Part 26

2.9K 99 7
                                    

"Masaya akong makita na mukhang naging masaya kayo. At least I know my wish that Christmas came true. Tila tunay nga ang kasabihang natutupad ang mga kahilingan kapag nakumpleto mo ang simbang gabi," sabi ni lolo Florence. Humarap itong muli kay lolo Ambo at kay Reira. "Hiniling ko na kahit anong mangyari sa hinaharap ay maging masaya at kuntento si Sita sa kanyang buhay. Na maging puno ng pagmamahal at tawanan ang mga darating na taon para sa kaniya. It came true... kahit na hindi ako ang nakasama niya sa buhay at nagpangiti sa kaniya."

Namasa ang mga mata ng matanda at napatitig kay lolo Ambo. "Ambrosio, may pagkakamali ako. Noong ako'y nagbakasyon sa inyo ay hindi ko napagtanto ang isang bagay na dapat ay agad kong napansin kung hindi nga lamang ako masyadong natuon sa aking sarili. Nabatid ko lamang ito noong ako'y nasa Amerika na at inaalala ang nakaraan. Ambrosio, iniibig mo si Sita noon pa man, hindi ba?"

Napasinghap si Reira at nanlalaki ang mga matang napalingon kay lolo Ambo. Malungkot na ngumiti ang kanyang lolo. "Noon pa mang kami'y mga bata pa. Bakit sa tingin mo tinataboy ko ang lahat ng kanyang mga manliligaw?"

"P-pero tinulungan mo si lola Tisay at lolo Florence hindi po ba?" hindi na nakatiis na bulalas ni Reira. Nang takang mapatingin sa kaniya si lolo Ambo ay medyo napangiwi siya. "Ipinabasa sa akin ni lolo Florence ang mga sulat sa kaniya ni Sita. Hindi ko alam na kayo pala ni lola ang tinutukoy sa mga sulat na iyon kasi iba ang tawag ko sa inyo eh."

Marahang tumango si lolo Ambo. "Nagbago ang tawag sa amin ni Sita noong kami'y mag-asawa na. Palayaw na bigay ng mga taong naging malapit sa amin sa bahay natin sa Maynila. At sa una mong tanong apo..." Muli ay tumingin ito kay lolo Florence at malungkot na ngumiti. "Batid kong gusto ninyo ang isa't isa, Flor. At kapwa kayo mahalaga sa akin kaya hindi ko tinangkang mamagitan. Ang sa aki'y kung masaya kayong dalawa ay susuportahan ko kayo sa abot ng aking makakaya. Ni hindi ko naisip na mapapangasawa ko siya. Alam kong minahal niya ako. Hindi man agad, hindi man katulad ng naging pag-ibig niya sa iyo, subalit sapat na sa aking pinili niya akong makasama habambuhay."

Namasa ang mga mata ni Reira at hindi nakatiis. Niyakap niya si lolo Ambo at isinubsob ang mukha sa balikat nito. Gumanti ng yakap ang kanyang lolo at naging mainit ang ngiti habang nakatingin sa kaniya. "At dahil doon ay nagkaroon ako ng ganito kaganda at kabait na apo. Nang una kong makita si Reira noong siya ay kapapanganak pa lamang ay labis akong nagpasalamat na pinakasalan ko si Sita. Na nagkaroon kami ng anak na nagbigay buhay naman sa batang ito."

"Lolo," naiiyak na usal ni Reira at humigpit ang yakap dito. "I love you. Kayo ni lola Tisay. Sobra."

"Alam namin, hija," ganti ni lolo Ambo.

"Naiintindihan ko ang sinasabi mo Ambrosio," sabi ni lolo Florence. Napalingon silang maglolo. May masuyong ngiti sa mga labi ni lolo Florence at sumulyap kay Simon Ker. Tinapik pa nito sa balikat ang binata. "Nang makita ko rin sa unang pagkakataon ang bagong panganak na apo ko, napalis ang mga pagsisising nadama ko sa buhay mula nang ako'y magtungo sa Amerika. Siya ang aking naging kaligayahan."

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Simon Ker. Lumitaw ang tunay nitong nadarama para sa lolo nito. Napangiti si Reira.

Hanggang sa muling bumaling sa kanila si lolo Florence at magtanong, "Sandali nga, nasaan pala si Sita?"

Napalis ang ngiti niya at si lolo Ambo ay napisil ang kanyang balikat. Si Simon Ker na alam ni Reira na kanina pa nakatunog ay huminga ng malalim. "Lolo Flor," usal nito.

"Well?"

"Wala na siya, Flor," mahinang sagot ni lolo Ambo.

Natigilan si lolo Florence. "A-anong iyong ibig sabihin?" garalgal ang tinig na tanong nito.

Nanginig din ang mga labi ni lolo Ambo at napatitig sa malaking family picture nila na nakasabit sa dingding. "Pumanaw siya noong nakaraang taon. Gabi nang kinunan ang larawan naming iyan. Natulog kami at nang ako'y gumising sa araw ng pasko, maligaya at sabik na ipakita sa kaniya ang aking sorpresa sapagkat kaarawan niya. Subalit hindi na siya nagising."

Tinakasan ng kulay ang mukha ni lolo Florence at para bang tumigil ito sa paghinga sa narinig. "A-anong sinabi mo? P-paanong... h-hindi pa kami nagkikitang muli."

Namasa ang mga mata ni Reira at sumakit ang puso niya habang nakatingin sa matanda. "Ang sabi po ng doktor ay katandaan ang dahilan. Pero bago sila pumasok sa kuwarto nila ng gabing iyon ay masayang masaya pa nga si lola. Ang sabi pa nga niya kuntento at masaya siyang nagkasama-sama kaming lahat," sabi niya.

"At bago kami tuluyang matulog ay bigla ka na lamang niya binanggit, Florence. Bigla siyang nagbalik tanaw sa nakaraan. Iyon ang unang beses na binanggit ka niya sa akin mula ng kami ay magpakasal. At nang pipikit na siya'y nginitian niya ako at nagpasalamat sa akin sa mahabang panahong inalagaan at minahal ko siya. Na huwag ko raw kalilimutan na minahal niya rin ako. Nagtaka ako kung bakit ganoon siya magsalita subalit binalewala ang lahat," nakayuko nang sabi ni lolo Ambo. "Kung alam ko lamang na iyon ang huling pagkakataong makapag-uusap kami ay sana tinagalan ko pa ang pakikipag-usap sa kaniya. Na sana'y hindi na lamang kami natulog hanggang sa sumikat ang araw. Kaya sinabi ko sa iyo, Flor na huli ka na. Kung naisip mong bumalik sa bansa noong nakaraang taon ay baka nakapag-usap pa kayong dalawa."

Hindi nakapagsalita si lolo Florence. Pero nakikita ni Reira na mukha itong pinagbagsakan ng langit sa narinig. Paulit-ulit itong huminga ng malalim na para bang nagpipigil ng emosyon. Maya-maya ay tumayo ito. "M-maraming salamat at sinabi mo sa akin ang lahat ng iyan, Ambrosio. Salamat at sa kabila ng lahat ay pinapasok niyo kami sa inyong bahay. Reira, hija, salamat sa pagdadala sa amin dito. M-mauuna na muna kami."

Tumayo si Simon Ker. Ganoon din si Reira. "Lolo Florence," usal niya. Gusto niya itong aluin subalit ano ang pwede niyang sabihin? Wala na ang taong gustong gusto nitong makita. Tumalikod ang matanda at mukhang nanghihinang naglakad patungo sa direksyon ng pinto. Kumilos si Simon Ker upang sumunod sa lolo.

"Simon Ker," tawag ni Reira sa binata.

Sandali lang siya nitong nilingon. "We'll talk later. Ihahatid ko muna pauwi si lolo. Sasabay ka ba sa amin o magpapaiwan ka muna dito?"

Napasulyap si Reira kay lolo Ambo. Nakagat niya ang ibabang labi bago ibinalik ang tingin sa binata. "Dito muna ako," mahinang usal niya. Sa tingin niya ay hindi magandang ideya na iwan ang kanyang lolo doon ng nag-iisa habang ganoon ang kalagayan ng emosyon nito.

Tumango si Simon Ker. Patalikod pa lamang ito sa kanila nang may biglang lumagabog sa direksyon ng pinto. Napaigtad si Reira at lahat sila ay napalingon doon. Namilog ang mga mata niya at parang may sumuntok sa kanyang sikmura nang makitang bumagsak sa sahig si lolo Florence at mahigpit na hawak ang dibdib.

"Lolo!" sabay na sigaw ni Simon Ker at Reira. Pagkatapos ay tumakbo sila palapit upang daluhan ang matandang nakahandusay na sa sahig at kinakapos ng paghinga.

Muntik na mapaiyak si Reira. Seeing lolo Florence in that condition felt like a nightmare before Christmas.

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ