Nang matapos ang dula ay malakas na nagpalakpakan ang mga manonood. Bago tuluyang umalis ng entablado ang mga nagsipagtanghal ay nakita kong iginala ni Sita ang tingin. Huminto sa akin ang kanyang mga mata. Tila may init na humaplos sa aking dibdib at nahigit ko ang aking paghinga nang lumiwanag ang mukha ni Sita at matamis na ngumiti nang ako ay makita. Gumanti ako ng ngiti at may bumikig sa aking lalamunan. Sapagkat sumidhi ang pangungulila ko para sa kaniya. Lalo na nang makita kong kumislap ang mga mata ni Sita at nakita ko roon na pareho kami ng nadarama. Ngali-ngaling akyatin ko ang entablado malapitan lamang siya. Napigilan ko lamang ang aking sarili sapagkat naalala ko ang nakatakda naming pagkikita maya-maya lamang.

Nawala sa paningin ko si Sita nang akayin siya ng isang may edad na babae pababa ng entablado. Nagsimula ring lumapit ang mga tao roon upang marahil ay bumati sa mga nagsipag-ganap. Tinapik ako ni Ambrosio at sumenyas na dapat na akong magtungo sa tagpuan namin ng dalaga. Tumango ako, muling nagpasalamat sa kaniya at saka mabilis na naglakad palayo.

Sa likod ng simbahan kami magkikita ni Sita. May hardin doon na hindi pa tapos isaayos. Walang tao roon at madilim, tanging liwanag lamang mula sa buwan at mga bituin ang dahilan kaya nakikita ko parin ang aking paligid. Hindi ko alam kung gaano katagal akong naghihintay roon. Ang natatandaan ko na lamang ay ang antisipasyon at pagkasabik na aking nadama habang hinihintay si Sita. Ang natatandaan ko na lamang ay ang ligayang aking nadama nang sa wakas ay dumating siya, habol pa ang hininga na tila nagmamadali talagang magtungo roon upang ako'y makita.

"Florence?" usal ng malamyos niyang tinig sa katahimikan.

"Sita," sagot ko habang naglalakad palapit sa kaniya. Siya ma'y naglakad din palapit sa akin. Nagtagpo kami at huminto halos isang dipa lamang sa harapan ng isa't isa. Mahabang sandaling tahimik lamang kami, nakatitig sa mukha ng isa't isa.

Si Sita ang unang ngumiti subalit namamasa naman ang mga mata. "Sa pakiwari ko ay kay tagal na nang ika'y huli kong nakita at nakausap, Florence," bulong niya.

May bumikig sa aking lalamunan at hindi napigilang iangat ang isang kamay upang marahang haplusin ang kanyang makinis na pisngi. Napapikit si Sita na tila ninanamnam ang aking haplos. Sa pagkakataong iyon ay uminit ang aking mga mata at bahagyang yumuko upang magkalapit ang aming mga mukha. "Sita... Sita... miserable ang dalawang araw na hindi kita nakita."

Marahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at sinalubong ang aking tingin. Umangat ang isa niyang kamay at ipinatong sa kamay kong nakalapat pa rin sa kanyang pisngi. "Ako ma'y naging miserable sa mga araw na hindi ka nakita, Florence," mahina ngunit garalgal niyang wika. Na tila ba labis ang emosyong kanyang nadarama.

Niyakap ko siya ng mahigpit. At nang maramdaman ko ang pag-angat ng kaniyang mga kamay paikot sa aking katawan ay napapikit ako. Matagal kaming nanatili sa ganoong posisyon. Nang mapagtantong matagal na kaming magkayakap ay sabay naman kaming kumalas sa isa't isa at sandaling nagkahiyaan.

Maya-maya'y umupo kami sa nakausling malaking bato pasandal sa pader ng simbahan. Tahimik kaming nag-usap. Ipinaliwanag niya sa akin ang naging pag-uusap niya at ng kanyang mga magulang. Maging ang kanyang desisyon na ako'y iwasan at ang takot niya kapag ako'y bumalik na ng Maynila.

Sinabi ko sa kaniya na kakayanin namin ang distansya. Na araw-araw ko siyang padadalhan ng liham at sa tuwing wala akong klase ay maaari akong magtungo roon upang siya'y dalawin.

Hindi ko batid kung gaano katagal kaming mahinang nag-uusap doon, magkatabi at paminsan-minsa'y naglalapat ang mga braso. Ang batid ko lamang ay hindi ko nais matapos ang sandaling iyon. Na kung mananatili kami roon hanggang sa pagsikat ng umaga ay ikasisiya ko.

Subalit umaandar ang oras at sandali pa'y may narinig silang tunog ng malakas at mahabang sipol sa di kalayuan. Iyon ang senyales ni Ambrosio na kailangan na naming bumalik ni Sita. Nagkatinginan kaming dalawa at bahagyang nagkangitian. Nakaramdam ako ng pagkadismaya na matatapos na ang gabing iyon na siya ay aking kasama.

Tumayo ako at saka inilahad ang aking palad upang alalayan naman makatayo si Sita. Walang pagdadalawang isip na ipinatong niya ang kamay sa aking palad. Hinigit ko siya at kahit nang nakatayo na siya'y hindi ko pinakawalan ang kanyang kamay. Kami'y nagkatitigan.

"Kailangan na natin bumalik. Tiyak na hinahanap na ako nila inay at itay," wika ni Sita.

Tumango ako. Pinisil ang kanyang kamay. Pagkuwa'y hindi inaalis ang pagkakatitig sa kaniyang mga mata na inangat sa aking mga labi ang likod ng kanyang kamay at masuyong hinagkan. "Hanggang bukas?"

Ngumiti si Sita at tumango. "Hanggang bukas," masuyong usal niya.

Si Sita ang unang umalis. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan siyang mawala. Makalipas ang maraming minuto ay umalis naman ako. Dumaan sa kabilang direksyong tinahak niya. Kaunti na lamang ang tao nang ako'y makabalik sa plaza. Sa gilid ng entablado ay nakasandig si Ambrosio na dumeretso ng tayo nang ako'y makita.

Lumapit ako sa kaniya. Hindi siya nagtanong tungkol sa naging pag-uusap namin ni Sita. Inaya lamang niya akong bumalik na sa kanilang tahanan. Nang kami'y nasa loob na ng bahay sa ikalawang palapag, bago kami tuluyang pumasok sa kani-kanilang silid ay taos puso akong nagpasalamat sa kaniya. Ngiti at tango lamang ang isinagot ni Ambrosio bago pumasok sa kaniyang silid. Tiyak na matutulog na siya kaagad.

Ako'y ang talaarawan na ito ang unang kinuha pagkapasok ko sa aking silid. Nais kong isulat ang mga nangyari sa gabing ito. Nais kong masiguro na hindi imahinasyon ang lahat. Na tunay na naganap ang sandaling kasama ko si Sita.

Hanggang dito na lamang ako. Subalit natitiyak ko na hindi pa ako makatutulog. Sasariwain ko ang mga nangyari hanggang sa pagsapit ng umaga. Katunayan ay natitiyak kong hanggang sa huling sandali ng aking buhay ay isa ang gabing iyon sa mga sandaling hindi ko malilimutan. At hiling kong kapiling ko pa rin si Sita pagsapit ng araw na iyon.

A WISH FROM CHRISTMAS PAST (a holiday story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon