MTJAB: Chapter 29

Start from the beginning
                                    

"At hinding hindi kita mapapatawad kapag nawala siya. Mahal mo ako, 'di ba? Layuan mo ako. Dahil hindi kita kailangan sa buhay ko." Para akong nabulunan ng isang malaking bato dahil labag na labag sa kalooban ko ang bawat salitang binibitawan ko sa kanya. Pero gusto kong maramdaman niya kung gaano kasakit ang ginawa niya sa akin. Alam kong mali na sisihin ko siya dahil kasalanan ko rin naman ang lahat ng ito. Dahil kung hindi ko minahal ang isang katulad ni Liam, hindi siguro mangyayari ang lahat ng ito ngayon.

Iniwan ko siyang wala sa sarili katulad ng ginawang pag-iwan niya sa akin. Hindi ko gustong iwanan siya pero kailangan. Kaya kong gawin ang lahat para sa pamilya ko kahit ang pagsuko sa kanya, kakayanin ko.

Isang malakas na sampal ang natanggap ko mula kay Nanay. Manhid na yata ako at ubos na rin yata ang luha ko.

"Nay..." Narinig kong suway ni Eris.

"Kailan ka pa natutong sumuway sa Tatay mo?" Ang makitang umiiyak ang nanay ko sa mismong harapan ko ang mas makakapanghina sa akin.

"H-hindi mo alam kung ilang beses kang sinubukan tawagan ng Tatay mo para lang makausap ka pero ni minsan, hindi mo nagawang buksan 'yang cellphone mo." Galit na galit ang nanay ko sa akin. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako napagbuhatan ng kamay ni Nanay. Mahal na mahal niya ang tatay ko at alam kong natatakot siya sa maaaring mangyari.

"S-sorry, Nay." Nanginiginig ang boses ko at ni hindi ko matingnan ang mga mata ni Nanay dahil sa kasalanang nagawa ko. Napapitlag ako nang marahas akong hilahin ni Nanay sa braso para ipagtulakan sa kwarto kung saan naka-confine ang tatay ko.

"Nay! Nasasaktan si Ate!" Sigaw ni Eris pero para sa akin, wala akong ibang maramdaman. Namamanhid ang buong katawan ko maliban sa puso kong parang pinipiga sa sobrang sakit ngayong nakikita ko kung ilang tubo ang nakasaksak kay Tatay.

"Natutuwa ka bang makitang ganyan ang Tatay mo? Ara, matalino ka pero bakit hindi mo ginagamit 'yang utak mo?!" Sigaw ni Nanay sa akin. Wala akong ibang maisagot dahil alam kong kasalanan ko ang lahat ng ito.

Pilit kong hinihila ang kamay ni Nanay para yakapin siya dahil panay ang hagulgol nito pero pilit niya akong itinutulak palayo. Ito na yata ang pinakamasakit na naranasan ko sa buong buhay ko. Ang itulak ng sarili kong ina palayo dahil sa isang kasalanang alam kong kahit pagsisihan ko, hinding hindi na mababago. Na kahit ilang libong sorry o patawad ang gawin ko, alam kong hindi ko na maitatama ang mali. Marahan na inalalayan ni Eris si Nanay at maingat na iniupo sa isang sofa.

"Nay, makakasama rin sa'yo yan." Suway ni Eris dito. Kitang kita ko kung paano niya alagaan ang nanay namin na kahit kailan hindi ko nakitang ginawa ng sarili ko para sa kanila. Pakiramdam ko tuloy, napaka-walang kwenta kong anak. Muli kong ibinaling ang atensyon ko kay Tatay na ngayon ay malalim ngunit tahimik na humihinga habang nakapikit at may tubo sa bibig. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ko ang kamay nito. Tumungo ako upang maihaplos ko ang palad ni Tatay sa pisngi ko.

"P-patawarin niyo po ako, Tay..." Humihikbing bulong ko, "Sorry..."

Nagkapatong patong na ang lahat ng sakit na nararamdaman ko at alam kong isang yakap lang ni Tatay ang katumbas nito para mapawi lahat ng sakit na nadarama ko.

"Ikaw ang huling hinanap niya bago siya nawalan ng malay." Narinig kong bulong ni Nanay. Dinampian ko ng halik ang bawat daliri ni Tatay.

"Magpagaling ka, Tay. Lakasan mo ang loob mo. Gagawin ko ang lahat para gumaling ka." Bulong ko.

"Paano Ate? Wala na ang lupa sa atin. Ang kubo na lang ang natitira." Narinig kong bulong ni Eris. Kahit hindi niya sabihin, nararamdaman kong may sama siya ng loob sa akin. Sandali kong dinampian ng halik ang noo ni Tatay.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Where stories live. Discover now