Part 1

7.2K 163 5
                                    

NAPAIGTAD si Reira sa malakas at malutong na tunog ng isang sampal. Nangibabaw ang tunog sa kabila ng may kalakasang awiting pamasko na pumapailanlang sa paligid. Napahinto siya sa paglalakad bitbit ang tray ng mga pagkain na dapat ay ihahatid niya sa pandalawahang lamesa sa dulong bahagi ng restaurant na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. May palagay siyang hindi magandang ideya na ituloy ang paglapit. Sa lamesa kasing iyon nanggaling ang tunog. Sinampal ng babae ang lalaking kasama nito sa lamesa.

"Why are you so selfish? Bakit hindi mo ako mabigyan kahit kaunting oras lang? It's going to be Christmas for God's sake! Hindi ba pwedeng ako muna ang gawin mong first priority bago ang trabaho mo?" sumbat ng babae na nakatayo na at puno ng hinanakit ang tingin sa lalaki.

Lihim na napangiwi si Reira. Uh, oh. Ito na naman po kami. Napabuntong hininga siya at itinutok ang tingin sa lalaki na sa nakaraang tatlong taon ay naging regular customer na nila sa restaurant. Guwapo ang lalaki, maputi at makinis ang kutis, mukhang mabango at malinis, maganda manamit, halatang propesyunal kahit na hindi niya alam kung ano talaga ang trabaho nito. Kapag nakaupo ang lalaki sa lamesang iyon ay hindi maiwasan ng mga customer at staff ng restaurant na mapatingin talaga.

Huwag lang talaga siya magsasalita, sa isip-isip ni Reira.

Humalukipkip ang lalaki at sumandal pa sa silya habang tila bagot na nakatingala sa babae. "Napag-usapan na natin ito. Abala kami sa buwan na ito dahil sa eleksiyon sa susunod na taon. I don't have time for some stupid holiday. It's only for lazy people who don't like working at all."

Namilog ang mga mata ni Reira at nagpantig ang tainga. Parang gusto niyang sumabat sa usapan at sermunan ang lalaki. Hindi na niya iyon kailangan gawin dahil biglang hinablot ng babae ang baso at ibinuhos ang tubig sa lalaki na napaigtad lang pero hindi pa rin tuminag sa pagkakaupo.

"Masaya ka na ba na gumagawa ka ng eksena dito ngayon?" malamig na tanong ng lalaki.

Namasa ang mga mata ng babae. "You know what? Hindi ka lang naman ngayon busy eh. Mula nang magkakilala tayo palagi mong inuuna ang trabaho mo kaysa sa akin. Mas madalas ka pa kumain sa labas kasama ang workmates mo kaysa sa akin. Hindi mo ako naging priority sa buhay mo kahit kailan. Hindi ganoon ang relationship, Ker. Continue to be the jerk that you are and you will never be happy. Ito na ang huling beses na makikipagkita ako sa iyo. I am dumping you. Magsama kayo ng trabaho mo." Iyon lang at nag-walk out na ang babae. Hindi lumingon hanggang makalabas ng restaurant.

Malakas at masigla pa rin ang tugtog pero pakiramdam ni Reira ay nagkaroon ng kakaibang katahimikan sa paligid. Ibinalik niya ang tingin sa lalaki na nanatili pa ring nakaupo sa lamesa. Ni hindi inaabalang punasan ang sarili. Wala na ang lamig sa ekspresyon ng mukha. He suddenly looked... lost.

May nakapang simpatya sa dibdib niya si Reira habang pinagmamasdan ang mukha ng lalaki. Hindi niya alam kung bakit palaging galit at magaspang magsalita ang lalaki. Pero minsan ay hindi niya maiwasan maawa rito sa tuwing may babaeng nakikipaghiwalay rito. Lalo na sa tuwing ganoon ang ekspresyon sa mukha nito. Na para bang sanay itong inaabandona buong buhay nito. Kapag ganoon na ang naiisip niya ay napapalitan ng kurot sa puso niya ang simpatyang nadarama niya para sa lalaki.

Huminga siya ng malalim at muling binuhat ang tray ng pagkain, humablot ng tissue sa isang lamesa at saka naglakad palapit sa lalaki. Kahit nang nakatayo na si Reira sa tabi ng lamesa ay hindi nag-angat ng tingin ang lalaki. Huminga ng malalim si Reira at maingat na inilapag ang tissue sa harap nito.

Noon nagtaas ng tingin ang lalaki. Nagtagpo ang kanilang mga paningin. Iminuwestra niya ang tissue. "Gamitin mo. Malamig na ang panahon ngayon. Magkakasakit ka kapag hindi ka nagpatuyo."

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon