Part 12

3K 78 1
                                    

Liham Mula Kay Sita

Disyembre 19, 1960

Florence,

Ano ang aking gagawin? Sa aking palagay ay unti-unti nang nahuhulog ang aking loob sa iyo. Mula sa aking pag-gising hanggang pagtulog ay ikaw lamang ang nasa aking isipan. Subalit hindi lamang iyon ang labis na ikinababahala ko. Kinausap ako ni inay kagabi, nang kami ay makauwi na sa aming tahanan. Nababahala siya sa interes na ipinapakita mo sa akin. Ang sabi niya'y wala raw masamang makipagkaibigan ako subalit huwag daw akong magtiwala ng lubusan sa iyo. Sapagkat ang isang tulad mo raw na taga-Maynila at nagmula sa isang mayaman at maimpluwensiyang pamilya ay may posibilidad na ako'y paglaruan at pagkuwa'y iiwang luhaan.

Florence, nababatid kong hindi ka ganoong klase ng tao. Napatunayan ko iyon sa ilang araw na ikaw ay aking nakakausap at nakakasama. Iyon mismo ang aking sinabi kay inay subalit hindi siya naniwala sa akin. Katunayan ay sa tingin niya nahuhulog na ako sa "bitag" mo. Nakasisiguro ako na sa susunod na magpaalam tayo sa kaniya na mamamasyal ay hindi niya tayo papayagan. Alam mo ba, nang mapagtanto ko iyon ay uminit ang aking mga mata at bumigat ang aking dibdib. Sapagkat nais kong maulit ang maghapong pinagsaluhan natin. Sapagkat iyon ang pinakamasayang araw sa aking buhay.

Subalit alam ko na hindi ganoon ang tingin ni inay sa namamagitan sa ating dalawa. At ikinalulungkot ko iyon. Sapagkat alam kong espesyal ang mayroon tayong dalawa. Unang beses kong makaramdam ng ganito para sa isang lalaki at masaya akong sa iyo ko ito nadarama, Florence.

Ngunit nababatid ko rin na hindi ka habambuhay na mananatili sa aming bayan. Matapos ang bakasyon ay tiyak na babalik ka sa Maynila, babalik sa iyong normal na buhay, sa iyong mundo na malayo sa akin. Hindi ko muna nais pakaisipin ang nakatakda mong paglisan sapagkat isipin pa lamang iyon ay namamasa na ang aking mga mata.

Ang tanging nagpagaan lamang sa aking kalooban bago ako matulog kagabi ay ang kaalamang makikita kitang muli kinabukasan. Na sa aking pagtungo sa kusina ay mabubungaran kitang naroon na. Na sasabihin mong muli na ika'y nagising at nauhaw lamang kaya ka naroon. Kahit pa ako'y may pakiramdam na sinasadya mo ako roon bago magising ang lahat ng tao sa malaking bahay na iyon. Kinasasabikan ko ang sandaling tayong dalawa lamang ang gising, tahimik na nag-uusap na tila ba kay tagal na nating magkakilala.

Kaya naman ako'y nadismaya nang magising kaninang umaga na gising na ang aking inay. Higit na maaga kaysa normal na oras ng kanyang pagbangon. Akin siyang tinanong kung bakit siyang gising na. Mataman niya akong pinagmasdan at natural ko sa mga sandaling iyon na alam niyang tayo'y nagkikita sa kusina, Florence.

Sinabi niya sa akin na hindi na niya ako hahayaang lumisan ng mag-isa sa umaga. Na mula sa umagang iyon ay sabay na kami magtutungo sa tahanan ng mga Cunanan, nila Ambrosio. Ibig sabihi'y hindi na tayo magkakaroon ng pagkakataong makapag-usap na tayong dalawa lamang, Florence.

Iyon ang nais kong sabihin sa iyo nang maabutan ka namin ni inay sa kusina, may hawak na namang baso ng tubig kahit pa alam kong ako'y sadya mong hinihintay. Nang aking mabistayan ang pagkabigla sa iyong mukha ng makita mong hindi ako nag-iisa ay hiling kong nawa'y nabasa mo ang paghingi ko ng paumanhin sa aking ekspresyon. Lalo na nang pasimple kang paalisin ni inay sa kusina sapagkat magsisimula na raw kami maghanda ng almusal. Florence, tila may pumiga sa aking puso nang makita ang laglag mong mga balikat at dismayadong mukha nang ika'y lumabas ng kusina. Sa totoo lamang ay nais kitang habulin subalit napigilan ako ng nagbabantang tingin ni inay.

"Tigilan mo ang iyong kabaliwan sa isang lalaking tiyak na ika'y pinaglalaruan lamang." Iyon ang sinabi niya sa akin.

"Hindi siya ganoong tao," ang sagot ko sa kaniya.

Subalit pinakatitigan lamang ako ni inay na tila ba sinasabi sa aking hindi niya ako pinaniniwalaan. Pagkatapos niyong naging abala na kami sa kusina. Subalit ang aking isip at puso ay wala sa aking ginagawa kundi nasa iyo, Florence. Hiling ko na makausap ka kahit sandali lamang. O kahit makatabi man lang ay sapat na sa akin. Kaya naman sa loob ng simbahan para sa simbang gabi, pakiramdam ko'y maluluha ako nang pagitnaan ako ni itay at inay at hindi ka nagkaroon ng pagkakataong makatabi sa amin.

Kaya pala'y nag-usap na ang aking mga magulang na ididistansya nila ako sa iyo, Florence. Narinig kong pinag-uusapan nila tayo nang kami ay makauwi sa aming bahay pagkatapos ng simbang gabi. Nababatid ko na sila'y nag-aalala lamang para sa akin. Hindi nila nais na ako'y masaktan. Subalit hindi ko pa rin maiwasan makaramdam ng lungkot. Sapagkat nababatid ko naman na hiram lamang ang bawat araw na ika'y aking makakasama at ipinagkakait pa nila iyon sa akin. Gayunpama'y hindi ko magawang magtampo sa aking mga magulang sapagkat mahal na mahal ko sila.

Marahil rin ay tama sila. Na ako'y dapat umiwas sa iyo. Marahil ay kapag ginawa ko iyon ay hindi na lumalim pa ang aking nadarama. Marahil ay kapag dumating na ang araw nang iyong paglisan ay hindi ako lubos na masasaktan at mangungulila sa iyong pagkawala. Sa mga sandaling iyon, Florence ay nakapagdesisyon akong gawin ang nais ng aking mga magulang. Na hindi na ako makikipagkita sa iyo. Na gagawin ko ang aking makakaya upang huwag kang makita. Na aabalahin ko na lamang ang aking sarili nang sa gayon ay hindi ka madalas na sumagi sa aking isip.

Kaya naman nang magtungo sa aming tahanan kaninang hapon si Aling Alicia, isa sa mga tumutulong sa simbahan upang ako'y alukin na gampanan ang papel na Maria sa dula na patungkol sa pagkapanganak ni Hesus na gaganapin sa gabi ng ika-dalawamput' dalawa ng disyembre sa plaza. Kada taon akong inaalok ni Aling Alicia na gumanap na Maria. Subalit sa tuwina ay hindi pumapayag ang aking ina sapagkat kailangan ako palagi sa kusina upang siya ay tulungan. Sa akin ring palagay ay hindi ko makakayang gumanap ng Maria sa harap ng buong bayan.

Subalit alam mo ba? Pumayag si inay na ako'y lumahok sa dula. Iyon ang dahilan kaya hindi muna ako magtutungo sa tahanan nila Ambrosio simula bukas hanggang sa ika-dalawampu't dalawa. Sapagkat kailangan namin mag-ensayo para sa dula. Sa aking palagay ay makabubuti iyon para sa akin – ang hindi ka makita sa loob ng ilang araw. At marahil ay makagagaan rin iyon sa loob ng aking mga magulang. At sa iyo rin, Florence. Makatutulong sa iyo ang ilang araw na iyon upang maturol kung talaga bang ika'y interesado at may nadarama sa akin o naakit ka lamang ng katotohanang ako'y naiiba sa nakasanayan mong mga kababaihan sa Maynila.

Ah. Isinusulat ko pa lamang ito at iniisip ang posibilidad na mawawala ang iyong interes sa akin ay tila may kumukurot na sa aking puso. Florence, hindi ko na alam kung ano ang naayon kong madama at naayon kong isipin. Nais kong dumistansya subalit sa kaibuturan ng aking puso ay hindi ko nais na ako'y iyong makalimutan. At habang lumilipas ang mga araw ay unti-unting nabubuo sa aking isip at puso ang kahilingang nais kong ipagdasal kapag nakumpleto ko na ang siyam na misa ng simbang gabi.

Pareho ba tayo ng nais hilingin o hindi? Magkakaroon ba ako ng pagkakataong malaman ang kasagutan sa aking mga katanungan? Magkakaroon pa ba tayo ng pagkakatong muling magkita at magkausap? Ah... hindi ko na alam, Florence.

Itutuon ko na lamang muna ang aking isip at atensiyon sa pagganap bilang si Maria. Kapag ako'y naging abala ay lilipas na lamang ng ganoon lamang ang mga araw. Kung ano man ang kahahantungan nating dalawa ay saka ko na lamang pakaiisipin. Hanggang sa muli nating pagkikita at pag-uusap Florence.

Nagmamahal,

Sita

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon