat ng Biyernes ang suweldo nila, awtomatikong may gimmick silang magkakaopisina ngayong gabi ng Sabado. hindi papayag si Mirinda na tumanggi uli si Beka.

"Hindi naman sa ayaw ko," ani Beka. Kasintaas niya ito—five-four and a half—mas bilugan nga lang ang katawan. Hanggang balikat ang buhok nito na inunat ng siyensiya. Mahilig din ito sa mga pampaganda at in lagi ang porma. Ibig sabihin, game din ito sa buhay at ayaw ring pahuli. Kaya nagtataka sila kung bakit pagdating sa kuya nito, tiklop lagi ang mga tuhod, bahag ang buntot, at tago ang mga sungay.

"'Yon naman pala, eh. Di, tara let's!" ani Mirinda. Nahubad na niya ang itim na blazer. Puting turtle-necked blouse na sleeveless at itim na slacks ang suot niya. Ang suot niya sa mga paa ay red high-heeled shoes na kakulay ng bag niya.

She was ready to paint the town red. Sa taxi na lang siya maglalagay ng makeup.

"Oo nga, nang makarami," pagsang-ayon ni Faye, ang Sex Bomb ng grupo nila dahil voluptuous at curvaceous ang katawan nito. Morena ito at hanggang baywang ang tuwid na tuwid na buhok. Nakapagpalit na ito ng damit—low-waisted jeans na may red and white belt at blouse na pagkaliit-liit na tiyak na kakasya sa eighteen-month-old na pamangkin niya. Sa harapan niyon ay mayroong malaking pusong disenyo. Naka-running shoes ito na pula rin ang kulay.

"Hindi nga ako puwede ngayon," giit ni Beka. Ito lang ang nakapang-opisina pa ang suot. "Sinabi ko naman sa inyo, hindi ako puwede sa biglaan. Kailangan, makapagplano muna ako."

Natutop ni Mirinda ang noo. "Simula no'ng huli nating suweldo hanggang kahapon, may panahon kang magplano. Ano ka ba? Kung asawa mo ang kinatatakutan mo, baka maintindihan ko pa. Kaso, kuya mo lang, eh. Nasa hustong gulang ka na. Kaya mo na ang responsibilidad ng isang ina. Hindi ka na dapat hinihigpitan. Sus ginuo!"

"Ayoko lang mag-away na naman kami," ani Beka.

"Mabuti ngang mag-away kayo, para hindi ka na niya kikibuin. Hindi ka na niya mahihigpitan," sabi ni Lala. Sexy sana ito dahil matangkad, pang-model ang height at feeling-model din kung pumorma. Kaso, malaki ang bilbil nito at kulang sa balakang. Ang hilig pa naman nito sa masisikip na damit, kagaya ng kay Faye.

Ito ang nagplano ng lakad nila. Noong Lunes lang ay bigla na lang itong humagulhol habang nagkukuwenta ng payroll. Iyon pala, nakipag-break sa boyfriend dahil natuklasang may iba pang girlfriend ang jowa. Tipikal. Pero hindi tipikal ang sakit niyon. Alam ni Mirinda iyon, dahil ilang beses na ba siyang pinagtaksilan ng mga naging boyfriend niya?

Para daw makalimot, nagyayang gumimik si Lala. Agree naman silang lahat sa suggestion nito. Alam iyon ni Beka kaya hindi niya tatanggapin ang katwiran nito na hindi ito nakapagplano.

"Kapag nagalit si Kuya, lalo niya akong hihigpitan," sabi nito.

"Naku, lulumutin tayo rito. Tara na!" yaya ni Mirinda, hinagilap ang braso ni Beka. "Kapag inaway ka ng kuya mo, idemanda mo! Labag sa human rights law ang ginagawa niya!"

Nasundan iyon ng tawanan.

"Malilintikan talaga ako nito," ani Beka ngunit nagpatianod sa kanila hanggang elevator at ground floor. Ibig sabihin, tama ang kutob ni Mirinda. Uhaw naman talaga sa gimmick ang babae.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Where stories live. Discover now