"Sayang ang lahi," ani Faye at tumindig. "Kung ipapahintulot n'yo, señorita, aakitin ko ang kuya n'yo."

Napahalakhak sila.

"Hindi mo maaakit si Kuya. Kapag ayaw niya, ayaw niya. Sarado ang utak n'on. Hindi siya magpapaakit kahit kanino hangga't wala pa siyang balak mag-asawa o mag-jowa."

"Kailan puwedeng akitin?"

"Kapag pati cover ng bankbook niya, may nakatatak nang deposito."

"Gano'n?" ani Mirinda. "Kakaiba naman talaga ang kuya mo."

Nagtawanan uli sila.

"Sshh... Huwag kayong maingay, magagalit si Buddha," hirit ni Lala.

Lahat sila ay napatingin sa Buddha na figurine sa sulok ng sala na katabi ng Chinese screen. Nakataas ang dalawang kamay ni Buddha, may hawak na parang bangka, nakalabas ang tiyan, at siyempre, nakangiti habang sarado ang mga mata. Eskayola siguro iyon pero dark brown na namumula ang kulay. Makintab din iyon.

Marami nang nakitang figurine na Buddha si Mirinda na ganoon pero parang mas may quality ang naka-display kina Beka.

"Hoy, huwag mong biruin si Buddha, mamalasin ka," pananakot ni Beka.

"Akala ko ba, Katoliko ka? Bakit ka naniniwala kay Buddha?" Si Lala.

"Hindi ako naniniwala. I was joking, okay? Kay Kuya 'yan. Suwerte raw sa kanya 'yan."

"Buddhist ang kuya mo?" tanong ni Mirinda.

"Hindi, pero may umaakit sa kanya. 'Yong nagbigay niyan. Walang religion ang kuya ko," sabi pa ni Beka.

Namangha sila.

"Kaya naman pala walang kasing-antipatiko, hindi naniniwala sa God!" pumapalatak na sabi ni Mirinda.

"Correction!" Si Beka. "Naniniwala sa God ang kuya ko. Sa religion siya hindi naniniwala. Para sa kanya, God is beyond religion. Sa mga religions daw, nalilimitahan ang power ng God kung saan ang idea nila ng God ay nakabase lang sa mga paniniwala at doctrines ng religions. Hindi raw ganoon ang God."

Tumaas ang kilay ni Mirinda. "Weird."

"Kaya pala sa kuwarto mo lang may altar," komento ni Lala.

"Oo. Pero iginagalang naman ni Kuya ang mga religions, lalo na ang Catholic faith, kasi Catholic naman talaga kami."

"Eh, bakit naniniwala siya kay Buddha kung hindi siya naniniwala sa mga religions?" tanong ni Mirinda.

"Hindi naman niya sinasamba 'yang si Buddha, ano ka ba?" ani Beka. "Mahal lang niya 'yang figurine na 'yan kasi may sentimental value. Bigay 'yan sa kanya n'ong Chinese client niya na sabi niya ay kauna-unahang tao na nagtiwala at nagbigay ng chance sa kanya. Kaya para sa kanya, symbol ng suwerte ang figurine na 'yan. Ingat na ingat nga siya riyan. Wala na raw mabibiling ganyang klaseng figurine ngayon. Antique raw iyan. Nakita mo naman, ibang klase."

"Sabagay." Tumayo si Mirinda at nilapitan ang figurine. Mga dalawa at kalahating piye ang laki niyon. Nakapatong iyon sa isang dark brown na kahon sa sulok. Kinatok niya ang hugis-bangkang dala-dala ni Buddha. "Mukha ngang matibay."

"Baka mabasag!" saway ni Beka.

Imbes na pasaway, binuhat pa niya si Buddha. "Mabigat..." May kumalansing. "May pera!"

"Alkansiya 'yan, eh. Hinuhulugan ni Kuya 'yan ng mga barya," sabi ni Beka.

Lalo pa niyang kinalog iyon. "Hoy, Buddha, bigyan mo naman ako ng suwerte. Patamain mo ako sa lotto. Promise, bibili ako ng maraming-maraming BedMates."

"Ang gusto kong BedMate ay si Kuya," humahagikgik na sabi ni Faye.

"Oo nga, type pa rin kahit masungit!" segunda ni Lala.

"Malalandi! Ako ang nauna. Ako ang magiging BedMate ni Kuya!" sakay niya sa takbo ng biruan.

"Kahit masungit, crush ko," pag-amin ni Faye. "Hindi ko makakalimutan ang hitsura niya habang tulog. Tihayang-tihaya, nagmumura ang ummmmnn," anito, a la Terri Onor.

Hagalpakan na naman sila.

Nag-high-five pa sina Lala at Faye. "Oo nga, 'pansin ko rin," ani Lala.

"Mga manyakis!" sigaw ni Beka. "Igalang n'yo ang kuya ko. Virgin pa 'yon!"

Lalo lang silang nagkatawanan.

"Virgin pa rin naman ako, ah! 'Di ba, Buddha?" ani Mirinda.

"Sa ilong!" sabay-sabay na sabi ng tatlo.

Hindi namamalayan ni Mirinda na naaalog nang husto si Buddha sa kakatawa niya. Nagulantang na lang sila nang bigla na lang malaglag ang pinaka-base ng figurine. Nahulog lahat ng barya. Durog ang base.

"Shit!" usal ni Beka.

"What I do? What I do?" aniya. "Wala akong ginawa. Kusa siyang nalaglag!"

"Lagot ka, mamalasin ka," sabi ni Faye.

"Mamalasin ka talaga," segunda rin ni Beka at lumapit sa kanya. Pinulot nito ang mga piraso ng nabasag na base ng figurine. "Mamalasin ka dahil lagot ka kay Kuya."

"Mighty Bond?" anas niya. Wala siyang intensiyon na basagin iyon.

"Lala, kunin mo ang Mighty Bond do'n sa kuwarto ni Kuya, sa drawer sa may salamin," utos ni Beka.

"Opo, señorita." Sumunod ito.

Nakipulot si Mirinda sa mga basag na bahagi niyon. "Paano na 'yan, Beka?" Masyadong maliliit na ang ibang bahagi. Ang iba naman ay napulbos. Imposible nang maidikit nila ang lahat ng mga iyon.

"Ewan ko. Kasi naman, ang daming puwedeng pag-trip-an, si Buddha pa," anitong halatang worried.

"Nakangiti pa naman si Buddha, hindi siya galit." Pinulot na rin niya ang mga barya.

"Gaga!"

"O, ang Mighty Bond." Iniabot ni Lala ang pandikit.

Naubos ang umaga nila sa pagdidikit ng mga piraso ng nabasag na base ngunit hindi naibalik sa dati ang figurine. Ang masaklap pa, hindi nila maitago ang nabasag dahil sa parteng harapan ni Buddha mas malaki ang damage. Itim ang base niyon, ngunit ngayon, puti na at butas.

"Paano ba 'to?" hinaing ni Beka.

"Lagyan natin ng Pentel pen na itim," suggestion ni Faye.

"Butas nga, eh." Si Beka.

"Utang-na-loob, Beka, huwag kang magalit sa 'kin. Hindi ko talaga sinasadya," ani Mirinda. "Babayaran ko na lang."

"Wala nga tayong mabibilhan ng ganitong klase."

"Lagyan natin ng Play-Doh, 'tapos, pinturahan natin ng itim, 'tapos, lagyan natin ng colorless na nail polish para makintab," suhestiyon niya.

"Di bumili ka sa National ng Play-Doh," ani Faye. "Kung may masasakyan ka."

Sarado pa rin ang mga daan at ang mga tao ay pinili na lang manatili sa bahay at manood ng balita.

"Tiyak, pansin agad ito ni Kuya pagdating."

"Sabihin mo, mag-iba na lang siya ng religion." Si Lala.

"Gaga!" singhal ni Beka. "Hindi nga siya Buddhist. May sentimental value lang sa kanya ito."

"Ang mahal pa naman ng sentimental value, hindi puwedeng isanla." Si Lala.

Kahit naman nag-aalala, natatawa pa rin si Beka. Sa bandang huli, nagkatawanan na lang sila. Kung anu-ano ang ginawa nilang paraan para maitago ang damage sa figurine at ang pinagtapusan, nadagdagan pa ang basag niyon.

Doon na rin sila kina Beka nagtanghalian. Nagtsismisan din sila hanggang alas-dos ng hapon. Nagsawa na sila sa kakaayos kay Buddha. Bahala na lang si Buddha kung ano ang mangyayari kapag nakita ng kuya ni Beka ang nangyari sa paborito nitong figurine.

Bandang alas-kuwatro nagyaya si Faye. Napagkasunduan nila na maglakad na lang uli. Kung may masasakyan, di sumakay, pero kung wala, di maglakad.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Where stories live. Discover now