YAMTF Kabanata: 25

29.9K 875 52
                                    

ICARUS's POV:

Nang makita ko si Raine sa reunion, biglang bumilis ang tibok ng puso ko, para akong kinakabahan na hindi ko maipaliwanag. Napangiti ako nang makita kong suot niya ang damit na ipinadala ko sa bahay nila.

Naaalala ko pa nagpatulong pa ako kay Margaux na pumili ng dress at heels para kay Raine. Noong una ayaw pa ako nitong tulungan dahil kasabwat daw ako ni Brent sa mga kalokohan nito. Napaka-walanghiya ng bwisit na 'yon, ako ang laging isinasang-alang-alang nito para lang makapang-chicks. Tsss...

Nandito ako ngayon sa labas ng store na pinagta-trabahuhan ni Raine. Matagal ko na siyang minamanmanan simula pa nang makabalik ako rito sa Pilipinas.

Gustong-gusto ko siyang lapitan pero palagi akong pinapanghinaan ng loob sa tuwing makikita ko siya. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko kay Raine, dahil iniwan ko siya na wala man lang paalam.

Oo alam kong nag-iwan ako sa kanya ng sulat pero hindi sapat na rason 'yon para lang maging ligtas ako sa mga kasalanan ko sa kanya. Nasabihan ko pa siya ng masasakit na salita sa sulat kong 'yon na wala namang katotohanan, sinulat ko lang ang mga iyon dahil kailangan kong saktan si Raine para lang tuluyan niya akong kamuhian at kalimutan.

Masakit para sa akin na saktan ang babaeng pinaka-mamahal ko, pero kailangan kong gawin iyon dahil hindi ako sigurado kung kaya ko bang panindigan ang mga pangako ko sa kanya na po-protektahan at mamahalin ko siya ng pang-habangbuhay.

Paano ko naman gagawin iyon, kung ultimo sa sarili ko ay hindi ko alam kung matutupad ko ba ang mga pangakong iyon.


THIRD PERSON's POV:

Nasa ganoong pag-iisip si Icarus nang biglang mapansin niya si Raine na lumabas na ng establisyamentong pinapasukan nito.

Agad naman niyang pinatay ang makina ng kanyang sasakyan saka kinuha ang susi bago bumaba, nang maisara ni Icarus ang pintuan ng kanyang sasakyan, agad niyang inayos ang kanyang sarili para paghandaan ang kanilang muling paghaharap ng dalaga.

Ilang beses pang nagpabalik-balik si Icarus, dahil sa matinding kaba na kanyang nararamdaman ngayon. Halos malamig na pawis na rin ang naglalabasan sa buo niyang katawan dahil sa ninenerbiyos talaga ang binata. Hindi niya alam kung ngayon na ba ang tamang oras para harapin ang babaeng pinakamamahal niya.

"Argh!" inis na usal ng binata sa hangin "H'wag kang duwag Icarus, kaya mo 'yan!" pagkukumbinsi nito sa kanyang sarili.

Huminga muna ng malalim na hininga ang binata saka muling ikinundisyon ang kanyang buong sistema. Nang mahimasmasan agad niyang inayos muli ang kanyang sarili at aktong hahakbang na siya nang biglang kumunot ang kanyang noo, nakita niya si Josh na papalapit sa dalaga at parang may pinagtatalunan ang dalawa.

Hindi niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito dahil malayo-layo rin ang pinagparadahan niya ng kanyang sasakyan. Kaya naman sa halip na tumuloy, napagpasyahan na lang nitong pumasok nang muli sa kanyang kotse.

Hindi pa rin binubuksan ni Icarus ang makina ng kanyang sasakyan, nakahawak lang siya sa manibela nito habang nakatingin sa direksyon ng dalawa. Ilang minuto rin nakamasid si Icarus sa mga ito at napansin niyang lumisan na ang binatang si Josh.

Nakita niya si Raine na umupo sa bakanteng upuan sa labas ng pinagta-trabahuhan nito, tila balisa ang dalaga dahil sa nangyaring pagtatalo sa pagitan nila ni Josh. Gustuhin man niyang lapitan ito ngunit nagdalawang isip siya dahil mukang hindi ito ang tamang pagkakataon para magpakita't makipag-usap sa dalaga.

You and Me, Together Forever ✔️ (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon