Ang kaso, pagkalabas niya, natigilan din agad siya dahil umuulan na pala. Kung minamalas ka nga naman. Wala pa siyang dalang payong.

Sumunod na lumabas si Jett galing sa classroom. Natigilan din ito saglit dahil sa ulan, tsaka tumingin sa kanya. "Umuulan pala. Hatid na kita? May sasakyan ako."

Nagulat siya. "H-h'wag na. Nakakahiya na nang sobra sa 'yo. Kaya ko namang umuwi."

"Tara na. Para ka pa namang walang dalang payong. Mapuputikan 'yang uniform mo, puti pa naman."

Napaisip siya bigla.

Oo nga, kawawa naman ang ate Martha niya, mahihirapan na namang maglaba ng uniform. Bumuntong hininga siya, wala naman siyang choice. "Sige. Uhm, babayaran na lang kita. Nahihiya ako eh."

Hindi naman na sumagot si Jett. Bigla na lang siya nitong hinila sa siko para mag-umpisa nang maglakad.

Habang papunta na sa parking lot na medyo may kalayuan mula sa classroom na pinanggalingan nila, bigla na lang kumulog at kumidlat nang malakas. Sabay silang napatingin sa langit.

"Hindi ka takot?" biglang tanong ni Jett sa kanya pagkatapos.

"Sa kidlat?" Umiling siya. "Mahilig ako sa mga ganitong panahon."

"Ah. Kahit kapag naka-puting uniform ka?"

Napangiti siya nang tipid. "Except kapag naka-Nursing uniform ako. Hassle kasi."

Naputol na ang paguusap nila dahil mas lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. Grabe, parang binagsak lahat ng tubig galing sa langit!

Wala na silang nagawa, tumakbo na agad sila sa pinaka-malapit na pwede nilang pagsilungan nang matino. Kung tutuusin, malapit na sana ang parking lot mula sa pwesto nila ngayon, pero mababasa na sila nang sobra kapag tumuloy pa silang sumugod.

Niyakap ni Fina ang sarili niya. Ang lamig!

Napansin naman agad siya ni Jett. "Kaya mo?"

Tumango siya, kahit na sa totoo lang, malamig talaga. Sumasabay kasi ang malakas na hangin. Buwan na ng Hulyo kaya hindi malabong pumasok na ang mga bagyo.

Bigla niya namang napansin si Jett na inu-unbutton na ang suot nitong polo. Pagkahubad, inabot 'yon nito sa kanya. "Oh. Takpan mo ang sarili mo."

Tinanggap niya agad. Pero bago niya pa maisuot iyon ay bigla na siyang hinila ni Jett para sumugod sa malakas na ulan!

"U-uy ano ka ba, malakas!" Tinakpan niya ang ulonan niya as if makakatulong 'yon para hindi siya mabasa.

Grabe, hindi man lang kasi nagsabi itong si Jett! Bigla-biglang susugod! Sinabihan pa siya nito na mapuputikan ang white uniform niya tapos 'yun pala, hihilain lang din siya nito sa ulanan!

Pagkarating nila sa pinagpaparadahan ng kotse, pinasakay agad siya ni Jett sa passenger's seat sa harap. Nabasa na talaga nang sobra ang uniform niya.

Sinundan niya naman si Jett ng tingin pagkatapos habang naghahalungkat ito ng kung ano sa likod ng kotse.

Pagkapasok nito sa loob, inabutan siya nito ng puting tuwalya. "Magpunas ka, baka magkasakit ka." Sabay buhay nito sa makina ng kotse.

"E ikaw?" tanong niya naman. "Papaano ka? Ako lang ang magpupunas tapos ikaw, magda-drive nang basa?"

"Ayos lang ako. Magpunas ka lang diyan."

"Sure ka? Basa 'yang buhok mo. Magpupunas lang ako saglit tapos ikaw naman."

"Hindi na. Sa 'yo na muna 'yan para hindi ka lamigin."

Hindi na siya sumagot. Pero sa loob-loob niya, nahihiya siya.

Mending Fina [COMPLETED]Where stories live. Discover now