Chapter Seven

12.7K 312 13
                                    

"S-SORRY talaga, Kuya. Hindi ko sinasadya. Nahihilo kasi ako kanina, sa puyat siguro kaya..."

Nabasag ang Buddha figurine ko, sa loob-loob ni Mack nang pagkaraan ng ilang segundo ay rumehistro sa isip niya ang sinasabi ni Beka. "Masama pala ang pakiramdam mo, bakit naglinis ka pa?" aniya, hindi maintindihan kung paano ilalabas ang galit. Gusto niyang manuntok, pero hindi naman niya kayang suntukin ang kapatid. Isa pa ay nagsabi naman agad ito at humingi ng tawad. Dapat siyang magpatawad. Iyon ang tama. Kaso, galit pa rin siya.

Walang katumbas na halaga ang figurine. Talagang iningatan niya iyon dahil simbolo iyon ng kanyang tagumpay. Kapag may mga problema sa BedMates, titingnan lang niya ang figurine, nagkakaroon na siya ng panibagong pag-asa at lakas ng loob na magpatuloy.

Maybe that was how pet owners felt, kapag namatayan ng alaga. Ang hirap tanggapin.

"I'm sorry, Kuya," ulit ni Beka.

Napabuntong-hininga siya. "Paano ba nabasag?"

"Kasi nga, binuhat ko. Pupunasan ko 'yong patungan niya. Maalikabok na kasi."

"Sana hindi mo na lang pinakialaman."

"Sana nga. Kung alam ko lang na magkakagano'n," parang pagsisisi nito. "Kasi, medyo makalat kanina no'ng umalis sina Mirinda. Alam ko naman na lalo kang magagalit kapag hinayaan kong makalat ang bahay."

He knew who Mirinda was. Nabanggit na ni Beka ang pangalan ng babae noong mapagalitan niya ito. Kaibigan nito iyon na pinakaiinisan niya. Pagkarinig niya sa pangalang iyon ay lalo siyang nainis.

O mas magandang sabihin na nagkaroon ng target ang kanyang galit.

"At bakit naman sila nagkalat? Mga kababaeng tao, makalat."

"Nagkatuwaan kasi kami, Kuya. Pasensiya na talaga."

Hindi siya umimik.

"Galit ka pa ba, Kuya?" malambing na tanong nito. "G-gusto mo na bang kumain? Nagluto ako ng crispy pata."

"May magagawa pa ba ako?" Alangan namang kamuhian niya habang-buhay ang kapatid? "Sige, kakain na ako."

Ngumiti ito at nagtungo sa dirty kitchen.

Sinundan niya ito. "Gusto kong mangako ka na hindi ka na makikipag-ugnayan sa mga kaibigan mong 'yon, lalo na do'n kay Mirinda."

"Promise," anito habang kumukuha ng kanin sa rice cooker. "No more Mirinda, Sprite na lang."

"Hindi ako nagbibiro, Rebecca." Naupo siya sa harap ng Formica table na pandalawahan lang, pumiraso ng crispy pata at isinawsaw iyon.

"Alam ko naman. Sorry. Gusto ko lang pagandahin ang mood mo." Ibinaba nito sa mesa ang kanin, pagkatapos ay naglabas ito ng dalawang plato at mga kutsara't tinidor. Pagkalapag ng mga iyon sa mesa ay kumuha ito ng tubig sa ref, then she joined him. "At promise, Kuya, pagbubutihin ko ang trabaho ko sa BedMates. I realized na time na talaga para tulungan kita. Sapat na 'yong ilang buwan kong experience sa labas."

"Good."

They started to eat.

Pagkakain nila ay hindi na niya kinailangang utusan ang kapatid na maghugas ng pinagkainan nila. Nagkusa na ito. Hinintay niyang matapos ito at makapasok sa silid nito.

Nang nasa silid na si Beka ay kinatok niya ito. Naghahanda na ito sa evening beauty ritual nito.

"Burahin mo sa phone book ng cellphone mo ang mga pangalan ng mga kaopisina mong 'yon," utos ni Mack.

"Kuya..."

Kitang-kita niya ang pagtutol sa mukha nito. "I told you, I'm serious. Do it now."

Halatang masama ang loob na inilabas nito ang cellphone. Naupo ito sa tabi niya sa kama. Pinanood niya ito habang nagbubura ng mga entries sa phone book.

"At para masiguro ko na hindi na nga kayo magkakaroon ng ugnayan, magpalit ka na rin ng SIM. Tanggalin mo na 'yang nasa 'yo. Ikukuha na lang din kita ng plan. May bago ka pang cellphone."

"Ayoko ng bagong cellphone, Kuya. May sentimental value sa akin ang phone na 'to."

"Ilagay mo sa phone memory," sa halip ay sabi niya. Mabuti na iyong sigurado, baka naliligaw rin doon ang numero ng Mirinda na iyon.

"'Kainis ka naman, Kuya."

"Just do it, okay?"

Sumunod naman ang kapatid niya.

Siya mismo ang nagbasa ng mga entries sa phone memory, na-relieve na wala roon ang pangalan ni Mirinda at ng mga kasamahan nito. In-off niya ang cellphone at kinuha ang SIM card.

He stood up. "Matulog ka nang maaga. Pupunta tayo sa tahian nang maaga."

"Tahian?" Gayon na lang ang disappointment sa mukha ni Beka. "Akala ko ba, sa admin mo ako ilalagay?"

"Mas mabuti nang doon ka muna sa production. Under ka ni Marybeth sa quality control."

"Sa admin na lang ako, Kuya. Wala naman akong alam sa pananahi."

"Ako rin, 'di ba? Kaya nga nag-aral ako. Ganoon din ang gawin mo. Pag-aralan mo muna lahat ng aspeto. Nakausap ko na si Marybeth. Alam na niya ang gagawin."

"'Saklap naman. Wala namang pogi ro'n sa tahian," pag-ismid nito.

"Kaya nga doon kita dadalhin. At huwag mong kalilimutan na hindi ka puwedeng mag-asawa o mag-boyfriend hangga't wala pa akong asawa."

Lalong nagusot ang mukha ng kapatid niya. "Kailan ka ba mag-aasawa?"

"Bakit? Gusto mo na bang magka-boyfriend?"

"Natural lang 'yon, Kuya. As far as I'm concerned, kasali 'yon sa mga dapat kong maranasan sa buhay. Kahit minsan, hindi ko pa naramdaman ang feeling ng brokenhearted."

"Di pasalamat ka!"

"Ano'ng ipapasalamat ko ro'n? Abnormal ang buhay ko."

"Ikaw lang ang nag-iisip niyan, Rebecca. Hindi kita binabantayan at inaalagaan nang mabuti para lang masaktan ka ng kung sino. Hanggang buhay ako, kahit mamatay pa ako, hindi ako papayag na may manloko sa iyo."

"Kahit once lang, Kuya. Pabayaan mo naman ako, puwede?"

"No," maiksi at may diing sagot ni Mack. "Tigilan mo na 'yang kalokohan mong 'yan. Matulog ka na." Lumapit siya sa pinto. "Goodnight."

"Kuya," pahabol nito. "Crush ka nila."

"Nila?" Hindi niya maintindihan ang naramdaman nang marinig ang sinabi ng kapatid. Inis siya na flattered na ewan.

"Nina Mirinda. Ang guwapo mo raw kahit masungit ka."

"So?" He felt silly and he couldn't understand why.

"Hindi mo ba naiisip na ang sama ng ugali mo?"

"Ako?" Ano ba ang gustong palabasin ng kapatid niyang ito?

"Oo. Dine-deprive mo ang kababaihan ng kaligayahan dahil ayaw mo silang pansinin. Puro ka na lang negosyo. Baka tumanda kang nag-iisa, Kuya."

He grinned. "That won't happen. Remember you can't get married until I do?"

"Excuse me, magtatanan ako kapag treinta na 'ko at wala pa akong supling."

"Tatanggalan kita ng mana."

"Kukuha na ako ng lawyer ngayon pa lang."

Napangiti na lang uli siya na may kasamang iling. "Goodnight."

"Ang lakas daw ng arrive mo, sabi ni Mirinda," pahabol uli nito.

Hindi na niya iyon pinansin. Kunwari. Pero ang totoo, he was feeling... strangely silly. Hindi naman si Mirinda at ang grupo nito ang unang nagsabi na guwapo siya at nagka-crush sa kanya.

Still, that brought him an overall feeling of uneasiness.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon